NEGOSYO, NOW NA!: Patok na snacks sa Pangasinan
Mga kanegosyo, katuwang ng mga Negosyo Center sa pagtulong sa micro, small at medium enterprises ang tinatawag na microfinance NGOs.
Kabilang dito ang CARD-Mutually Reinforcing Institutions (CARD-MRI), na siyang pinakamalaking microfinance institution sa bansa.
Nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at sa mababang interes.
Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com.
***
Isa sa mga natulungan ng CARD-MRI ay si Erlinda Labitoria, isang dating empleyado ng post office sa Makati at may-ari ng ‘Crunchies Snacks Products’.
Katuwang ang asawa na isang security guard para sa isang abogado, itinatawid nila ang pangangailangan ng pamilya.
Subalit kahit anong trabaho ang gawin ng mag-asawa ay hindi pa rin sapat ang kanilang kinikita para sa gastusin sa bahay, lalo na sa pag-aaral ng mga anak.
Kaya nagpasya ang mag-asawa na umalis sa kani-kanilang mga trabaho at gamitin ang makukuhang separation pay para magtayo ng sariling negosyo.
Unang sinubukan ng mag-asawa ang pagtitinda ng chichacorn sa kanilang lalawigan sa Pangasinan.
Noong una, maganda ang takbo at maayos ang kita ng negosyo. Subalit dahil kulang sa kaalaman sa pagpapatakbo ng negosyo at ng pananalapi, nabangkarote ang maliit na kabuhayan ng mag-asawa.
Habang sinisikap makabangon mula sa kabiguan, nalaman ng mag-asawa ang CARD Inc., kung saan nakakuha siya ng maliit na puhunan para makapagsimulang muli.
Kasama ng puhunan, naturuan din si Aling Erlinda ng tamang pagpapatakbo ng negosyo at paggamit ng salapi.
Dala ang bagong pag-asa at kaalaman, tumutok naman ang mag-asawa sa mga produktong pampasalubong, gaya ng banana chips.
Mismong si Aling Erlinda ang nagluluto at nagbabalot ng mga ibinebentang produkto ngunit tumulong na rin ang asawa sa pagpapatakbo ng negosyo nang dumami ang demand para sa banana chips.
Bilang dagdag na tulong, kinuha ni Aling Erlinda ang ilang kapitbahay para tumulong sa kanyang negosyo.
Dinagdagan ni Aling Erlinda ang ibinebentang produkto ng mani, chips, chichacorn at maraming iba pa.
***
Sa kasalukuyan, ang ‘Crunchies Snacks Products’ ang isa sa pinakamabentang pampasalubong ng mga turista na mabibili sa iba’t ibang lugar sa Luzon.
Ayon kay Aling Erlinda, pumapalo sa P20,000 hanggang P30,000 ang kanilang benta kada araw habang P100,000 naman kung may mga aktibidad gaya ng Panagbenga sa Baguio City.
Dahil sa negosyo, nakabili na si Aling Erlinda ng pangarap na kotse at malapit nang matapos ang pinapagawang sariling bahay.
Napag-paaral din ni Aling Erlinda ang mga anak, na ang dalawa ay balak sumunod sa kanilang yapak bilang entrepreneur.
Para kay Aling Erlinda, panibagong pag-asa ang ibinigay sa kanya ng CARD Inc. na ngayon ay kanyang tinatamasa pati na ng kanyang pamilya.
***
Mga kanegosyo, para sa mga detalye tungkol sa CARD MRI, bisitahin ang kanilang website sa www.cardmri.com at www.cardbankph. com
Recent Comments