Month: June 2015

BIDA KA!: Kababaang-loob

Kung tutuusin, hindi Niya kailangang maranasan ang hirap sa kamay ng mga Hudyo. Ngunit buong pagpapakumbaba Niyang ibinigay ang buhay upang tayo’y iligtas at ilayo sa kapahamakan.

***

Ito rin ang kaugaliang ipinamamalas ni Pope Francis sa pagtupad ng tungkuling pamunuan ang Simbahang Katolika at lahat ng Kristiyano sa buong mundo.

Sa unang mga araw niya bilang Santo Papa, ipinakita na ni Lolo Kiko ang kanyang kababaang-loob nang hugasan niya ang paa ng mga kabataan, babae at Muslim na bilanggo sa isang juvenile detention center noong 2013.

May ilan ang bumatikos sa pagkilos na iyon ng Santo Papa dahil ito’y kontra sa tradisyon ng Vatican na puro lalaking pari lang ang dapat hugasan ng paa dahil pawang mga lalaki ang mga alagad ni Kristo.

Ngunit hindi pa rin natinag ang Santo Papa. Noong nakaraang taon, nagtungo siya sa isang home for the aged at PWDs para hugasan ang paa ng ilang napiling matatanda at may kapansanan.

Ngayong taon, nakatakda siyang dumalaw sa Rebibbia prison sa Rome sa gabi ng Holy Thursday.

Pagkatapos ng misa, nakatakdang hugasan ng Santo Papa ang paa ng ilang piling bilanggong lalaki at maging babae.

Ayon kay Pope Francis, ang paghuhugas ng paa ay simbolo ng kanyang pagmamahal sa lahat, hanggang sa pinakaordinaryong miyembro ng lipunan.

***

Ang halimbawang ito ni Pope Francis ay pagpapakita lang ng katangian ng isang servant leader, na handang magsilbi sa lahat nang may kababaang-loob.

Ito ay isang mahalagang imbitasyon na katangiang kailangang isabuhay, lalo na sa aming mga halal na opisyal ng bayan.

Sa simula pa lang ng administrasyong ito, sa hindi paggamit ng wangwang ng mga pinuno natin, nais ipakita na walang special treatment kahit kanino sa daan.

Kahit kung minsan late na sa appointment, hindi pa rin inalis ng Pangulo ang patakarang ito, na isang magandang halimbawang sinusunod ng iba pang opisyal ng pamahalaan.

May iba’t ibang paraan din upang maipakita ng mga lingkod-bayan na sila’y karapat-dapat na mga servant-leader ng bansa.

Una rito ay ang pagbibigay ng tapat at malinis na paglilingkod sa taumbayan na naglagay sa kanila sa puwesto.

Ang ikalawa ay ang pagsisikap na matupad ang kanilang ipinangako noong panahon ng halalan ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga nagtiwala sa kanila.

Ikatlo, ang pagiging mapagkumbaba sa lahat ng panahon, gaya ng ipinakitang halimbawa ni Hesus at patuloy na ipinamamalas ni Pope Francis.

Ito ang mga aral na hatid ng Semana Santa para sa ating lahat. Sana’y maitanim ito sa ating puso’t isipan.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Ultimate Responsibility

Subalit mayroon pa rin akong agam-agam sa ilang bahagi ng report dahil pakiramdam ko ay labas na ito sa mga hearing na ginawa namin.

Tulad na lang ng mga naging konklusyon nito sa peace process, sa pagkilos ng peace panel ng pamahalaan at sa Bangsamoro Basic Law.

Sumulat tayo sa komite upang humingi ng paglilinaw sa mga isyu ng report, at kung kakailanganin pa, tayo ay magpapasa ng mga panukala kapag pinag-usapan muli ito sa plenaryo ng Senado.

***

Nakalagay sa ulat na si PNoy ang may “ultimate responsibility” sa nasabing madugong insidente at naniniwala tayo rito.

Ngunit hindi nababanggit sa ulat ng media na matagal nang inako ng Pangulo ang responsibilidad sa nangyari sa Mamasapano sa huli niyang talumpati noong nakaraang buwan.

‘Ika niya: “Ako ang Ama ng Bayan, at 44 sa aking mga anak ang nasawi. Hindi na sila maibabalik; nangyari ang trahedya sa ilalim ng aking panunungkulan; dadalhin ko po hanggang sa huling mga araw ko ang pangyayaring ito.

“Responsibilidad ko po sila, kasama ang buong puwersa ng SAF sa operasyong ito, pati na ang mga nagligtas sa kanila na nalagay rin sa panganib ang buhay.”

Palagay ko, ang mahalaga sa taumbayan ay inako na ng Pangulo ang responsibilidad sa pangyayari at dapat na tayong tumingin sa mas malaking hamon na naghihintay.

Ito ay ang tiyaking hindi na mauulit pa ang madugong insidente sa Mamasapano sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan.

