Mga Bida, napakabilis talaga ng takbo ng panahon.
Parang kailan lang, kasisimula lang ng ating anim na taong termino bilang inyong mambabatas. Sariwa pa nga sa ating isip noong tayo’y iproklama bilang isa sa mga nagwaging senador noong 2013.
Pagsapit ng Hulyo a-uno, mangangangalahati na ang ating panununungkulan sa Senado. Tama nga ang kasabihang lumilipad ang oras kapag nag-e-enjoy tayo sa ating trabaho, lalo na kung ito’y para sa bayan.
Nais nating ibalita sa inyo ang mga batas na ating iniakda, isinumite at naisabatas sa nakalipas na tatlong taon.
Labing-apat sa mga panukala na ating iniakda o inisponsoran ang naisabatas, kabilang dito ang Go Negosyo Act, Fair Competition Act, Foreign Ships Co-Loading Act, Lemon Law, Microfinance NGO Act, Youth Entrepreneurship Act, Credit Surety Act, SK Reform Act, An Act Authorizing Punong Barangay to Administer Oath of any Government Official;
Customs Modernization and Tariff Act, Election Service Reform Act, Children’s Emergency Relief and Protection Act, Tax Relief para sa PWDs at ang pagtatatag ng Department of Information and Communications Technology.
Walo sa mga ito ay dumaan sa ating kumite, ang Trade, Commerce and Entrepreneurship, habang ang iba naman ay dininig ng iba pang komite sa Senado.
May tatlo pang naghihintay ng pirma ni Pangulong Aquino. Ito ay ang Anti-Discrimination Law, Closed Caption Broadcasting for Television at No Shortchanging Act, kaya may tsansa tayo’y magkaroon ng labimpitong batas sa pagpasok ng 17th Congress.
***
Una sa listahan natin ay ang ating kauna-unahan at paboritong panukalang Go Negosyo Act, na nagtatakdang magtayo ng mga Negosyo Centers na tutulong a ating mga negosyanteng mapalago ang kanilang mga kabuhayan at makadagdag ng trabaho para sa ating mga kababayan.
Sa kasalukuyan, nasa 170 na ang Negosyo Centers sa bansa at inaasahan pa ang pag-akyat ng bilang nito ngayong may inilaang P394 million sa 2016 budget para sa paglalagay ng dagdag na sangay ngayong taon.
Noong nakaraang taon din, naisabatas din natin ang Philippine Competition Act makalipas ang halos 30 taong paghihintay.
Ang nasabing batas ay maituturing na makasaysayan at game changer para sa ekonomiya ng bansa dahil mawawala na ang anumang kartel at pang-aabuso sa maliliit na negosyo tulad sa industriya ng sibuyas at bawang.
Dahil may kumpetisyon sa merkado, magreresulta ito sa abot-kaya at de-kalidad na produkto at serbisyo at magkakaroon ng maraming pagpipilian ang mga mamimili tulad sa industriya ng Internet connection, na sa ngayo’y napakabagal at napakamahal.
***
Sa unang pagkakataon din, nakapagpasa tayo ng batas na may anti-dynasty provision sa SK Reform Act o Republic Act No. 10742.
Sa SK Reform Act, bawal nang tumakbo ang mga kamag-anak ng nahalal at nahirang na opisyal bilang miyembro ng SK, hanggang sa tinatawag na second level of consanguinity.
Itinaas din ang edad ng SK officials patungong 18 hanggang 24 taong gulang, upang maging ligal ang pagpasok nila sa mga kontrata at mapapanagot sa kanilang aksiyon.
Kailangan na ring sumailalim sa leadership training programs ang mga SK official upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa pagtupad sa tungkulin.
Maliban dito, itinatakda ng SK Reform Act ang pagtatatag ng Local Youth Development Council (LYDC), na siyang tutulong sa mga pinuno ng SK sa pagbalangkas ng mga programa’t proyekto para sa mga kabataan at titiyak sa paglahok ng mas maraming grupo ng mga kabataan.
***
Noong Agosto 27, 2015 naman, naibatas ang Youth Entrepreneurship Act, na layong bawasan ang lumalaking bilang ng kabataang walang trabaho sa bansa.
Sa Youth Entrepreneurship Act, maglalagay ng mga module ng financial literacy at pagnenegosyo sa curriculum ng elementary, secondary at tertiary schools sa buong bansa.
Sa tulong ng batas, bibigyan din ang mga kabataang nais magsimula ng negosyo ng access financing, training, market linkages at iba pang tulong na kailangan sa pagpapatakbo ng negosyo.
Mga Bida, ito’y unang tatlong taon pa lang. Asahan niyo na lalo pa nating pag-iibayuhin ang pagtatrabaho sa susunod na tatlong taon para sa inyong kapakanan.
Recent Comments