NEGOSYO, NOW NA!: Abot-Kayang Ganda
Mga Kanegosyo, sa ating pag-iikot sa Kamaynilaan at mga kalapit probinsiya, nakakaagaw sa ating pansin ang billboard ng isang beauty salon na nag-aalok ng gupit sa halagang P49.99 lang o facial na P99.99 lang.
Ito’y si Celestino “Les” Reyes ng Reyes Haircutters. Kung matunog sa pandinig ang kanyang apelyido, ito’y dahil kapatid siya ng sikat na beautician na si Ricky Reyes.
Iba ang naging direksiyon na tinahak ni Les. Kung ang kanyang kapatid ay para sa mas mayayaman na tinatawag na class A at B, si Les naman ang naghatid ng abot-kayang ganda para sa mas marami nating kababayan.
***
Gaya ng kanyang kapatid, hindi rin naging madali para kay Les na maabot ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.
Noong siya’y apat na taong gulang pa lang, inabandona sila ng kanilang ama kaya naiwan siya at siyam pang kapatid sa pangangalaga ng ina.
Sa murang edad, napilitan siyang magtrabaho bilang kargador sa palengke at nagtinda pa ng sigarilyo at diyaryo para may maipantawid ang pamilya.
Sa sobrang hirap sa buhay, noong nag-aaral siya’y isang uniform lang ang kanyang ginagamit na araw-araw nilalabhan ng kanyang kapatid na si Ricky.
***
Nagbunga naman ang pagsisikap ng magkakapatid dahil unti-unti nang nakilala si Ricky sa industriya ng pagpapaganda.
Pinag-aral siya ni Ricky ng high school at college bago siya nagpunta sa Estados Unidos at doon nagtrabaho bilang gasoline boy at waiter.
Sa sampung taon niyang pananatili sa US, naging miyembro siya ng US Navy at real estate agent. Hindi naging masaya ang kanyang buhay sa ibang bansa kaya nagpasya itong bumalik ng Pilipinas.
***
Pagbalik niya sa Pilipinas, nagtrabaho siya bilang school director ng beauty school ni Ricky.
Habang ginagawa ito, sinubukan din niyang magtayo ng sariling negosyo gaya ng music lounge at sariling salon ngunit lahat ito’y hindi nagtagumpay.
Sa halip na sumuko, nagpursige pa rin si Les. Nag-isip siya ng magandang diskarte para mapansin ang kanyang salon.
Doon nagsimula ang ideya niyang magtayo ng salon na abot-kaya ang halaga para sa masa nang hindi nasasakripisyo ang kalidad. Noon 2001 nga, binuksan niya ang Reyes Haircutters sa puhunang P10,000 at dalawampung empleyado.
Dahil sa murang presyo, agad pumatok sa mga customer sa class C, D at E ang kanyang bagong salon.
Maliban sa customer, napansin din ng ilang mga negosyante ang kanyang parlor at nagtanong kung puwede silang bumili ng franchise. Ang pagkakataong ito ang nagbukas sa kanya para palawakin ang kanyang beauty parlor.
Sa tulong ng franchising, ngayon ay daan-daan na ang parlor ni Les sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
***
Nang tanungin ukol sa susi sa kanyang tagumpay, sinabi ni Les na “hindi siya natakot na mangarap”.
Aniya, pinasok niya ang negosyong beauty parlor kahit alam niyang mahirap at masikip ang merkado para rito.
Pero nagbunga naman ang ginawa niyang hakbang dahil ngayon, patok na patok na ang Reyes Haircutters sa ating bansa!
Recent Comments