NEGOSYO, NOW NA!: Kabiguan
Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, pinag-usapan natin ang mga sikreto ng ating mga kababayang Tsino sa kanilang pagnenegosyo.
Ang kanilang kasipagan, determinasyon at ang diskarteng, “low profit margin for high sales volumes,” ay maaari nating tularan sa ating sariing mga negosyo nang lumago rin tayo tulad nila.
Ngayong linggo naman, pagkuwentuhan natin ang mga Amerikanong sina Steve Jobs, Walt Disney at Bill Gates. Ano kaya ang pagkakapareho ng malalaking mga negosyanteng ito?
Maliban sa sila’y kilalang matagumpay sa kani-kanilang mga larangan ng pagnenegosyo, hindi alam ng marami na dumanas din sila ng malaking kabiguan na muntik na nilang ikinabagsak.
Tulad na lang ng namapayapang si Steve Jobs, na sinibak noong 1985 sa kumpanyang Apple na siya mismo ang nagtatag.
Napakasakit siguro ito, mga Kanegosyo, na tanggalin ka sa kumpanyang ikaw ang nagsimula.
Sa halip na panghinaan ng loob, sinimulan ni Steve ang NeXT, isang computer workstation para sa mga teacher ngunit hindi ito bumenta.
Nakabangon lang si Jobs nang bilhin ng Apple ang NeXT noong 1996 at muli siyang nakaupo bilang interim CEO.
Pagkatapos, pinamunuan niya ang paggawa ng iPod, iPad at iPhone, na naglagay sa Apple bilang isa sa matagumpay na kumpanya sa buong mundo.
***
Noong 1970s, sinimulan naman nina Gates at kaibigang si Paul Allen, na noon ay parehong nasa high school pa lang, ang Traf-O-Data, isang computer business na automatic na nagbabasa ng paper tapes mula sa traffic counters para sa lokal na pamahalaan.
Ngunit hindi nagtagumpay ang kanilang ideya nang magpasya ang estado ng Washington na gawing libre ang pagbibilang ng tapes para sa mga siyudad.
Gamit ang natutunan sa bigong negosyo, muling gumawa ang dalawa ng isang start-up business na tinawag nilang “Micro-Soft”.
Tulad ng Apple, ang Microsoft ang isa sa pinakamalaking negosyo ngayon ng computer hardware at software.
***
Bago naging kilalang gumagawa ng animated movies, nakaranas ng malalaking pagkalugi si Walt Disney noong 1920s at 1930s.
Nawala na sa kanya ang rights para sa sikat na character na si Oswald the Lucky Rabbit, baon pa sa utang na apat na milyong dolyar ang kanyang kumpanya.
Pagkatapos ng ilang taong pagkabigo at paghihirap, nakabangon si Walt Disney nang ilabas niya ang “Snow White and the Seven Dwarfs” noong 1938.
Sa tulong ng nasabing pelikula, muling nakabangon si Walt at naitayo niya ang Walt Disney Studios in Burbank, California, na siyang isa sa pinakamalaking animated movies company sa mundo.
***
Dito naman sa atin, dumaan din sa kabiguan sina Leo at Josephine Dator, ang mga may-ari ng duck farm sa Laguna.
Hindi lang isa, kundi dalawang bagyo, ang dinaanan ng mag-asawa bago naging matagumpay ang kanilang negosyo.
Noong Dekada ‘80, nangutang sina Leo at Josephine, na noo’y kakakasal lang, ng P15,000 upang magtayo ng isang bukid ng mga pato sa Laguna.
Ngunit naglaho ang kanilang pinaghirapan nang tumama ang bagyong Rosing noong 1995.
Dalawang taon pa ang kinailangan upang makabawi ang mag-asawa. Noong 2006, inilunsad nila ang “Itlog Ni Kuya”.
Subalit humagupit naman ang bagyong Milenyo sa bansa kaya muling naglaho ang kanilang farm business.
Naubos na ang kanilang puhunan dito sa Pilipinas. Kaya nagdesisyon silang lumipad papuntang US at nagtaya sila sa negosyong housekeeping.
“Dapat ako lang ang aalis pero hindi pumayag si Leo dahil alam niya hindi ko naman alam ang ganoong trabaho,” saad ni Josephine.
Matapos ang isang taon, nagbalik sila sa Pilipinas at binuhay ang kanilang duck farm. Ngayon, may 1,000 itlog na produksyon ang kanilang farm kada araw.
Ang kabiguan ay bahagi na ng pagnenegosyo. Ang mahalaga rito ay kung paano gagamitin ang pagkabigo upang makabangon at makamit ang iyong tagumpay!
First Published on Abante Online
Recent Comments