Hindi rin natin dapat kalimutan na bigyan ng hustisya at suporta ang mga naiwan ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) na nagbuwis ng buhay sa pagganap ng kanilang tungkulin.

***

Pabor man tayo sa kapayapaan, aminado tayo na kailangang dumaan ang BBL sa masusing pag-aaral ng mga mambabatas bago ito tuluyang maisabatas.

Tungkulin natin na suriin, himayin at baguhin kung kinakailangan ang mga probisyong nakapaloob sa isang panukala bago ito aprubahan at kabilang dito ang BBL, lalo na ang mga sensitibong isyu ng BBL upang matiyak na ito’y alinsunod sa Saligang Batas.

Sa ganitong paraan, makakalikha tayo ng mas epektibo at mas matibay na batas na talagang magbibigay ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

***

Mahalagang mabigyan ang mga kapatid natin sa Mindanao ng tunay at pangmatagalang kapayapaan dahil ito ang magbubukas sa pinto ng kaunlaran para sa kanila.

Kapag mayroon nang kapayapaan sa Mindanao, maaakit na magtatag ng negosyo o ‘di kaya’y magbuhos ng puhunan ang mga negosyante sa rehiyon.

Sa pamamagitan nito, lalakas na ang takbo ng ekonomiya at mabibigyan na ng trabaho at iba pang kabuhayan ang ating mga kapatid sa Mindanao.

Walang magandang idudulot ang all-out war na isinusulong ng karamihan. Lahat tayo ay talo sa digmaan.

Usapang pangkapayapaan ang tamang daan. Ito ang magdadala sa atin ng totoong kapayapaan at kaunlaran. Sama-sama tayong kumilos upang ito’y maisakatuparan.

Ito ang ating ultimate responsibility.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Di na-pick up

Mahaba at mabunga ang na­ging usapan. Tumagal ng mahigit isang oras ang aming pag-uusap sa mahahalagang isyu na bumabalot sa ating mga kabataan.

Sa bandang dulo ng usapan, isang mag-aaral ng Ateneo de Davao ang nagbahagi ng kanyang pananaw at hinaing ukol sa Mamasapano tragedy at sa kapayapaan sa Mindanao.

Hindi napigilan ni Amara na mapaluha habang naglalahad ng kanyang emosyon ukol sa panawagang “all-out war” sa Mindanao na isinusulong ng maraming sektor kasunod ng nangyaring trahedya sa Mamasapano.

Ayon sa kanya, karamihan sa mga taga-Mindanao ay tutol sa all-out war. Marami rin sa kanila ay aktibo sa mga forum at iba’t ibang proyekto na nagsusulong ng kapayapaan sa rehiyon.

Subalit ang ikinasasama ng kanyang loob, hindi man lang nabigyan ng espasyo sa traditional media, gaya ng diyaryo, radyo at telebisyon, ang ginagawa nilang pagsisikap na maisulong ang kapayapaan.

Wala akong nasabi kay Amara kundi sumang-ayon sa kanya.

Noong umagang iyon, bumisita ako sa isang local radio station doon at ang tambad ng anchor sa akin ay kung bakit daw ako tahimik sa isyu ng Mamasapano.

Mga Bida, nabigla ako sa tanong dahil nang mangyari ang trahedya ay agad tayong naglabas ng mga pahayag na sumusuporta sa paghahanap ng katarungan para sa mga namatayan at ang pagpapatuloy ng pagsulong ng kapayapaan sa Mindanao.

Kaso, hindi nagiging mabenta ang ganitong posisyon sa media, kaya ‘di ito na-pick up.

Mukhang mas naging mabenta ang pagtawag ng “all-out war” noong mga nakaraang linggo.

Ngunit, nagtitiwala pa rin ako sa iba’t ibang sektor na huhupa rin ang galit ng taumbayan, manunumbalik ang tiwala sa isa’t isa at hihingi rin ng kapayapaan para sa lahat ng Pilipino.

***

Sa ngayon, dalawa ang hinahanap na posisyon mula sa mga mambabatas. Ito ay kung pabor o tutol sa Bangsamoro Basic Law.

Ang mas popular na pagsagot sa tanong ay simpleng “oo” o “hindi” lamang.

Ngunit, mga Bida, kahit na gusto kong sumagot nang ganoon, ang usapin ng BBL ay hindi ganoon kasimple.

Ang pagtalakay sa BBL ay hindi nangyayari sa mga paaralan na “finished or not finished, pass your paper” tulad ng gustong mangyari ng ilang sektor.

Tungkulin naming mga senador at kongresista na pag-aralan ang mga panukalang ipinapasa sa amin, gaya ng BBL.

Mahalagang mahimay ang bawat probisyon ng BBL upang ito’y maging epektibong batas na totoong makatutugon sa isyu ng kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao.

Dapat ding silipin ang ilang mga sensitibong probisyon ng panukala upang malaman kung ito ba’y alinsunod sa ating Saligang Batas.

