NEGOSYO, NOW NA!: Kuwento ni Aling Almira (1)
Mga kanegosyo, noong unang linggo ng Abril ay nagtungo tayo sa Cabanatuan, Nueva Ecija para magsalita sa graduation ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST).
Bago po ako nagtungo sa graduation ng NEUST, dumaan ako sa Negosyo Center sa siyudad na makikita sa ikalawang palapag ng CAL Bldg. sa General Tinio Street.
Ito’y isa sa limang Negosyo Centers sa makikita sa lalawigan. Mayroon din tayong Negosyo Center sa Palayan City, Cabiao, San Jose at Gapan. Nakatakda ring magbukas ngayong taon ang isa pang Negosyo Center sa Science City of Munoz.
***
Sa aking pagbisita sa Negosyo Center sa Cabanatuan, nakausap natin ang mga business counselor na nagbibigay ng payo sa mga negosyante na humihingi ng tulong.
Nakadaupang-palad din natin ang mga may-ari ng ilang negosyo sa lalawigan, kabilang na si Aling Almira Beltran, na kilalang gumagawa ng bags at iba pang produkto gamit ang iba’t ibang disenyo ng beads sa siyudad ng San Jose.
Kasal si Aling Almira kay Mang Reynaldo Beltran at nabiyayaan sila ng tatlong anak na babae.
Natutong magnegosyo si Aling Almira noong siya’y Grade 6 pa lang. Sa impluwensiya ng mga kapitbahay, naengganyo siya at ang kapatid na si Laarni na gumawa ng bags, bracelet at key chains gamit ang beads.
Ibinibenta ng magkapatid ang mga natatapos nilang produkto sa paaralan at sa palengke.
Ang napagbentahan, ginagamit nilang pandagdag sa gastos sa bahay at kanilang pag-aaral.
Nakadalawang taon lang si Almira sa kolehiyo bago lumipat sa kursong Computer Secretarial sa Central Luzon State University. Pagkatapos, nakilala niya si Mang Reynaldo at sila’y nagpakasal.
Noong 2012, nadestino si Mang Reynaldo sa Antique kaya napilitan silang lumipat doon.
Pagkatapos ng ilang taon, bumalik sila sa San Jose City at ipinagpatuloy ang paggawa ng beaded bags at mga bagong produkto tulad ng cellphone holders at coin purse.
***
Noong 2014, nagpasya si Aling Almira na tumigil sa paggawa ng beaded bags at sinubukan ang suwerte sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Namasukan siya bilang domestic helper sa Riyadh.
Makalipas ang siyam na buwang pagtatrabaho sa Gitnang Silangan, malaking pagsubok ang tumama kay Aling Almira nang akusahan siyang may relasyon sa driver ng kanyang amo.
Kahit walang katotohanan ang akusasyon, nakulong si Aling Almira nang hindi nalalaman ng kanyang pamilya.
Kabilang sa mga kinumpiska ng amo ay ang kanyang cellphone kaya hindi siya makatawag sa pamilya sa Pilipinas upang ipaalam ang kanyang sinapit.
Nalungkot man sa nangyari, pero hindi pa rin pinanghinaan ng loob si Aling Almira. Noong June 28, 2015, sa tulong ng kapwa Pilipino na nakalaya noong araw na iyon, nakapagpadala siya ng sulat sa pamilya.
Habang nakakulong, ginamit ni Aling Almira ang oras para magtrabaho sa loob ng piitan.
Limang buwan din siyang naging tagalinis at tatlong buwan na nag-volunteer sa paggawa ng handicraft, tulad ng key chain, gamit ang Swarovksi bilang pangunahing materyales.
Sa susunod nating kolum, ipagpapatuloy natin ang kuwento ng pagbangon ni Aling Almira mula sa mabigat na pagsubok.
***
Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahan kong batas bilang senador noong 16th Congress.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments