Mga Kanegosyo, may ilan tayong kakilalang nais magsimula ng negosyo ngunit nag-aalala dahil sa kanilang edad.
Iniisip nila na baka maging dahilan ang kanilang katandaan para magpatakbo o magsimula ng isang negosyo.
Ika nga ng sikat na kanta, “It’s never too late to start all over again.”
Sa mga ganito ang pananaw, nais nating ibahagi sa inyo ang kuwento ni Julie Gandiongco, may-ari ng sikat na Julie’s Bakeshop.
Ngayon, halos kabi-kabila na ang makikita nating sangay ng Julie’s Bakeshop. Mayroon pa itong mga nag-iikot na tindero na nakasakay ng sidecar na naglalaman ng iba’t ibang uri ng tinapay.
***
Alam ninyo ba, mga Kanegosyo, sa edad na limampung taong gulang sinimulan ni Julie ang kanyang negosyo sa Cebu.
Ngunit bago rito, siya ay tumulong sa asawang si Diegs para magpatakbo ng plantasyon ng tubo ng kanilang kamag-anak sa Leyte.
Dahil maliit ang kita, nagpasya si Diegs na magtrabaho sa isang softdrinks factory habang si Julie naman ang nagsilbi niyang tagabantay ng imbentaryo at benta.
Sa hirap ng buhay, nagpasya silang bumalik sa Cebu at doon nagsimula si Julie ng maliit na tindahan at patahian ng damit.
Ngunit dahil hindi pa rin sapat ang kinikita, nagpasya si Julie na magsimula ng canteen sa isang factory ng rattan.
Isa sa mga mabiling produkto sa canteen ni Julie ay tinapay, na kanyang kinukuha pa mula sa ibang bakery.
Kaya isang panadero ang nagmungkahi na siya na mismo ang gumawa ng tinapay para hindi na magbiyahe pa.
Sa tulong ng panadero, nagsimula silang gumawa at magbenta ng tinapay. Dito na nagsimula ang Julie’s Bakeshop, na nagbukas noong 50 anyos na si Julie.
***
Dahil pumatok na ang bakery, nagpasya si Julie na itigil na ang operasyon ng canteen at tutukan na lang ang bagong negosyo.
Sa kabila ng kanyang edad, mismong si Julie ang tumutok sa operasyon ng unang branch na kanyang binuksan sa Wireless, Mandaue City.
Mula sa supply ng harina, itlog at iba pang pangangailangan, tiniyak niyang sapat na ito upang hindi mabitin sa kanilang order.
Nang madagdagan na ang sangay ng bakeshop, kinailangan na niya ng tulong mula sa iba pang miyembro ng pamilya. Ang kanyang mga anak noon ay may sari-sariling trabaho ngunit nagpasyang tulungan ang kanilang mga magulang sa negosyo.
Mga Kanegosyo, hindi naman sila nagkamali ng desisyon dahil ang Julie’s Bakeshop sa kasalukuyan ay may halos 500 sangay na sa iba’t ibang bahagi ng bansa!
***
Sa edad na 75, ipinaubaya na ni Julie ang pagpapatakbo ng kanyang negosyo sa mga anak. Ginagamit na lang ni Julie ang kanyang oras sa 22 apo at pagbiyahe sa iba’t ibang lugar kasama ang asawang si Diegs.
Kung nagpatalo lang si Julie sa kanyang edad noon, hindi niya sana mararanasan ang ganitong tagumpay.
***
Tulad ni Julie, hindi tayo dapat mag-alala sa ating edad. Habang kaya pa natin, simulan ang pinapangarap na negosyo.Tandaan, kalabaw lang ang tumatanda!
Recent Comments