Kabilang na rito ang pagkakaroon ng Bangsamoro ng sari­ling grupo na mamamahala sa halalan at pag-alis sa saklaw ng Commission on Audit (COA), Office of the Ombudsman, Civil Service Commission (CSC), Commission on Human Rights (CHR), at ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga teritoryo.

Kamakailan lang, may ilang miyembro ng indigenous peoples organizations ang dumalaw sa ating tanggapan na humihinging matiyak na kasama ang kanilang karapatan sa mga lupaing masasakop ng Bangsamoro.

Mahalaga na maitulak natin ang mga pagbabago sa BBL na magpapatibay sa batas upang ito’y maging isa sa mga susi sa paghahatid ng kapayapaan sa Mindanao.

Inaanyayahan ko kayo na basahin ang mga panukala ng BBL at samahan kami na siguraduhing matutugunan ang panga­ngailangan ng ating mga Pilipino sa rehiyon at sa buong bansa!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Boses ng kapayapaan

Naging mabunga ang aming pag-uusap ni Gen. Orense, lalo pa’t pareho ang aming pananaw ukol sa nangyaring kaguluhan sa Maguindanao.

Sa gitna ng ingay ng all-out war kasunod ng brutal na pagpatay sa 44 na miyembro ng Special Action Force, nangibabaw ang paghingi ng kapayapaan ni Gen. Orense, na ilang beses na ring nadestino sa Maguindanao sa mahaba niyang military career.

Gusto kong mabigyang pansin at marinig ng marami ang pananaw na ito ni Gen. Orense. Kaya ibabahagi ko sa inyo ang ilang parte ng aking pagtatanong sa kanya.

***

Sen. Bam: I get it po. Maraming cases na gumana po ang inyong mekanismo. Kanina, General, during all of these questions nakikita ko po iyong mukha ninyo.

Nakikita ko na kayo ang hurt na hurt sa mga salita. I saw you. I’m giving you a chance to speak. Do you still believe in your mechanism? Iyong mekanismo po ba ninyo ay gumagana at ito po ba’y nakakahuli ng mga terorista sa ating bayan?

Gen. Orense: “Yes your Honor, definitely po. Iyon nga lang po, I was making faces because if the committee will allow me. Dito po ako lumaki sa career ko. I was a young lieutenant in Maguindanao, I became the battalion commander in Maguindanao and a brigade commander in Maguindanao. Now, I am an assistant division commander in Maguindanao. I spent my Mindanao assignments in Maguindanao.

“Kumbaga, Sir, I have seen the evolution of peace and war. Magmula po noong dumating ako rito, grabe po ang mga giyera roon. Then I saw also the grassroots, kung ano po ang sitwasyon on the ground.

“Now na nagkakaroon na tayo ng katahimikan sa lugar natin, nakikita na rin po natin iyong buhay ng ating mga kababayan sa grassroots, lalo na po iyong nasa marshland, nagbabago na po.

“Pati noong ako’y brigade commander, iyong mga tao doon sa Barira, Maguindanao, Matanog, dati po iyong mga iyan, kapag nakakikita ng sundalo, nagtatago. Pero pagka dumadaan na po kami at that time, sumasaludo po sila at pumapalakpak.

“What I am saying is, Sir, we have actually invested a lot for peace. The mechanisms in place are actually working and we’re trying hard to make it work.

“And hopefully, in the near future, maaayos na po natin ang sitwasyon na ito. Mahaba pa pong proseso pero sa amin pong mga kasundaluhan, sa amin po sa AFP, we’re trying to be instruments of peace.”

Sen. Bam: And yet naniniwala ka pa rin na kaya nating makabalik sa daan tungo sa kapayapaan?

Gen. Orense: “Yes your Honor.”

Sen. Bam: Why do you believe, after everything po na nangyari, marami hong namatay, maraming mga questions na nire-raise, maraming doubts na nilalabas, why do you still believe, ikaw mismo na nandoon sa Maguindanao for so many years, nakipagbakbakan na, ngayong ikaw ang nandiyan sa AHJAG, why do you believe that we can still achieve peace?

Gen. Orense: “Sa hirap at sa dami po ng nabuwis na buhay, sa properties na nawala, sa kasiraan po ng lugar natin sa Maguindanao, hopefully po, ako’y nananaginip siguro na nangangarap na ang ating mga kababayan sa Maguindanao dapat po talaga umangat.

“Kami pong mga sundalo, ayaw po namin ng giyera. Kung sino po ang pinakaayaw ng giyera, kami pong mga sundalo dahil kami po ang nasa frontline.

“Marami pong magte-testify on that, even General Pangilinan sir, lumaki po siya sa Jolo. Doon po siya lumaki sa Mindanao so kami po ayaw namin ng giyera dahil alam po namin, mamamatay din kami, maaaring kami po ay mamatay pero ang masakit po, mamamatay rin po ang aming kapwa Pilipino.”

