BIDA KA!: Panalo ang taumbayan
Noong Linggo, inanunsiyo ng Malacañang na kabilang ang Go Negosyo Act na aking iniakda at Lemon Law na aking matinding sinuportahan sa mga inaprubahan ni Pangulong Noynoy Aquino na maging batas.
Ngayong pirmado na ng Pangulo, ang magiging buong pamagat ng Go Negosyo Act (Republic Act 10644) ay “An Act Promoting Job Generation and Inclusive Growth Through the Development of Micro, Small, and Medium Enterprises”.
Ito’y maituturing na malaking tagumpay para sa ating mga negosyante, lalo na ang kabilang sa micro, small at medium enterprises (MSMEs).
Ang Go Negosyo Act ay katuparan ng isa sa ating mga pangako noong kampanya na palaguin ang MSME sector, na susi sa pagsulong ng tunay na kaunlaran ng bansa.
Ngayong ganap nang batas, inaasahan ko ang mas mabilis pang paglago ng MSME sector dahil mayroon nang aayuda sa kanila pagdating sa proseso, puhunan, training at iba pang pangangailangan.
Sa tulong ng Go Negosyo Act, mas mapapadali na ang pagtatatag ng bagong negosyo o pagpapalawak ng mga kasalukuyan nang nakatayong negosyo.
Kasabay ng paglakas na ito ng MSME sector, maraming trabaho ang malilikha at maraming kabuhayan ang lilitaw para sa mga Pilipino.
Sabi nga, sa Go Negosyo, lahat ng Pilipino, panalo!
***
Sabay ring pinirmahan ng Pangulo ang Philippine Lemon Law, na ilang dekada rin ang hinintay bago tuluyang naging batas.
Sa pagsasabatas nito, mayroon nang proteksyon ang mga mamimili laban sa mga bago ngunit depektibong sasakyan.
Sa panahon natin ngayon, mahalaga ang pagkakaroon ng sariling sasakyan.
Kung dati, itinuturing na malaking luho ang pagkakaroon ng kotse, ngayon ito’y itinuturing nang malaking pangangailangan, lalo na ng mga negosyante at entrepreneurs, para makasabay sa mabilis na takbo ng buhay.
Sa aking sponsorship speech para sa Lemon Law, binigyang diin ko na dapat bigyan ng karampatang proteksiyon ang mga consumer na gumagamit ng kotse araw-araw.
Dapat ang kalidad ng kotseng ginagamit nila ay katumbas ng trabaho na kanilang ibinigay para magkaroon ng ikabubuhay.
Ito ang hatid ng Philippine Lemon Law o Republic Act 10642 o “An Act Strengthening Consumer Protection in the Purchase of Brand New Motor Vehicles”.
Sa ilalim ng batas na ito, puwedeng ibalik ang pera o ‘di kaya’y palitan ang isang bago ngunit depektibong sasakyan sa loob ng isang taon o 20,000 kilometro mula sa petsa ng pag-deliver.
Bago rito, kailangan munang dumaan sa apat na beses na pagsasaayos ang diperensiyadong sasakyan.
Kung sa panahong iyon ay hindi pa rin naresolba ang problema, maaari nang humiling ang nakabili na palitan ang sasakyan ng bago o balik o refund.
Kapag nagmatigas ang dealer, maaaring dumaan sa proseso ng mediation o arbitration ang dalawang panig na tatagal nang hindi hihigit sa apatnapu’t limang araw.
Pagkatapos nito, magpapasya na ang Department of Trade and Industry (DTI) kung dapat nga bang palitan o hindi ang isang sasakyan.
Umasa kayo mga Bida, na hindi matatapos sa dalawang batas na ito ang ating pagtutok sa kapakanan ng mamamayan. Umpisa pa lang ito, mga Bida!
First Published on Abante Online
Recent Comments