NEGOSYO, NOW NA!: Kumikitang Libangan
Mga Kanegosyo, kung karamihan sa mga matagumpay na negosyo ay talagang pinag-aralan at pinagbuhusan ng panahon, ang iba naman ay nag-umpisa lang bilang libangang lumaki nang lumaki.
Ganito ang kuwento ng Cookie Sticks, na pag-aari ni Tricia Castrodes, na naging panauhin natin sa programang “Status Update” kamakailan.
Sa kuwento niya, nang mag-resign siya bilang isang government employee noong 2006, naghanap siya ng paglilibangan kung saan maaari pa siyang kumita gamit ang kanyang libreng oras.
Kaya noong 2008, nagsimula siyang mag-bake ng cupcake, na una niyang ibinenta sa malalapit na kaibigan.
Nang tumagal, naging bukambibig at hinahanap na ng maraming tao ang kanyang cupcake. Nadagdagan na ang mga nag-o-order sa kanya at ang iba ay naghanap na rin ng cake.
Maliban sa cake, dinagdagan na rin niya ang kanyang mga produkto at isinama na rin pati tinapay.
***
Noong 2010, naipakilala siya sa Department of Science and Technology (DOST), kung saan nakakuha sila ng training sa pag-upgrade sa kanilang mga kagamitan.
Sa tulong ng DOST, namulat siya sa mga bagong ideya sa paggawa ng iba’t ibang uri ng tinapay at modernong proseso ng packaging nito.
Isa sa mga naging hamon sa negosyo niya ay ang maikling shelf life ng kanilang produkto. Madalas, isa o dalawang araw lang ang tinatagal ng produkto gaya ng cake at tinapay. Kapag lumagpas ay nasisira na ito.
Pinayuhan siya ng DOST na kailangan niya na tuyo dapat ang kanyang tinapay para mas tumagal ang shelf life nito.
Sa una, pumasok sa isip ni Tricia na gumawa ng biscocho o di kaya’y camachile.
Sa huli, napagpasyahan niyang gumawa ng cookies.
***
Noong Pasko ng 2013, sinimulan na niyang gumawa ng bilog na cookies, na kanilang ibinenta sa mga kamag-anak at mga kaibigan.
Nang makita nilang patok ang ginawang cookies, nagpasya siyang ituloy na ang pagbebenta nito.
Ngunit nais niyang gumawa ng sariling marka sa merkado ng cookies kaya pinag-isipan niya kung paano ito magiging iba para mas pumatok sa mamimili.
Noong March 2014, gumawa siya ng cookie sticks. Kasabay ng paggawa nito, pinag-aralan din niya ang magiging itsura at packaging ng produkto.
Anim na buwan ang nakalipas nang sinimulan na niyang ibenta ang Cookie Sticks.
Sa loob lang ng isang taon, nakapasok na ang Cookie Sticks sa iba’t ibang mall sa bansa.
Ayon kay Tricia, ang pagiging kakaiba ng Cookie Sticks ay isa sa mga dahilan kung bakit naging madali ang pagkuha nila ng puwesto sa mga mall.
Sa kabila ng tagumpay ng Cookie Sticks, tuluy-tuloy pa rin ang kanyang negosyong cupcake at cakes.
Anu-ano kaya ang naging mga hamon sa kanyang negosyo? Abangan sa susunod na linggo ang kuwentong libangang pinagkakitaan!
Recent Comments