BIDA KA!: Ingatan ang hanapbuhay ng mga Pilipino

Mga bida, milyun-milyon sa mga kababayan natin ang nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi sa mundo.

Mula Estados Unidos, Gitnang Silangan, Europa at mga kapitbahay natin sa Asya, maraming mga Pilipino ang nagtatrabaho para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas.

Sa huling bilang, nasa 10 milyon na ang overseas Filipino workers (OFWs) sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa bilang na ito, apat na milyong Pilipino ang nasa Estados Unidos, na karamihan ay may mga kamag-anak sa Pilipinas na umaasa sa tulong na kanilang ibinibigay.

Ang ating mga OFW ay itinuturing na haligi ng ating ekonomiya dahil sa dolyar na kanilang ipinapadala sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Maliban pa rito, marami ring dayuhang kumpanya ang namumuhunan at nagnenegosyo sa Pilipinas.

Ang mga kumpanyang ito ay nag-e-empleyo ng daan-daang libong Pilipino, kabilang na ang business process outsourcing o call centers, factory, planta at iba pang manufacturing companies.

Mahalagang mapanatili natin ang magandang relasyon sa mga bansang ito upang hindi malagay sa alanganin ang kapakanan ng ating mga kababayan, maging sa abroad o dito sa Pilipinas.

Kung magiging maasim ang relasyon natin sa isa sa mga bansang pinagkukunan ng ikabubuhay ng marami nating kababayan, madadagdagan ang mga Pilipinong walang hanapbuhay at masasadlak sa kahirapan.

***

 

Ito ang ating isinasa-alang-alang kaya nais nating malinawan kung ano ba ang direksiyong tatahakin ng foreign policy ng pamahalaan, lalo pa’t pabagu-bago ang posisyon nito sa iba’t ibang isyu ukol sa relasyon natin sa Estados Unidos, na matagal na nating kaalyado.

Noong Set. 19, 2016, isinumite natin ang Senate Resolution No. 158, na humihiling sa pamahalaan na linawin ang posisyon ng bansa sa iba’t ibang polisiya at isyu ukol sa relasyon sa Estados Unidos.

Sa nasabing resolusyon, hiniling natin na magbigay ang pamahalaan ng agarang klaripikasyon upang maplantsa na ang hindi pagkakaunawaan na baka maglagay sa alanganin sa ating mga kababayan dito at sa Estados Unidos.

Wala tayong tutol sa isinusulong na independent foreign policy ng pamahalaan ngunit dapat nating tiyaking itataguyod nito ang interes ng sambayanang Pilipino.

Mahalagang mailahad ang nilalaman at direksiyon ng ‘independent foreign policy’ na nais ipatupad ng gobyerno at kung ano ang epekto nito sa mga kasunduan na ating pinasok.

Nais pa nating malaman kung ano ang epekto nito sa pamumuhay at kapakanan ng mga Pilipinong nahihirapan dito at sa ibang bansa.

***

Hindi isyu rito ang pagiging maka-Kano o maka-China kundi ang pagiging maka-Pilipino.

Importanteng matiyak natin na ang direksiyong nais tahakin ng pamahalaan ay makabubuti sa kapakanan ng mga Pilipino, at hindi ng ano pa mang bansa.

Scroll to top