***

Pagkatapos naming i-post ang video ng aming pag-uusap ni Gen. Orense sa aking Facebook account, nakakuha na ito ng mahigit 45,000 views, 1,500 likes, halos 3,000 shares at 400 comments sa huling bilang.

Sa ngayon, ito na ang pinaka-popular na post sa aking Facebook account. Marahil, mga Bida, marami pa ring Pilipino ang humihingi ng kapayapaan sa gitna ng panawagang all-out war sa Mindanao.

Kahit si Gen. Orense ay nag-iwan din ng mensahe sa aking Facebook page. Ang sabi niya:

“Senator Bam, Sir, thanks for sharing my sentiments. My sentiments are basically the sentiment of the soldiers of Mindanao who are for peace, peace that will bring development and security to the people of Central Mindanao and the whole island. Mabuhay ka, Mr. Senator! God bless po!”

Gen. Orense, kaisa ninyo kami sa hangarin ninyong kapayapaan sa Mindanao. Saludo ang buong bansa sa inyo at sa lahat ng sundalong Pilipino!

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Sulat ng mga OFWs

Mga Kanegosyo, may natanggap tayong mga sulat mula sa kababayan nating mga overseas Filipinos na masugid na nagbabasa ng ating kolum.

Hayaan niyong bigyang daan natin ang kanilang mga liham ngayong linggo. Narito ang kanilang mga sulat:

***

Kanegosyong Bam,

Gusto ko po sanang humingi ng payo sa inyo tungkol sa pagnenegosyo. Nandito po ako sa abroad ngayon at ang asawa ko po ang naiwan diyan sa Pilipinas.

Ano po ba ang magandang pasuking negosyo? Sana po matulungan ninyo ako at ang asawa ko para po hindi na ako magpaalila habambuhay dito sa ibang bansa.

Kung sakali pong mabibigyan ninyo ako ng payo, uumpisahan ko na pong pag-ipunan ang magiging kapital.
Maraming salamat po.

Gigi

***

Kanegosyong Bam,

Kasalukuyan akong nagtatrabaho po rito sa Qatar. Nabasa ko po yong post ninyo sa Abante. Gusto ko na po bumalik ng Pilipinas at mag for good kasi dito sa ibang bansa, hindi po ako umaasenso at kulang pa po iyong sahod ko para sa pamilya ko.

Kaya gusto ko na po mag for good diyan at mag start nang kahit maliit na negosyo man lang basta’t may pagkakitaan.

Taga-Agusan del Norte po ako. Baka mayroon po kayong maitutulong sa akin Ang hirap po sa abroad. Malayo ka sa pamilya mo tapos iyong kinikita mo ay kulang pa para sa kanila. Kaya naisip ko po magnegosyo.

–Jiovannie

***

Mga Kanegosyo Gigi at Jiovannie, maraming salamat sa inyong mga sulat.

Alam ninyo, madalas na iyan ang itinatanong sa aming opisina, “Ano ba ang magandang negosyo?”

Pero sa totoo lang, hindi maganda kung basta na lang kaming magmumungkahi ng uri ng negosyo nang hindi inaalam kung ano ang inyong kalagayan at kondisyon.

Una sa lahat, gaya ng una nating kolum dito, kailangan muna nating alamin ang inyong lokasyon.

Ikalawa, dapat din naming malaman kung ano ang kakayahan ninyo. Gaano kalaki ang inyong puhunan at kung sasakto ba ito sa iniisip na negosyo?

Ikatlo, lalo na para sa ating mga kababayan sa abroad, sino ang magpapatakbo ng negosyo rito sa Pilipinas? May karanasan ba siya o kakayahan na patakbuhin ang pinaplano ninyong negosyo?

Ikaapat, ano ang raw materials sa inyong lugar na murang mapagkukunan at ikalima, may merkado ka bang mapagbebentahan ng iniisip na produkto o serbisyo?

Hindi madali ang pagbibigay ng payo sa pagnenegosyo. Hindi ko puwedeng sabihin na magbenta kayo ng lechong manok o magtayo ng sari-sari store sa inyong bahay.

Hindi ganoon kadali magpayo dahil napakaraming kailangang isiping mga kundisyon kung magtatayo ng negosyo.

Ito ang dahilan kung bakit natin itinatag ang Negosyo Center. Sa ating naipasang batas na Go Negosyo Act, magtatalaga ang bawat munisipalidad, lungsod at probinsya ng Negosyo Center para sagutin ang mga ganitong uri ng mga katanungan ng ating mga kababayan.

Sa Negosyo Center, may mga taong puwedeng magbigay ng tamang payo sa pagnenegosyo tulad ng tamang lokasyon, produkto, kung saan makakakuha ng pautang at iba pang katanungan sa pagnenegosyo.

Isa iyang mahalagang aspeto sa pagiging matagumpay na negosyante – ang may makausap kang eksperto na gagabay at makakapagbigay ng tamang payo.

Mahalaga na makakuha ng akmang payo sa inyong pangangailangan at hindi “generic advice” lang nang mahuli ang tamang diskarte sa inyong gagawing negosyo.

