Mga Bida, nitong nakaraang mga linggo, kabi-kabila ang ginawang inagurasyon ng Negosyo Center sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kamakailan, nagtungo ako sa Daet sa Camarines Norte at Batangas City para pangunahan ang pagbubukas ng tatlong Negosyo Center doon.
Maliban dito, sunud-sunod din ang inagurasyon ng Negosyo Center sa Bataan, Baguio City, Benguet, Tabuk City, Lagawe, Bontoc, Pagadian, Alaminos City, Agusan del Sur at Ozamis City.
Ito’y dagdag pa sa mga naunang binuksan sa Cagayan de Oro, Iloilo City, Aklan, Bulacan, General Santos City, Butuan and Albay.
Mga Bida, kung inyong naaalala, ang Go Negosyo Act ang unang batas na naipasa natin sa ating termino, kung saan magtatayo ng Negosyo Center sa bawat probinsya, siyudad at munisipalidad sa bansa.
Sa tulong ng Negosyo Center, maiuugnay ang mga negosyante, lalo na ang maliliit, sa mas malalaking merkado at mga nagpapautang, at magkakaroon ng pinasimple at pinag-isang business registration process, na magpapabilis ng proseso sa pagtatayo ng negosyo.
Sa taya ng Department of Trade and Industry (DTI), aabot sa 55 Negosyo Centers ang nakatakdang buksan sa pagtatapos ng linggong ito.
Bago magpalit ng taon, inaasahan ng DTI na aabot sa 140 Negosyo Centers ang bubuksan, higit pa sa unang target na isandaang centers sa 2015.
***
Mga Bida, nakakatuwa rin na sa bawat binubuksang Negosyo Center o maging sa workshop na ginagawa ng aming tanggapan, may natutuklasan tayong mga kuwentong magsisilbing inspirasyon at gabay ng sinumang nais magnegosyo.
Mula nang buksan ang Negosyo Center sa Cagayan de Oro, na siyang kauna-unahan sa Pilipinas, dinagsa na ito ng napakaraming negosyante.
Sa unang buwan pa lamang nito, mahigit 500 kliyente na ang napagsilbihan nito, kahit na wala pa itong masyadong patalastas na nagawa.
***
Noong binuksan natin ang Negosyo Center sa Kalibo, napag-alaman natin na limang porsiyento lang ng mga produkto at iba pang pangangailangan ng mga beach resort sa Boracay ang kinukuha sa lalawigan.
Karamihan sa mga produktong ginagamit o ibinebenta sa Boracay ay mula pa Cebu, Bohol at iba pang kalapit na lalawigan. Ang iba nga, inaangkat pa mula sa mga kalapit-bansa natin sa Southeast Asia.
Ito ang isa sa mga hamon na kakaharapin ng Negosyo Center na binuksan sa nasabing lugar – ang iugnay ang mga produkto ng lalawigan sa mga malalaking negosyo sa Boracay. Kung magagawa ito, kikita ang mga negosyo ng mga Aklanon, magkakaroon ng mas maraming trabaho roon at uunlad ang buong ekonomiya ng Aklan!
***
Sa workshop sa La Union, naimbitahang speaker si Cat Patacsil ng social enterprise na First Harvest, at tinalakay niya ang kanyang karanasan sa paghahanap ng honey bilang pangunahing sangkap ng kanyang negosyo.
Pagkatapos, nilapitan siya ng mga kinatawan mula sa lalawigan ng Benguet, na siya palang pinakamalaking producer ng honey sa bansa. Pinag-usapan nila kung kayang tapatan ng produksyon ng mga taga-Benguet ang pangangailangang honey ng First Harvest.
Naiugnay natin ang isang negosyo at supplier para magtulungan sa produksyon ng peanut butter. Panalo ang nangyaring ito para sa lahat!
***
Ang huling kuwento natin ay tungkol sa mainit na pagtanggap ng mga Bicolano sa mga Negosyo Center na ating binuksan sa Daet. Pumunta tayo roon para buksan ang dalawang Center – isa sa siyudad ng Daet, at ang isa ay para sa buong probinsya ng Camarines Norte.
Lalo pang napukaw ang interes ng mga taga-Daet nang igawad ng Small Business (SB) Corporation ang P1 milyong loan sa isang negosyante na nagbibiyahe ng iba’t ibang produkto.
Isa lang ito sa mga serbisyong makukuha ng mga negosyante sa Negosyo Center.
Mayroon tayong iba’t ibang microfinance institutions na handang makipagtulungan upang magbigay ng puhunan sa maliliit na negosyante sa napakababang interes nang walang collateral.
Kasalukuyan nating iniipon ang listahan ng mga nakabukas nang Negosyo Center at ilalagay namin ito, kasama ng kanilang mga address at numero sa www.bamaquino.com.
Mga Bida, ngayong nagkalat na at patuloy pang nadadagdagan ang Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, asahan pa ang pagdami ng mga kuwentong magbibigay sa atin ng inspirasyon, gabay at maging aral sa ating pagnenegosyo!
First Published on Abante Online
Recent Comments