Bago ang lahat mga Bida, nais ko munang magpasalamat sa Poong Maykapal sa dagdag na isang taon sa aking buhay.
Kahapon, ipinagdiwang ko ang aking ika-37 kaarawan. Gayunpaman, tuluy-tuloy ang pagsisilbi ko sa taumbayan dahil ito ang paraan upang magpasalamat sa inyong suporta sa ating mga adhikain.
Kasabay ng aking kaarawan, nagsumite ako ng tatlong committee report at nagbigay ng sponsorship speech sa tatlong panukalang batas na nakalusot sa aking komite na Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Ang mga tatlong panukalang ito ay ang Poverty Reduction through Social Enterprise (PRESENT), Youth Entrepreneurship and Financial Literacy at Philippine Lemon Law on Motor Vehicles bills.
Malaki ang maitutulong ng mga nasabing panukala upang maiparamdam at maipaabot sa karamihan ang nararanasang paglago ng ekonomiya ng bansa.
***
Naghain din ako ng panukalang batas – ang Community Disaster Warehouse Bill, Coastal Mangrove Planting Bill, BEI-Election Service Reform Bill, Philippine Big Data Center Bill, Cooperatives Officer Bill, Credit Surety Fund NGO Bill at Start Up Fund Bill.
Tatlong committee reports at pitong bills – 3/7 sa ika-37 kong kaarawan. Para sa ating ikauunlad ito, mga Bida.
***
Kahapon, habang ako’y nasa kasagsagan ng pagtatrabaho ay may lumapit sa akin at nagtanong ng “Senador, ano po ang birthday wish ninyo?”
Hindi naman nag-antay nang matagal ang nagtanong sa akin dahil sa una pa lang, alam ko na kung ano ang aking gusto, hindi para sa aking sarili, kundi para sa nakararaming Pilipino.
Ito ay ang trabaho, negosyo at edukasyon para sa lahat.
Maliban sa nais kong magkaroon ng trabaho ang maraming Pilipino, gusto kong umangat sila sa pagiging empleyado patungong amo.
Mula sa pagiging tauhan, nais kong sila ang maging may-ari ng kumpanyang pinagtatrabahuan.
Imposible man ito sa unang tingin pero ito’y unti-unti nang nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pagdami ng maliliit na negosyo.
Magandang halimbawa rito ay ang Kalasag farmers sa San Jose, Nueva Ecija.
Sa umpisa, sila ay mga ordinaryong magsasaka na umaasa lang sa kanilang parte sa ani.
Noong 2008, nabigyan sila ng training sa paghawak ng pera, pagpapatakbo ng negosyo at mga makabagong paraan ng pagsasaka.
Binuo ng 60 magsasaka mula sa Kaliwanagan at San Agustin (Kalasag) ang Kalasag Farmers Producers Cooperative.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan ay nabigyan sila ng pagkakataon na direktang maibenta ang kanilang mga pananim gaya ng sibuyas sa Jollibee.
Isipin ninyo, mga Bida, malaking porsyento ng sibuyas na nahahanap sa mga paboritong burger natin ay galing sa mga Kalasag Farmers.
Doon na nagsimula ang pag-angat ng kanilang buhay. Noong 2008-2009, 60,000 kilo ng sibuyas ang naibenta nila sa isang malaking fast food chain sa bansa.
Sa mga sumunod na taon, umakyat ang kanilang benta sa 236,000 kilo at 245,000 kilo noong 2010-2011.
Kasabay nito, lumago rin ang kita ng bawat magsasaka sa P76,849.13 noong 2008; P98,126.85 noong 2010 at P119,261.12 noong 2011.
Noong bumisita kami roon sa kanila noong isang linggo, kinuwento ng ilang magsasaka na mayroon na silang anak na kasalukuyang nag-aaral ng kolehiyo. Naipasemento na nila ang kanilang mga bahay at nakakapaghulog na sila para sa isang tricycle.
At siyempre, mga Bida, noong kodakan na ay naglabasan na ang kanilang mga smart phone.
Mula sa pagiging kapatas, ngayon sila na ang big boss ng sakahan.
Kaya walang imposible, mga Bida.
First Published on Abante Online
Recent Comments