NEGOSYO, NOW NA!: Burahin ang 5-6

Mga kanegosyo, isa tayo sa mga natuwa sa kampanya ng pamahalaan kontra “5-6” o iyong mga nagpapautang na sobra ang laki ng tubo.

Karaniwang biktima nito ang mga mahihirap na Pilipino na napipilitang kumapit sa patalim sa mataas na interes dahil walang ibang malapitan.

Apektado rin nito ang mga maliliit na negosyante na nahihirapang makautang sa mga bangko o mga lending companies dahil sa higpit ng requirements at hinihinging collateral.

Dahil walang ibang malapitan, kumakagat na rin sa pain ang mga maliliit na negosyante sa mga nagpapa-5-6.

Ang hindi nila alam, sa laki ng interes na ipinapataw ng 5-6, para lang nilang binuhay ang nagpautang sa kanila.

Kaya ang iba, napipilitan na lang magsara dahil lahat ng kinita ay napunta lang sa 5-6, imbes na sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya at sa pagpapalago ng negosyo.

***

Isa sa mga susi upang mapalakas ang layuning ito ng pamahalaan ay ang Microfinance NGOs Act o Republic Act 10693.

Ang nasabing batas ay tumutulong sa mga MFI NGOs na nagbibigay ng pautang na mababa ang interes at walang collateral sa mga mahihirap nating kababayan at mga nais mag-umpisa ng negosyo.

Kabilang sa mga natulungan ng Microfinance Institutions (MFI) NGOs ay si Aling Recy, na may negosyong angels figurine at ceramic display.

 

Upang maumpisahan ang kanyang negosyo, nangutang si Aling Recy ng puhunan sa isang 5-6. Pero ‘di nagtagal, napansin niya na wala silang napapalang mag-asawa dahil sa laki ng tubo ng kanilang inutang.

Kaya naghanap sila ng ibang pagkukunan ng puhunan na mas mababa ang interes. Masuwerte naman at natagpuan nila ang microfinance NGO na Kasagana-ka Development Center, Inc. (KDCI).

Ayon kay Aling Recy, malayung-malayo ang karanasan nila sa 5-6 kumpara sa KDCI. Sa MFI NGOs, sinabi ni Aling Recy na magaan na ang kanilang hulog, mahaba pa ang palugit.

***

Ang Microfinance NGOs Act o Republic Act 10693 ay isinulong ko sa Senado bilang co-author at principal sponsor nang ako pa’y chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship noong 16th Congress.

Bigay ng MFI NGOs sa mga mahihirap na Pilipino ang pautang na mababa ang interes at walang collateral na maaari nilang ipambayad sa upa, serbisyong medical at sa pag-aaral at puhunan sa maliit na negosyo.

***

Tinutulungan din ng MFI NGOs ang mga Pilipino na makaahon sa kahirapan, hindi lang sa pamamagitan ng pautang, kundi pati na rin sa financial literacy, livelihood at entrepreneurship training.

Binibigyan naman ng batas ang microfinance NGOs ng kailangang suporta at insentibo, kabilang ang access sa mga programa at proyekto ng pamahalaan, technical assistance at malinaw na sistema ng pagbubuwis.

Mga kanegosyo, noong 2013, nakapagpautang ang MFI NGOs na miyembro ng Microfinance Council of the Philippines, Inc. (MCPI) ng kabuuang P15.26 bilyon sa 2.7 milyong micro-entrepreneurs.

Sa Microfinance NGOs Act, mayroon nang mabisang sandata ang pamahalaan upang mailayo ang ating mga kababayan sa 5-6.

Scroll to top