NEGOSYO, NOW NA!: Export Business
Mga Kanegosyo, naitampok na natin dati ang kuwento ng Oryspa, isang kumpanyang gumagawa ng beauty at personal care products na pagmamay-ari ni Sherill Quintana.
Ang kuwento ng tagumpay niya ang isa sa ginawa nating halimbawa para magbigay inspirasyon.
Kakaiba ang mga produkto ng Oryspa dahil pangunahing sangkap nito ay darak, isang produktong agrikultural na mula sa bigas. Madalas, ang darak ay pinapakain lang sa baboy.
Ngunit natuklasan niya na ang darak ay mayaman sa Vitamin E at A. Mayroon din itong oryzanol, na anti-oxidant na, anti-aging pa. Kaya ito ang ginamit na sangkap ng Oryspa sa kanilang meditation balm, solid perfume, massage oil, chili oil at sabon, na pawang all-natural at paraben-free.
***
Mga Kanegosyo, nang maging panauhin natin siya sa programang “Status Update,” nagkaroon kami ng mas malalim na talakayan ukol sa susi ng tagumpay ng kanyang negosyo.
Ayon kanya, nagsimula siya sa toll manufacturing, o paggawa ng produktong pang-export na walang sariling pangalan para sa mga dayuhang kumpanya. Ang mahirap dito, walang sariling pagkakakilanlan.
Masaya na sana sila sa ganoong sistema, ngunit nang lumipat ang dayuhang kumpanya ng supplier sa China dahil mas mura ang pasuweldo ng tao roon, nagdesisyon silang buuin ang pangalang Orypsa.
***
Ayon sa kanyang kuwento, napukaw ang interes niya noon sa exporting nang mapasama siya sa isang international exhibit ng Department of Trade and Industry (DTI) kung saan nakilala niya ang maraming international buyer.
Sa nasabing expo, siya mismo ang nagtanghal ng kanyang mga produkto sa mga dayuhang buyer. Kung tatahi-tahimik lang siya ay wala raw siyang mabebenta sa ibang bansa.
Kaya mula noon, mga Kanegosyo, binago na niya ang kanyang pananaw sa pagnenegosyo. Pinaganda niyang mabuti ang kanyang kalidad at packaging upang maakit ang mga dayuhang mamimili.
Maganda raw ang mag-export ng produktong Pilipino dahil malaki man ang gastos, malaki rin ang kita. Dahil angkin ang pangalan o brand ng produkto, lahat ng kita ay mapupunta sa negosyo kumpara sa kung mag-susupply lamang para sa ibang kumpanya.
***
Nagbigay siya ng ilang mga payo sa mga negosyanteng nais mag-export.
Una, kailangan ng maayos na sistema ng shipping o pagpapadala ng produkto sa iba’t ibang bansa. Maaaring humingi ng tulong sa PhilExport o di kaya’y kumuha ng serbisyo ng isang shipping company.
Mahalaga ang pagkakaroon ng maaasahang shipping company dahi sinusunod ng karamihan sa mga dayuhang kumpanya ang mga deadline. May karampatang multa kung hindi makasunod dito na malaking kabawasan din sa kikitain.
Pagdating naman sa pagpepresyo ng ating mga produkto, busisiing mabuti ang lahat ng gastos – sa shipping, sa mga buwis at kung anu-ano pang gastos para maayos ang tamang presyo ng produkto sa ibang bansa.
Higit sa lahat, huwag daw matakot na isabak ang ating mga produkto sa ibang bansa dahil kayang kaya nating makipagsabayan sa ibang negosyo sa buong mundo. Lakas ng loob ang kailangang idagdag para lalong mapagtagumpayan ang ating negosyo!
First Published on Abante Online
Recent Comments