BIDA KA!: Feeding program at Trabaho Centers
Mga bida, bago matapos ang sesyon ng Senado, nag-sponsor tayo ng tatlong panukalang batas sa plenaryo bilang chairman ng Committee on Education at Committee on Science and Technology.
Ang dalawang panukalang batas mula sa Committee on Education ay ang Senate Bill No. 1279 o ang Pagkaing Pinoy Para sa Batang Pinoy Act at ang Senate Bill No. 1278 o Trabaho Centers in Schools Act.
Mula naman sa Committee on Science and Technology katuwang ang Committee on Education ay ang Senate Bill No. 1277 o ang Free Internet Access in Public Places.
Natutuwa naman tayo na marami sa ating mga kapwa senador ang tumayo at nagpahayag ng suporta para sa pagsasabatas ng mga panukalang ito.
Tinawag ko nga ang pangyayaring ito bilang “Christmas miracle” sa isa sa aking manifestation sa plenaryo.
Magkakaiba man ng pananaw ang mga senador sa ilang isyu ngunit handa kaming isantabi ang lahat upang magkaisa at isulong ang anumang panukalang batas para sa kapaka nan ng taumbayan.
***
Ang unang panukala na aking inisponsoran ay ang Pagkaing Pinoy Para sa Batang Pinoy Act na layong tugunan ang kagutuman sa mga estudyante sa pampublikong paaralan at bigyan ng dagdag na kabuhayan ang mga magsasaka’t mangingisda.
Sa panukala, magsasagawa ng epektibong feeding program para sa mga estudyante sa tinatawag na basic education na magagawa sa tulong ng lokal na gulayan, magsasaka, mangingisda at ng komunidad.
Kapag naisabatas, aatasan ang Department of Education (DepEd) na tiyaking mabibigyan ng tamang pagkain ang mga estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 6.
Sa panukala, kukunin ang iilang produktong gagamitin sa feeding program mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda upang mabigyan sila ng dagdag na kita.
Isinusulong din ng panukalang ito ang “Gulayan sa Paaralan” program upang maitaguyod ang gardening sa paaralan at sa mga bahay, na tutulong para matugunan ang pangangailangan ng feeding program.
Dahil ito’y bahagi ng kanyang adbokasiya, tumayo namang co-sponsor ng panukala si Sen. Grace Poe.
***
Nakalusot din sa committee level ang panukalang magtatatag ng job placement centers sa high schools at state colleges and universities (SUCs) at nakatakda na itong talakayin sa plenaryo.
Kapag naisabatas, makatutulong ang panukala upang mabigyan ng akmang trabaho ang parehong high school at college graduates.
Ang job placement offices sa public schools at SUCs at magsisilbing tulay sa paglikha ng trabaho at tutugon sa talamak na jobs mismatch sa bansa.
Batay sa bagong data mula sa Philippine Statistics Office, ang unemployment rate ng bansa ay nasa 4.7 percent habang may dalawang milyong Pilipino ang walang trabaho. Ang bilang naman ng underemployed na Pinoy ay nasa 7.51 million.
Sa mga numerong ito, kailangan na ng mga hakbang para makalikha ng bagong trabaho at masolusyunan ang jobs mismatch sa bansa.
Itinatakda ng panukala ang pagtatayo ng Trabaho Center sa bawat public high school at SUC na magbibigay ng sumusunod na serbisyo: 1) Industry Matching, 2) Career Coaching, at 3) Employment Facilitation.
Kailangang may database ang Trabaho Center ng employers, contacts at trabaho sa mga komunidad.
Gagamitin ito sa pagbibigay ng payo sa mga estudyante kung ano ang papasuking larangan sa pag-aaral at kung ano ang trabaho na puwede nilang pasukin kapag naka-graduate.
Masosolusyunan naman ng Trabaho Centers ang skills mismatch sa pamamagitan ng pagbibigay ng opinyon sa ginagamit na modules sa pagtuturo at pakikipag-ugnayan sa TESDA upang mahasa ang galing ng mga graduates para matiyak ang trabaho pagka-graduate.
Sa susunod na taon, itutuloy ang pagtalakay sa dalawang panukala at umasa kayong ipaglalaban ko ito sa plenaryo hanggang maging batas.
Recent Comments