BIDA KA!: Makilahok sa SK elections

Mga bida, umpisa bukas (Biyernes) hanggang ika-30 ng Hulyo, gagawin ang pagpapatala para sa eleksiyon ng mga bagong opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa Oktubre 31.

Kung ikaw ay mamamayan ng Pilipinas, residente sa barangay na iyong tinitirhan ng hindi bababa sa anim na buwan at 15 anyos ang edad ngunit hindi sa 30 taon ang edad sa araw ng halalan, maaari kang magparehistro at makaboto sa SK.

Sa mga interesado, maaaring magtungo sa tanggapan ng election officer ng Commission on Elections (COMELEC) sa siyudad o munisipalidad kung saan kayo nakatira at doon magpatala.

Maaari ring bumisita sa website ng COMELEC para sa karagdagang impormasyon. (comelec.gov.ph)

***

Dati, ang SK ay kilala lang sa pagpapaliga ng basketball, beauty contest at iba’t ibang proyekto na hindi mabisa sa pag­hubog sa kabataan.

Nakakalungkot ding sabihin na may mga sitwasyon na ang SK ay nagsilbi ring ‘breeding ground’ sa katiwalian ng ilang mga opisyal.

Ito ang dahilan kung bakit isinulong natin, bilang chairman ng Committee on Youth, ang pagreporma sa SK sa pamamagitan ng batas, na ngayo’y kilala na bilang SK Reform Act o Republic Act No. 10742.

Bilang co-author at co-sponsor ng RA 10742, nais nating burahin ang negatibong impresyon sa SK at gawin itong daan upang tulungan ang mga kabataan na maging produktibong miyembro ng lipunan.

Excited na ako para sa darating na SK elections, dahil dito unang masusubukan at maipatutupad ang mga pagbabago na isinulong natin sa ilalim ng nasabing batas.

***

Isa sa malaking pagbabago sa SK ay ang pagpapataas ng edad ng mga opisyal na maaaring tumakbo. Mula sa dating 15 hanggang 17-anyos, ngayon nasa 18 hanggang 24-anyos na ang puwedeng kumandidato.

Layon nito na bigyan ng legal na karapatan ang mga opisyal na pumirma sa mga kontrata at magkaroon ng pananagutan sa kanilang mga pagkilos, kung nagkaroon man ng pag-abuso o anomalya.

Sa batas na ito, mula 15 hanggang 30 anyos ang maaaring lumahok sa SK elections matapos nating iayon ang depinisyon ng kabataan na nakasaad sa iba pang mga batas.

Maliban pa rito, matitiyak na may kakayahan ang mga bagong SK official dahil kailangan nila sumailalim sa mandatory training programs bago manungkulan.

Habang ginagampanan nila ang bagong tungkulin, may mga nakalinyang iba pang training program na magbibigay sa kanila ng dagdag na kaalaman.

Sa ilalim ng batas, itatatag ang Local Youth Development Council (LYDC), isang konseho na susuporta sa SK at titiyak na mayroong aktibong partisipasyon ng mga kabataan.

Ang LYDC ay bubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang youth organizations sa komunidad gaya ng student councils, simbahan at youth faith groups at community-based youth groups.

***

Ngunit ang pinakamahalagang aspeto ng batas ay ang tinatawag na anti-dynasty provision. Sa kasaysayan, ito ang kauna-unahang batas na mayroong probisyon na lumalaban sa mga dinastiya sa bansa.

Sa probisyong ito, hindi na puwedeng tumakbo sa anumang SK position ang pamilya o kamag-anak ng sinumang halal na public official — mula national, provincial, city/municipality at barangay levels — hanggang sa tinatawag na second degree of consanguinity and affinity.

Sa tulong nito, mabibigyan ang mas maraming kabataan na maglingkod sa kapwa nila kabataan sa pamamagitan ng pagtakbo sa SK.

Kung kayo ay student leaders ngayon sa inyong eskwelahan, youth leaders sa non-government organization, mga kabataang lider sa ating simbahan, pag-isipan po nating tumakbo sa SK.

Samantalahin natin ang pagkakataong ito. Ma­ging bahagi tayo sa malaking pagbabagong ito sa sistema na magbibigay lakas at tututok sa kapakanan ng mga kabataan.

Sayang din ang mapangahas na batas kung wala ring tutugon sa hamon nito na baguhin ang sistema.

Sabi nga natin, ang uso ngayong kataga dahil kay President Duterte ay “Change is Coming”. Sana nga maging ganap ang change na mangyari sa ating SK.

Article first published on Abante Online

 

Scroll to top