First Published on Rappler.com
BIDA KA!: Go for the win!
Mga Bida, noong Lunes ay napakinggan at napanood natin ang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino.
Tulad ng mga nauna niyang SONA, umani ng sari-saring reaksiyon mula sa publiko ang talumpati ng Pangulo. Iba’t ibang opinyon din ang lumutang sa mga pahayagan, radyo, telebisyon at maging sa social media ukol sa mga tagumpay at kakulangan ng pamahalaang ito.
Hindi natin inaalis sa mga kritiko na magsalita dahil may kalayaan at karapatan tayo sa pamamahayag ngunit nais kong bigyang pansin ang mga positibong naabot ng pamahalaang ito sa nakalipas na limang taon.
***
Hindi matatawaran ang matagumpay na kampanya ng administrasyon laban sa katiwalian sa pamahalaan. Ngayon, dahan-dahan nating ibinabalik ang kultura ng pagiging matino at mahusay ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Sa tulong ng kampanyang “tuwid na daan”, hindi lang nabawasan ang katiwalian sa gobyerno kundi pabalik na ang buong tiwala ng mga namumuhunan sa bansa.
Ngayon, buhay na buhay ang ekonomiya ng bansa. Kung dati’y napag-iiwanan tayo sa ASEAN, ngayon pumapangalawa na tayo sa Asya, sa likod ng China.
Marami ring naipatupad na reporma ang pamahalaan pagdating sa budget, edukasyon, social services at imprastruktura.
***
Mga Bida, sampung buwan na lang ang natitira sa administrasyong ito. Kumbaga sa karera, ito’y nasa homestretch na. Kumbaga sa basketball, nasa last two minutes na ang pamahalaang Aquino.
Kadalasan, sa basketball, ang koponan na mas may magandang diskarte at plano sa dulong bahagi ng laro ang nagwawagi.
Kaya umaasa tayo na sa huling bahagi ng administrasyong ito ay may maihahabol pang mga programa at proyekto para sa taumbayan, lalo na sa aspeto ng kahirapan, transportasyon at pulitika.
***
Mga Bida, alam natin na marami tayong naiisip na mga programang puwede pang mahabol bago ang 2016.
Sa ating tingin, may ilang mga bagay na maaari pang tutukan ng pamahalaan sa nalalabi nitong panahon sa Malacañang.
Una rito ay ang suporta para sa maliliit na negosyo sa pamamagitan ng lalo pang pagpapalakas sa mga Negosyo Center. Sa ngayon, 61 na ang mga Negosyo Center sa buong bansa at inaasahang papalo ito sa 100 bago matapos ang taon.
Upang lalo pang makaahon ang bayan sa kahirapan, bigyan ng dagdag na pagtutok ang sektor ng agrikultura, kabilang ang suporta sa mga magsasaka, lalo na sa aspeto ng pagpapalago ng produksyon at pag-uugnay sa mga tamang merkado.
Isa pang dapat tutukan ay ang pagpapaganda ng transport system ng bansa, gaya ng MRT, LRT at Philippine National Railways (PNR).
Bilhin na ang mga gamit at bagon na pangmatagalan at huwag nang ipagpaliban pa ang pag-aayos ng mga nasisira para hindi maaantala ang ating mga pasahero.
Maliban dito, kailangang pagandahin o ‘di kaya’y dagdagan ang mga imprastrukturang pangtransportasyon tulad ng airport, pantalan at mga kalsada’t tulay.
Sa usaping pulitika naman, isulong na ang anti-dynasty upang maalis na ang paghawak ng kapangyarihan ng kakaunting pamilya at magkaroon ng bagong mukha sa pamumuno sa bansa.
Tiyakin din natin na maayos ang pagpapatupad ng senior high school ng K to 12 sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kinakailangang classrooms at guro, patuloy na training sa mga paaralan, pagtiyak na ang bagong curriculum ay napapanahon at nararapat na pagpapaliwanag sa publiko sa bagong sistema ng ating edukasyon.
Hinihintay na lamang natin ang pirma ng Pangulo para sa Youth Entrepreneurship Act, kung saan ituturo na ang financial literacy at ang pagnenegosyo sa lahat ng lebel ng pag-aaral.
Nasa mahalagang bahagi na tayo ng laban. Mga Bida, magkaisa na tayo upang matiyak na tuluy-tuloy ang mga pagbabagong sinimulan ng ating pamahalaan. Let’s all go for the win!
First Published on Abante Online
Recent Comments