 

First Published on Abante Online

Youth to the Rescue

In this day and age, natural calamities are a sad reality for any country, more so for the Philippines.

In the past few years, we have been on the receiving end of vicious typhoons, brutal storm surges, earthquakes, and other adverse calamities.

In 2013, typhoon Yolanda, the deadliest typhoon in our history, affected millions of people and took thousands of lives in Eastern Visayas. This super–typhoon earned us the top rank in the 2013 Climate Risk Index (CRI), which ranks countries affected by extreme weather events .

In addition, the Long–Term Climate Risk Index (CRI) ranked the Philippines fifth most affected country in the world, driving us to continue our efforts in disaster risk mitigation, preparedness, and recovery.

And though these indicators are definitely troubling, the good news is that hope and inspiration flow from the many stories of young Filipinos who are working to help mitigate disaster. They volunteer for, even spearhead programs on disaster risk reduction and we need not look further than this year’s Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Award winners for examples.

In Cauayan City, Isabela, the Red Cross Youth and Junior Rescue Team builds eco-rafts out of recycled plastic bottles for communities prone to flooding, keeping families afloat and ushering them to safety.

In the Visayas, the Hayag Youth Organization based in Ormoc, Leyte organizes “Swim for Safety” or “Langoy Para saKaluwasan” programs teaching the youth in disaster-prone communities how to swim – a life-saving skill many Filipinos still do not possess.

Young Filipinos are also on the frontlines of disaster response. When a ship sank off the coast of Cebu, it was the children from the coastal communities that served as first responders, even performing cardiopulmonary resuscitation (CPR) to save an 8-month old baby.

These heroes learned emergency response, first aid, evacuation, and other disaster-related skills from a 56-hour training program organized by the Rescue Assistance Peacekeeping Intelligence Detail (RAPID), a youth group based in Cebu City.

These are only three of many more initiatives lead by young Filipinos. The Filipino youth, without a doubt, have made tangible contributions in the field of disaster risk reduction and management – and they will continue to do so with their ideas, innovations, and passionate hearts.

Thus, it came as no surprise that many supported the Responsive, Empowered, Service-Centric or RESCYouth Act of 2015, a legislation that requires youth involvement in disaster risk management in the national and local levels.

This act institutionalizes the participation of the youth in the planning, strategizing, organizing, and execution of our national disaster plan and ensures thata youth representative be part of the disaster coordinating councils in every region, province, city, municipality, and barangay.

Time and time again, the youth sector has proven that, given the opportunity and the right tools, they are able to contribute in nation building.

The RESCYouth Act of 2015 embodies this ideology, enlisting our bright, impassioned, determined, resourceful, and brave young Filipinos in the development of a Philippines that is well informed, incredibly prepared, and exceptionally resilient to disaster.

 

First Published on Manila Bulletin

BIDA KA!: Ang bagong People Power

Taos-puso akong nagpapasalamat sa pamunuan ng Abante sa pagbibigay-daan na mailathala ang aking mga opinyon at pananaw sa mga mahalagang isyu ng ating bayan.

Nagpapasalamat din ako kina Fitzgerald Cecilio at Nicco Atos na kasama ko linggu-linggo sa pagtatalakay ng mga isyu at paksa para sa kolum na ito.

Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa inyo, mga Bida, sa inyong pag-aabang at pagsubaybay sa ating kolum sa nakalipas na isang taon.

Sana’y ipagpatuloy ninyo ang walang sawang pagtangkilik sa ating kolum sa mga susunod pang taon, dahil dito, kayo ang Bida!

***

Isa pang patunay na napakabilis ng panahon ay ang katatapos na pagdiriwang ng ika-29 na anibersaryo ng EDSA People Power revolution.

Halos tatlong dekada mula nang ito’y mangyari ngunit buhay na buhay pa rin ito sa aking alaala.

Siyam na taong gulang lang ako nang mangyari ang tinaguriang “bloodless revolution” ngunit hanggang ngayon, damang-dama ko pa ang nagkakaisang pagkilos ng dalawang milyong Pilipino para mapatalsik ang diktadurya.

Tandang-tanda ko pa pati ang pagkain ng ice buko at pakikipagsalu-salo sa pagkain kasama ang iba pang mga nagra-rally sa apat na araw naming pamamalagi sa kanto ng Annapolis at EDSA.

Hindi natin namalayan na dalawampu’t siyam na taon na pala ang nakalipas mula nang mangyari ang People Power. Malayung-malayo na tayo ngayon sa dekada otsenta.

Ang postcard ay napalitan na ng photo at video messaging at karaniwan na lang ang cellular phone. Ang pagsali sa mga rally ay napa­litan na ng pagpirma sa online petitions at madalas na tayong nagla­lagay ng hashtags (#) kung may isinusulong na kapakanan o adbokasiya.

