Month: November 2015

NEGOSYO, NOW NA!: Aksidenteng Negosyante

Mga Kanegosyo, hindi ibig sabihin na nakapag-aral na ng kursong pagnenegosyo ay siguradong magtatagumpay.

Mayroon din namang mga nagtagumpay nang walang pormal na pag-aaral o kaalaman sa negosyo. Isa na rito si Tess Ngan-Tian, ang may-ari ng pizza chain na Lots’a Pizza.

Sa aming kuwentuhan ni Tess sa programang “Status Update”, inamin niya na wala silang alam na mag-asawa pagdating sa pagnenegosyo at aksidente lang ang pagkakapasok nila rito.

 Noong pinasok nila ito 30 taon na ang nakararaan, wala pa noong paaralan para sa pagnenegosyo at hindi pa uso ang business consultant na puwedeng hingan ng payo ukol sa pagpapatakbo ng isang pangkabuhayan.

Naging sandata nila ang pagiging malikhain, kusang pagkilos at matinding kagustuhan na magtayo ng negosyo.

***

Nagtatrabaho noon si Tess sa San Beda College Alabang bilang finance director. Kasabay ng kanyang trabaho, siya rin ang humahawak ng libro ng mga Benedictine sa San Beda College sa Mendiola.

 Sa panahong iyon, nangailangan ng pondo ang San Beda para matustusan ang pagpasok ng 25 postulants o mga kandidato sa Benedictine Order.

 Kinailangang maghanap ng San Beda College ng paraan kung paano mapopondohan ang pangangailangan ng 25 binatang nais magpari. Ang pondo nila ay nakalaan lang sa mga karaniwang gastos ng paaralan at kukulangin sila kung sila pa ang magtutustos sa mga ito.

 Kaya naiatang kay Tess ang responsibilidad na maghanap ng pondong gagamitin ng postulants.

*** 

Isang araw, sinundo siya ng kanyang asawa pagkatapos ng isang pagpupulong sa Mendiola ukol sa isyung ito.

Habang naglalakad, napansin ng kanyang mister na may magandang puwesto sa may Mendiola para paglagyan ng food stalls dahil magkakalapit ang mga eskuwelahan sa lugar gaya ng San Beda, Centro Escolar University at La Consolacion.

Sa una, plano ng mag-asawa na mag-sublease ng 12 food carts ngunit napilitan silang patakbuhin ang pito sa mga ito matapos mabigong makahanap ng uupa.

Sa pagpaplano nilang mag-asawa, nagpasya silang tumutok sa negosyong pagkain dahil ito ang pinakapatok sa mga mag-aaral doon. 

Noong una, nagbenta sila ng tanghalian gaya ng tapsilog, burger, siopao pati na sago’t gulaman. 

Nanatili pa roon ang mag-asawa ng walong taon. Sa tagal nila sa lugar na iyon, kumita sila para sa kanilang pamilya, natutunan nila ang pasikut-sikot ng food business, at nakatulong pa sila sa Benedictine Order!

 Dahil nga napunta sa magandang layunin ang bahagi ng kanilang negosyo, tiwala sila na pagpapalain ang mga susunod nilang papasuking kabuhayan.

***

 Mga Kanegosyo, ang dami nating matututunan sa kuwento ng mag-asawa.  Hindi talaga nila unang tinahak ang pagnenegosyo, bagkus ay napasok sila roon dahil sa pangangailangang tumulong. 

Ikalawa, nakadiskarte sila kaagad ng pagkakataon nang makakita sila ng magandang puwesto.  Ika nga natin, location, location, location.  Susi talaga ang magandang lugar para bumenta tayo.

Ikatlo, nang pag-aralan nila kung sino ang bebentahan nila, naisip nila na pagkain ang siyang papatok dahil maraming mag-aaral doon sa Mendiola.  Napakahalagang hulihin ang hahanap-hanapin ng merkado para kumita nang malaki.

Panghuli, ang layuning makatulong sa mga gustong magpari ay maaaring nakatulong din sa kanilang paglago bilang mga negosyante.

 Sana’y natuwa kayo sa kuwento ng mag-asawa.  Ipagpapatuloy natin ang kanilang kuwento sa susunod na linggo para mas marami pa tayong matutunan sa pagnenegosyo!

Scroll to top