NEGOSYO, NOW NA!: Pinoy Pizza

Mga Kanegosyo, itutuloy natin ang pagkukuwento sa landas na tinahak ni Tess Ngan-Tian mula sa simpleng negosyante hanggang sa pagiging may-ari ng matagumpay na pizza chain na Lots’a Pizza.

Pagkalipas ng sampung taon ng pagpapatakbo ng food stalls para sa mga mag-aaral ng Mendiola sa Maynila, nagpasya ang mag-asawang ituon na lang ang negosyo sa isang uri ng pagkain.

May nakapagsabi kasi sa kanila na hindi puwedeng lahat na lang ay kanilang ibebenta. Dapat makilala sa iisang brand na matatawag nilang kanila.

Mangyayari lang ito kung magbebenta sila ng isang uri ng produktong pagkain na magsisilbing pangunahing tatak ng kanilang kumpanya.

Nagsaliksik ang mag-asawa at doon lumitaw na mas patok at mas mabili ang pizza kumpara sa hamburger sa merkado.

Isa pa, ang pizza ay isang international product. Kahit saang bansa magpunta ay may makikitang pizza.

Ayon sa kanila, mas madali pang lutuin ang pizza dahil maaari itong gawin sa anumang paraan na naisin.

Hindi rin problema kung sino ang bibili dahil swak ito sa anumang uri ng tao, mayaman man o mahirap.

***

Sa dinaluhang food expo sa Hong Kong, doon nakita ni Tess ang booth ng American Institute of Baking na nakabase sa Kansas, USA.

Napukaw ang kanyang interes sa nasabing paaralan, lalo pa’t kasama sa kanilang mga inaalok ay pizza technology course. Kaya noong 1995, nagtungo siya sa Kansas at dalawang linggong nag-aral sa paggawa ng pizza.

Nakuha niya ang karangalan bilang kauna-unahang Pilipinong pumasok sa nasabing paaralan.

Dumalo rin siya sa isang pizza expo in Las Vegas kung saan nakita niya ang iba’t ibang sistema, istilo at teknolohiya sa paggawa ng pizza.

Sa kanyang pag-aaral, napag-alaman niyang hindi pala ganoon kadali at kasimple ang paggawa ng pizza. Nadagdagan ang kanyang kaalaman ukol sa teknikal na aspeto ng paggawa nito.

Pagbalik niya sa Pilipinas, ipinakilala niya ang pizzang tatak-Pilipino. Ang paniniwala niya ay hindi pare-pareho ang panlasa ng bawat nasyonalidad kaya dapat iakma ang pizza sa panlasang Pilipino.

Upang lalo pang makilala ang produkto, tiniyak niya na ito’y makikilala sa pagiging abot-kaya nang hindi nasasakripisyo ang kalidad ng mga sangkap.

Doon na nagsimula ang pagmamahal ng mga Pilipino sa Lots’a Pizza.

***

Nagbukas sila ng sampung sangay noong 1996 at inumpisahan ng mag-asawa ang franchise system noong 2000 upang mabigyan ang iba pang nais magnegosyo ng pagkakataong magkaroon ng kanilang sariling pizza outlet.

Ngayon, mayroon na silang 215 tindahan at mayroon na ito sa Ilocos hanggang Palawan!

Sa una nilang pagpasok sa pagnenegosyo, wala silang pormal na kaalaman at pumatok ito.  

Nang mas malakas na ang kanilang loob, nagsaliksik sila at nag-aral upang magkaroon ng kumpiyansa at kakayahang mas mapalago ang kanilang negosyo.

Kung hindi sa lakas ng loob ng mag-asawa, malamang na hindi natin natikman ang pizza na patok sa panlasang Pinoy.

Kaya huwag tayong matakot sumuong sa pagnenegosyo. Malay natin, ito ang daan tungo sa inaasam nating tagumpay!

Scroll to top