***

Kasabay ng mga pagbabagong ito, nag-iba na rin ang paraan ng pagpapahayag sa People Power. Ito’y dahil nakakita ang mga Pilipino ng iba’t ibang paraan para magsama-samang tumulong na itayo at palakasin ang ating bansa.

Naaalala ninyo pa ba ang matinding pagbaha nang tumama ang bagyong Ondoy sa Mega Manila? O di kaya ang mas sariwang lungkot na naranasan ng Pilipinas noong tumama ang bagyong Yolanda sa Eastern Visayas?

Sa mga nasabing delubyo, maraming nawalan ng tahanan at kaga­mitan. Maraming nawalan ng bahay at buhay.

Subalit kakaibang People Power ang ipinakita ng taumbayan para agad makapaghatid ng tulong. Napuno ng donasyon at umapaw sa volunteers ang mga unibersidad, mga basketball court at iba’t ibang mga headquarters.

Ngayon, tuwing may lindol, bagyo, storm surge o anumang trahedya, lumalabas ang diwa ng bayanihan ng bawat isa.

Sa programa nitong Milk Matters, layon ng Phi Lambda Delta Sorority na tiyakin ang ligtas at tuluy-tuloy na supply ng breastmilk para sa high-risk neonates of the UP-Philippine General Hospital Neonatal Intensive Care Unit (PGH-NICU).

Hangad din ng grupo na hikayatin ang mga nanay na gumamit ng breastmilk para sa kanilang sanggol at pagtatatag ng community-based milk banks sa local government units.

Maituturing din na People Power ang pagsusulong ng Kanlu­ngan Pilipinas Movement Inc. ng Balay Kanlungan ng Karunungan, isang nipa hut na naglalaman ng Android-based mini personal computer na may e-books, educational games at videos, and a 16-inch light-emitting diode o LED television – na pawang pinatatakbo ng solar power system.

Layon nito na magbigay ng impormasyon at learning sa malalayong komunidad sa pamamagitan ng paglalagay ng E-Learning Centers kung saan maaaring bumisita at makakuha ng educational materials ng libre.

Sinolusyunan naman ng Katipunan ng mga Kabataang Santiagueño ang lumalalang problema sa basura ng Santiago City sa Isabela sa pamamagitan ng paggawa ng bio-organic fertilizer.

Isa sa mga proyekto ng grupo ay ang paggawa ng charcoal briquettes mula sa dahon, sanga at iba pang basura mula sa halaman na kanila ring ibinebenta para makadagdag sa pondo.

Ang huling tatlong youth groups na ito ay mga nanalo sa Ten Accomplished Youth Organization Awards ngayong taon. Nasa ikalabin­dalawang taon, nais ng TAYO Awards na kilalanin ang mga kabataang gumagawa ng makabuluhang mga proyekto’t programa sa kanilang mga komunidad.

Ito na ang bagong mukha ng People Power – nagkakapit-bisig ang iba’t ibang sektor ng lipunan para makatulong sa kapwa at bumuo ng mas matibay at maunlad na bansa.

Hanggang may mga Pilipinong nagsasama-sama upang isulong ang kapakanan ng mga komunidad sa Pilipinas, mananatiling buhay ang diwa ng People Power sa bawat isa sa atin!

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Pak! Pak! Pak…

Pero sumama pa rin ako para matuto, kung sa kasamaang pa­lad ay nagkaroon ng sitwasyon na kaila­ngan kong humawak ng baril, marunong ako.

Sa una, tinuruan ako ng mga basics – tulad ng tamang paghawak, pag-asinta at tindig sa pagpapaputok ng baril.

Nang malaman ko na ang tamang kilos sa pagpapapu­tok, pumuwesto na ako sa harap ng aking target bago kina­labit ang gatilyo.

Umalingawngaw sa gun range ang ilang putok.

Pak! Pak! Pak…

Lumapit sa akin ang ilan sa aking mga kaibigan at sinabing tama ang aking porma sa paghawak ng baril at may pulso raw ako sa pagpapaputok. Dagdag pa nila, maganda raw ang a­king “grouping”.

Pinayuhan pa nila ako na ipagpatuloy ang pagsasanay sa pagpapaputok ng baril upang ako’y mahasa pa.

***

Mga Bida, pagkatapos ng aming pagpunta sa gun range, mayroon akong mga napagmunihan.

Una sa lahat, kapag may hawak ka palang baril, tataas talaga ang adrenaline mo. Bibilis ang tibok ng puso mo at may mararanasan kang release sa pagpapaputok ng baril.

Doon ko rin naintindihan kung bakit maraming mahilig sa baril at magpapaputok ng baril.

Mga Bida, doon ko rin naisip  na kapag may baril ka, napa­kadali palang pumatay ng tao.

***

Mga Bida, nitong mga nakaraang araw, marami ang nagtatawag ng all-out war. May mga sikat na tao na nagtatawag na atakihin na ang mga nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay sa Fallen 44.

Kung babasahin natin ang mga komento sa Facebook, makikita mo ang galit ng karamihan at ang paghingi ng digmaan bilang paghiganti at pagkamit ng hustisya.

