Mga Kanegosyo, nais nating ibalita sa inyo na tuloy-tuloy ang pagbubukas ng mga Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Batay sa ating batas na Go Negosyo Act, magtatayo ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mga Negosyo Center sa bawat lalawigan, lungsod at munisipalidad na siyang tutulong sa maliliit na negosyante na lumago at magtagumpay.
Kamakailan lang, nagtungo ang inyong lingkod sa Legazpi City sa lalawigan ng Albay para buksan ang dalawang Negosyo Center doon.
Sa huling bilang, mga Kanegosyo, mayroon ng 90 Negosyo Center sa buong bansa. Inaasahan natin na bago matapos ang taon ay papalo na ito sa 140, higit sa naunang target na 100 para sa 2015.
Nais nating mapag-iibayo pa ang pagtulong sa mga kababayan nating nais magsimula ng sariling negosyo o ‘di kaya’y magpalawak ng merkado.
***
Mga Kanegosyo, marami na tayong natatanggap na kuwentong mga natulungan na nais nating ibahagi ngayon.
Patuloy pa ring dinadagsa ng mga negosyante kauna-unahang Negosyo Center sa Pilipinas na makikita sa Cagayan de Oro.
Sa huling bilang, aabot na sa 1,000 kliyente ang kanilang napagsilbihan nang ito’y buksan noong Nobyembre.
Sa Mandurriao, Iloilo, nabigyan naman ng malaking tulong ang dating overseas Filipino worker (OFW) na si Myrna Rojo.
Matapos ang ilang taong pagtatrabaho bilang baker sa Brunei, nagpasya siyang umuwi sa Pilipinas noong 2014 at magsimula ng kanyang negosyo.
Upang makakuha ng tamang paggabay, lumapit siya sa Negosyo Center noong Pebrero 2015, dumalo sa isang seminar sa pagnenegosyo at sumailalim sa isang consultancy session para sa business plan noong Marso.
Dumalo rin siya ng seminar ukol sa food safety, tamang proseso ng manufacturing, labelling at financing.
Pagkatapos ng mga ito, nabuo niya ang kanyang business plan at kamakailan ay binuksan na niya ang kanyang pangarap na negosyo!
***
Sa pagnanais na magkaroon ng sariling tindahan ng bibingka, lumapit naman si Ramil Jaro ng Balasan, Iloilo sa Negosyo Center upang humingi ng abiso kung paano makakapagsimula.
Bilang paunang payo, pinadalo muna siya sa financing forum para sa maliliit na negosyo noong Hunyo 2015 at sumailalim sa pag-aaral ukol sa labeling ng processed foods.
Pagkatapos mai-apply ang business name, trademark at logo ng RJ Balasan Bibingka, nakakuha na siya ng pautang na P50,000 mula sa CARD Bank, na isa sa microfinancing institution.
Ngayon, patuloy ang paglakas ng tindahan ni Ramil sa Balasan.
***
Mga Kanegosyo, ilan lang ito sa mga kuwento ng tagumpay sa tulong ng ating Negosyo Center.
Sa mga nais magnegosyo, huwag nang magdalawang-isip pa. Magtungo na sa pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar para maumpisahan na ang pangarap na sariling negosyo.
Malay ninyo, ang kuwento ninyo ating susunod na itatampok para maging inspirasyon sa iba pang Pilipino!
First Published on Abante Online
Recent Comments