Month: January 2016

NEGOSYO, NOW NA!: Tsaang Pambayani

Mga Kanegosyo, sa nakaraan nating kolum, napag-usapan natin ang tungkol sa innovation at ang kahalagahan nito sa ikatatagumpay ng negosyo.

Isa sa magandang kuwento ng innovation ay ang Bayani Brew, na sinimulan ni Ron Dizon noong October 2012 kasama sina Xilca Alvarez at Shanon Khadka.

Kamakailan ay nakakuwentuhan natin si Ron at ibinahagi niya ang kanilang karanasan sa pagnenegosyo.

***

Isa siyang manager sa isang multinational IT company sa loob ng siyam na taon kaya wala sa dugo niya ang pagiging social entrepreneur.

Gusto niyang makapasok sa isang trabahong makatutulong sa marami, lalo na sa nangangailangan. Doon pumasok sa kanya ang konsepto ng social entrepreneurship.

Mga Kanegosyo, bago marahil sa marami ang social entrepreneurship. Ito’y isang uri ng pagnenegosyo kung saan sabay na kumikita ang negosyo pati ang mga komunidad na tinutulungan nito.

Bago tayo naging senador, isa tayong social entrepreneur. Tumutulong ang itinayo nating negosyo sa mga nanay na may-ari ng mga sari-sari store na palakihin ang mga ito noon.

***

Mabalik tayo kay Ron.  Nag-research siya tungkol sa kung ano ang social entrepreneurship at nalaman niyang marami palang grupong may kinalaman sa ganoong uri ng pagnenegosyo sa bansa at maraming nagbibigay ng seminar at forum tungkol dito.

Una niyang pinuntahan ang Center for Social Innovation ng Gawad Kalinga. Doon niya nakilala ang marami pa na hindi nabibigyan ng atensiyon at hindi napapakinggan ang kuwento.

Sa laki ng inspirasyong nakuha niya, umalis siya sa trabaho at nag-volunteer sa Gawad Kalinga.

Doon niya natuklasan ang “tsaang bukid,” na gawa sa lokal na sangkap, na ibinibigay ng mga komunidad sa mga bumibisita sa farm.

Ang isang uri nito ay pinagsamang tanglad at pandan at ang isa naman ay mula sa talbos ng kamote.

Nagkaroon siya ng ideya mula sa panukala ni Gawad Kalinga founder Tito Tony Meloto, na i-package ang “tsaang bukid” sa isang bottled iced tea na patok sa mga mamimili.

Sa paraang ito, makatutulong ng malaki sa mga magsasaka na nagtatanim ng tanglad, pandan at talbos ng kamote.

Sa una, iba-iba ang ginawa nila bago tuluyang naisa-pinal ang mga ibebentang flavor sa merkado.

***

Nang mabuo nina Ron, Xilca at Shanon ang sangkap para sa ibebentang tsaa, doon na nabuo ang “Bayani Brew”.

Maliban sa sangkap, tinutukan din nina Ron ang packaging ng “Bayani Brew” upang gumawa ito ng marka na dominado ng iba’t ibang produktong iced tea.

Inilagay din ng tatlo ang logo ng “Bayani Brew” sa disenyo ng bote ng produkto upang lalo pang makilala na ito’y gawa sa Pilipinas.

Nakatataba ng puso na mayroon isang produkto sa merkado na iced tea na galing sa mga komunidad natin ang mga sangkap, hindi gaya ng iba na mula sa ibang bansa ang ingredients.

Dagdag pa rito, maraming magsasaka ang nabibigyan ng kabuhayan dahil sa kanila direktang kinukuha ang sangkap na gamit ng “Bayani Brew”.

NEGOSYO, NOW NA!: Bagong Taon, Bagong Produkto

Mga Kanegosyo, isang manigong bagong taon sa ating lahat!

Sana’y naging mabuti at matagumpay ang inyong 2015 lalo na sa pagnenegosyo.  

Ngayong 2016, harapin natin ito ng may positibong pananaw at pag-asa na lalong lumago ang ating mga pangkabuhayan para maabot natin ang mga pangarap natin at ng ating pamilya!

***

Noong Disyembre, muli nating nakausap si Mon Lopez, ang executive director ng Go Negosyo, sa ating programang “Status Update”.

Kamakailan, sinabi niya na naging partner ang Go Negosyo sa katatapos na APEC SME Summit.

Ito ang pagpupulong ng 21 pinuno ng mga ekonomiya sa buong mundo na ginawa rito sa ating bansa.

Isang karangalan para sa ating mga Pilipino ang pangyayaring ito dahil muli na naman tayong kinilala ng iba’t ibang lahi sa ating lumamalago at umuunlad na bansa.

Sa mga hindi nakakaalam, mga Kanegosyo, isa sa mga naging tampok ng nasabing pulong ang pagbibigay diin sa kahalagahan ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) o ang maliliit na negosyo sa kaunlaran ng bansa.

Sa isang joint communiqué sa pagtatapos ng APEC Summit, kinilala ng 21 APEC leaders ang kahalagahan ng MSMEs sa paglaban sa kahirapan at malawakang kaunlaran at nangakong magtatrabaho para sa globalisasyon nito.

***

Sa kuwento ni Mon, isa sa mga napag-usapan sa APEC SME Summit ay ang kahalagahan ng innovation o pagiging iba ng isang produkto upang maging angat sa mga kakumpitensiya sa merkado.

Ayon sa kanya, kailangang kakaiba ang isang produkto upang makaungos sa iba. Aniya, ang pagiging makabago at malikhain ang sagot sa pag-angat ng produkto.

Mahalaga ito lalo pa’t masikip na ang kumpetisyon sa lokal na merkado, kung saan gitgitan ang labanan sa pagitan ng mga negosyanteng Pinoy.

Mahigpit na nga ang kumpetisyon sa pagitan ng lokal na negosyante, pinasukan pa ito ng pumapasok na imported na produkto lalo na sa pagbubukas ng ating mga merkado sa buong mundo.

Napag-usapan namin ni Mon na napakahalaga ang innovation – ang paglalagay ng “bago” o “pagkakaiba” sa ating mga produkto para pumatok sa mamimili.

Nasa packaging man iyan, nasa bagong flavor, nasa kulay, nasa pinagsamang serbisyo, basta kakaiba na kikiliti sa imahinasyon ng mamimili, siguradong tatangkilikin ito ng ating mga kababayan, o kaya pati ang mga dayuhang mamimili pa!

Kung hindi ito mangyayari, malulunod lang tayo sa dami ng produkto sa merkado.

Mga Kanegosyo, sinabi naman namin ni Mon na likas na malikhain ang mga Pinoy at malikot ang mga isip na siyang magagamit natin para patuloy nating gawing kakaiba ang ating mga produkto’t serbisyo.

***

Bilang tulong sa pagpapaunlad ng innovation, isinagawa ng Go Negosyo, sa tulong ng US Embassy, ang programang Youth Entrepreneurship Development, isang tatlong araw na workshop sa iba’t ibang lugar.

Sa nasabing workshop, itinuro sa mga kabataan ang tamang hakbang sa pagsisimula ng negosyo, kabilang na ang kahalagahan ng innovation at kung paano mapapaganda ang positioning para maging angat sa iba.

Tuluy-tuloy ang pagtuturo ng Go Negosyo sa makabago at nagsisimulang negosyante.

Nariyan din ang mga Negosyo Center na itinayo natin para tumulong sa mga nais magtayo ng sariling pangkabuhayan ngayong darating na taon.

Kayo, mga Kanegosyo, ano ang makabago at kakaibang produkto o serbisyo na inyong naiisip? 

Scroll to top