“Ubusin na ang mga walang-hiyang iyan!” sabi sa post ng isang Facebook user.

“Iganti natin ang mga SAF 44. Patayin na ang mga armadong grupo sa Mindanao,” ayon pa sa isang komento sa Facebook.

***

Mga Bida, ang daming nagsusumigaw at nagtatawag ng all-out war. Ngunit tayo, gaya nang binabanggit natin noon, tutol tayo rito.

Humihingi tayo ng hustisya. Nais nating makulong ang mga taong may kinalaman sa pagkamatay ng ating kapulisan pero malinaw sa atin na hindi solusyon ang all-out war sa ating problema. Hindi rin ito magdadala ng hustisya sa ating mga kasama sa kapulisan.

Madaling magsalita sa harap ng media. Madaling mag-status update sa Facebook o Twitter. Pero sa huli, hindi naman tayo ang mga sundalo na pupunta roon at makikipagbakbakan.

Hindi tayo ang mag-iiwan ng pamilya para makipagbakbakan sa Mindanao.

Hindi tayo ang may pamilya sa ARMM na baka paulanan ng mortar ang kanilang barangay.

***

Kung babalikan natin ang paghawak ng baril, madaling kalabitin ang gatilyo. Ngunit hindi ibig sabihin noon ay gagamitin natin ang baril at papatay ng tao.

Dahil nga madali ang paggamit ng baril, dapat mas mai­ngat tayo sa paggamit nito para sa karahasan.

Madali lang sa atin na magsalita dahil hindi tayo ang mapeperhuwisyo.

Dahil nga madali ang magsalita, dapat mas maingat tayo sa pagbibitiw ng ating salita.

Para sa ating may boses at madaling magsalita, kailangan nating mag-isip muna nang maigi bago tayo magbitiw ng sa­lita at maghikayat ng isang digmaan.

Mga Bida, para sa aming mga pinuno, ang lakas ng pag-uudyok na magsagawa ng all-out war.

Subalit kailangan nating isipin kung ito ang tamang solus­yon – kung ito ba ang tamang daan tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao at sa ating bansa.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Mike 1 Bingo

Hindi maikaila na naging malungkot nang sinariwa muli natin ang mga huling oras ng Fallen 44, mula sa kanilang pagdating sa lugar hanggang sa huli nilang radio contact.

Ngunit huwag nating kalimutan ang tatlong salita na tumatak at nangibabaw sa pagdinig: “Mike 1 Bingo.”

Ito ang text ng isa sa mga ipinadala ng mga operatiba ng SAF, sinasabing napatay nila ang international terrorist na si Zulkifli bin Hir alias Marwan.

Hudyat ito na mission accomplished ang kanilang lakad. Nabura na nila sa mundo ang isa sa kinakatakutang terorista na siyang may-gawa ng ilang pagpapasabog sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa kabila ng sari-saring isyung lumitaw ukol sa pangyayari, huwag sanang mawala sa ating isipan na natapos nila ang kanilang misyon.

Ang kapalit ng pagkawala ng Fallen 44 ay mas tahimik na Pilipinas at ng buong mundo para sa atin at sa ating mga anak.

***

Humarap din sa pagdinig ang kontrobersiyal na si dating Special Action Force (SAF) head Getulio Napeñas, na siyang namuno sa nasabing operasyon.

Sa kanyang testimonya, pinanindigan ni Napeñas na isang “judgment call” ang kanyang desisyon na huwag ipaalam sa pamunuan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang operasyon.

Ang paliwanag ni Napeñas, sa ilan nilang lakad kasama ang AFP, nakapuslit na si Marwan bago pa man sila dumating sa hideout ng terorista.

Sa pangambang muling hindi mahuhuli si Marwan, nagpasya si Napeñas na hindi muna ipaalam sa AFP ang mga plano at sabihan na lamang sila sa araw ng operasyon o kapag “time-on-target” na.

Sa pasyang ito, nahuli ang tulong ng AFP at naging isa sa mga dahilan kung bakit napakarami at karumal-dumal ang namatay mula sa SAF.

Sabi ng marami, kung nakipag-coordinate lang si Napeñas sa AFP, malamang na hindi umabot sa ganoon ang pangyayari. Natupad nga nila ang misyon ngunit marami namang buhay ang nasawi.

Ngunit mauuwi rin ba sa pagkamatay ni Marwan kung naki­pag-coordinate muli si Napeñas sa AFP at muli itong makakapuslit?

Kasaysayan ang siyang huhusga kay Napeñas kung tama o mali ang kanyang judgment call sa operasyon.

***

Mga Bida, kapansin-pansin naman ang hindi pagdalo ng ilang matataas na opisyal ng MILF, sa pangunguna ni Mohagher Iqbal, ang pinuno ng peace panel.

Kaya ‘di naiwasan ng ilan nating kapwa senador ang magpakita ng inis, lalo pa’t maraming katanungan na dapat nilang sagutin.

