BIDA KA!: Kapital sa pagnenegosyo 2

Ito ang nagtulak sa akin para maghain ng panukalang batas na magbibigay ng tulong sa ating Microfinance NGOs.

Noong nakaraang linggo, nagtalumpati ako sa Senado kasabay ng pagpasa ng mga panukala para sa Microfinance NGOs Act.

Sa aking talumpati, binigyang diin ko ang mahalagang papel ng mga microfinance NGOs sa pagpapalago ng micro, small at medium enterprises (MSMEs) sa pagpapalakas ng ekonomiya.

***

Maliban dito, nagbigay rin ako ng dalawang kuwento ng tagumpay sa tulong ng MFI NGOs.

Mga Bida, isa sa mga natulungan na ng microfinance NGOs ay sina Aling Ester Lumbo at asawang si Mang Bartolome, na tubong-Negros Occidental. Sila ang unang nagbenta ng mga hinabing pandan bags sa merkado.

Nang sumailalim sa operasyon ang ikatlong anak sa Maynila, napilitan silang iwan ang kanilang negosyo upang tiyaking bumuti ang kalagayan ng kanilang anak.
Pagbalik nila sa kanilang bayan, naubos ang kanilang pangkabuhayan at nabaon sila sa utang.

Buti na lang at natagpuan nila ang Negros Women for Tomorrow Foundation (NWTF), isang microfinance NGO, na siyang tumulong sa kanila na makabalik sa kanilang pagnenegosyo.

Ngayon, nakabebenta sila ng 150,000 pirasong gawa sa pandan kada-buwan. Nakapagpatayo na rin sila ng isa pang bakery. Higit sa lahat, nasustentuhan nila ang kanilang pamilya at nakapagtapos ang ang kanilang tatlong anak sa kolehiyo.

***

Natulungan din ng microfinance NGO na Alalay sa Kaunlaran, Inc. (ASKI) si Consuelo Valenzuela na mapalago ang kanyang iba’t ibang negosyo.
Maliban sa pautang, tinuruan pa ng ASKI, isang microfinance NGO, na nagturo sa kanya ng marketing at sales.

Dinala ni Aling Consuelo ang kanyang mga produkto sa mga provincial at regional trade fairs. Para kumita, binenta niya nang wholesale ang kanyang mga produkto sa labas ng kanilang probinsya.

Sa ganda ng kanyang mga ibinebenta, umabot pa sa California ang kanyang mga produkto. Dahil dito, napag-aaral niya ang mga pamangkin at nasusustentuhan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

***

Ngayon, panahon naman para tulungan natin ang microfinance NGOs upang mapalawak pa nila ang serbisyong ibinibigay sa ating mga kababayan.

Sa ganitong paraan, mas marami pa tayong mababasa na kuwento ng tagumpay, tulad nina Aling Ester at Consuelo!

 

First Published on Abante Online

Scroll to top