BIDA KA!: Magkaisa kontra kahirapan
Mga bida, tayo po ay naanyayahan noong Lunes sa paglulunsad ng Angat Buhay: Partnership Against Poverty program ng Office of the Vice President.
Sa nasabing pagtitipon, 50 local government units (LGUs) at mahigit 400 lokal at dayuhang development partners ang dumalo.
Layunin ng programang ito na patibayin ang ugnayan at pagtutulungan sa pagitan ng LGUs, non-government organizations (NGOs), civil service organizations (CSOs), lokal at internasyonal na aid agencies, iba’t ibang organisasyon at pribadong sektor.
Sa pahayag ni Vice President Leni Robredo, ito ang kanyang munting kontribusyon sa pagpapaunlad ng bansa at sa laban kontra kahirapan.
Sa pagtatapos ng nasabing event, nakakuha ng halos 600 pledges para sa iba’t ibang proyekto ng mga dumalong LGU, kabilang na ang proyekto kontra kahirapan at iba pang pangangailangan ng komunidad.
Tunay ngang mahalaga ang pagkakaisa ng lahat ng sektor upang tuluyan nang matuldukan ang kahirapan sa lipunan.
Ang nasabing pagtitipon ay isang magandang halimbawa na kung magtutulungan ang lahat, kaya nating mapagtagumpayan ang matagal nating pakikibaka kontra kahirapan.
***
Noong 16th Congress, ang aking tanggapan ay tumutok sa pagpapalago ng ating micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang maiahon ang ating mga kababayan mula sa kahirapan.
Isinulong natin ang pagpasa ng ilang batas upang matupad ang adbokasiya nating ito, kabilang na ang kauna-unahan kong batas bilang senador – ang Go Negosyo Act – na naipasa noong 2014.
Layunin ng batas na ito na tulungan ang ating MSMEs at mga kababayan natin na nais magsimula ng sariling negosyo na umasenso.
Sa Negosyo Center, maaaring lumapit ang mga negosyante para makakuha ng puhunan nang walang collateral mula sa iba’t ibang financing institutions.
Sa huling bilang, nasa 280 na ang Negosyo Centers sa buong bansa, na pinatatakbo ng Department of Trade and Industry (DTI) kasama ang pribadong sektor na naglalaan ng oras upang tulungan ang ating mga kababayan na nais magnegosyo.
Target ng DTI na umabot sa 300 ang Negosyo Centers sa Pilipinas bago matapos ang taon upang maabot pa ang mas marami nating kababayan na nangangarap magkaroon ng sariling negosyo.
***
Ngayon namang 17th Congress, tayo’y itinalaga bilang chairman ng Committee on Education, na isa pang mahalagang aspeto upang makaahon ang ating mga kababayan sa kahirapan.
Kabilang sa ating mga isinusulong ay ang pagpapalakas ng Alternative Learning System (ALS) na isa ring prayoridad na programa ng Department of Education (DepEd) at ng pamahalaang Duterte.
Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng pagkakataon ang mga out-of-school youth at mga kababayan nating nais magtapos ng Grade 6 ngunit walang pagkakataon dahil sa edad at kahirapan na makapag-aral.
Isa pang mahalagang panukala na nais nating maipasa ay ang Senate Bill No. 170 na layong maglagay ng Trabaho Centers sa bawat Senior High School (SHS) sa buong bansa.
Ito’y bahagi ng ating pagnanais na mabigyan ng trabaho ang SHS graduates na nais nang maghanapbuhay para makatulong sa pamilya.
Tututok ang Trabaho Center sa tatlong malaking bagay na kailangan ng mga naghahanap ng trabaho – career counseling services, employment facilitation at industry matching.
Mahalagang matiyak na ang mga graduates ng SHS ay may sapat na kaalaman at kakayahan na akma sa mga bakanteng trabaho sa merkado.
Maganda ring alam ng SHS graduates ang mga bakanteng trabaho na maaari nilang paghandaan sa lugar kung saan sila nakatira.
Sa ganitong paraan, matutugunan ang jobs mismatch, na isa sa sinisisi sa mataas na antas ng youth unemployment.
Sa tulong ng negosyo, trabaho at edukasyon, ako’y naniniwala na malaki ang tsansa ng mahihirap nating kababayan na umasenso sa buhay.
Recent Comments