Kailangang makiisa ang MILF sa paghahabol natin ng katotohanan at hustisya para sa Fallen 44.

Hindi sapat ang pagbalik ng armas ng Fallen 44.

Bilang pakikiisa sa paghahanap ng katarungan para sa mga nasawi, hinihiling natin sa kanila na isuko nila ang mga pumatay sa SAF 44 at idaan sa tamang proseso ng ating mga batas ng bansa.

Kung tunay silang nakikiisa, hindi nila pahihirapan ang ating mga imbestigasyon at makikipagtulungan silang mabigyang li­naw ang ating mga katanungan sa mga nangyari.

***

Mga Bida, naghain ako ng resolusyon na bigyan ng posthumous Medal of Valor ang Fallen 44 upang kilalanin ang kanilang katapangan, kagitingan at ginawang sakripisyo para sa kapa­yapaan ng ating bansa.

Sa ilalim ng resolusyon, ang mga nabiyuda o ‘di kaya’y iba pang umaasa sa award ay mabibigyan ng habambuhay na monthly pension at puwedeng maging empleyado ng National Government Agencies (NGAs) o Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).

Nais nating hindi makakalimutan ang ginawa nilang sakripisyo na magsisilbing inspirasyon para sa ating mga kababayan na patuloy na pagsilbihan ang bansa.

***

Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng 44 na PNP-SAF na nagbuwis ng buhay para sa kapayapaan. Sa mga gustong tumulong sa kanila, maaaring mag-donate sa DSWD-Landbank Account, “DSWD-Armed Conflict Mamasapano, Maguindanao,” LBP Current Account No. 3122-1026-28 o sa PNP-Landbank Account, “PNP Special Assistance Fund,” LBP Current Account No. 1862-1027-77.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Saludo sa #Fallen44

Batay sa ulat, napatay na ng elemento ng SAF si Marwan bago nila nakasagupa ang mga elemento ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa paghupa ng bakbakan, isang mapait na tanawin ang tumambad sa lahat. Nabuwal ang ating mga bayani na ibinuwis ang kanilang buhay para mapanatiling ligtas ang ating bansa laban sa gaya ni Marwan.

Ang kanilang ginawa ay higit pa sa kabayanihan.

Isinakripisyo nila ang kanilang buhay para sa kaligtasan ng bansa at ng mundo, upang tayo’y mabuhay ng tahimik at malayo sa banta ng terorismo.

Sa Fallen 44, maraming salamat sa inyong sakripisyo, kagitingan at katapangan. Mas ligtas ang Pilipinas sa ginawa niyong kabayanihan.

***

Sa gitna naman ng sisihan at turuan kung sino ang may kasalanan sa sinasabing mis-encounter, huwag sanang maisantabi ang paghahabol sa hustisya para sa ating mga nasa­wing bayani.

Hindi dapat humantong sa wala ang pagkamatay ng ating mga bayani. Dapat managot sa batas ang gumawa nito. Dapat mabigyan ng katarungan ang kanilang pagkamatay para na rin sa kanilang mga naulila.

Kaya panawagan natin sa pamahalaan at MILF, magsagawa ng totohanang imbestigasyon ukol sa pinag-ugatan ng nangyari.

Malaki rin ang gagampanang papel ng MILF upang makamit ang hustisya. Mas mabilis itong maaabot kung kusa nilang isusuko ang mga tauhan na sangkot sa pagpatay.

Makatutulong na sila sa pagbibigay ng hustisya, makikita rin na handa silang makiisa sa hangarin ng pamahalaan na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

***

Sa nangyaring bakbakan, nalagay sa alanganin ang usapang pangkapayapaan sa panig ng pamahalaan at MILF.

Mukhang maaantala rin ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na magbibigay-daan sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao kasunod ng pag-atras ng suporta ng ilan sa kapwa ko senador.

Huwag tayong magpadalus-dalos at pakawalan na lang ang BBL. Malayo na ang narating ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at MILF para basta na lang isuko.

Hindi dapat maantala ang hangarin nating magkaroon ng kapayapaan dahil sa nangyaring trahedya. Ang BBL ang pinakamalaking tsansa natin para magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Kapayapaan ng buong bansa ang nasa puso’t isip ng Fallen 44 nang sumuong sila sa Maguindanao noong Linggo ng gabi.

Masasayang lang ang ginawa nilang sakripisyo kung hahayaan nating mauwi sa wala ang BBL. Ito ang susi sa pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao.

***

Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng 44 na PNP-SAF na nagbuwis ng buhay para sa kapayapaan. Sa mga gustong tumulong sa kanila, maaaring mag-donate sa DSWD-Landbank Account, “DSWD-Armed Conflict Mamasapano, Maguindanao,” LBP Current Account No. 3122-1026-28 o sa PNP-Landbank Account, “PNP Special Assistance Fund,” LBP Current Account No. 1862-1027-77.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top