Mga kanegosyo, si Aling Susan Bantilla ay tubong Padada, Davao del Sur. Kung pakikinggan ang kuwento ng kanyang madramang buhay, puwede itong gawing telenovela na siguradong susubaybayan ng maraming Pilipino.
Itinakwil si Aling Susan ng mga magulang dahil sa kagustuhan niyang mag-aral. Paniwala kasi ng kanyang mga magulang, hindi na sila kailangang mag-aral dahil pag-aasawa lang ang kanilang kahahantungan.
Sa pagpupumilit niyang makatapos sa kolehiyo, pinalayas siya ng mga magulang at napilitang mangibang-bayan. Sa kanyang pagsisikap, nakatapos si Aling Susan ng kursong Bachelor of Science in Agriculture Business.
Makalipas ang ilang taon, nakapag-asawa si Aling Susan at nabiyayaan ng tatlong anak. Ngunit nasira ang kanyang pamilya nang sumama sa isang kulto ang kanyang asawa at dinala sa bundok ang tatlo nilang anak.
Sa kuwento ni Aling Susan, plano ng kanyang mister na ihandog sa pinuno ng grupo ang kanilang bunso na noo’y sanggol pa lang. Mabuti na lang at nailigtas ni Aling Susan ang kanyang mga anak ngunit hindi ang asawa. Mula noon, hindi na niya ito nakita.
Lumipat si Aling Susan at mga anak sa Tacurong sa Sultan Kudarat. Doon niya nakilala ang lalaki na muling nagpatibok ng kanyang puso at tumayong ama ng kanyang mga anak.
Subalit noong Nobyembre 23, 2009, nadamay ang kanyang asawa sa mga napaslang sa Maguindanao Massacre sa Maguindanao. Sa imbestigasyon, napagkamalan ang kanyang asawa na kasama ng mga pulitiko kaya ito pinaslang.
Sa nangyaring ito, naiwan si Aling Susan na walang katuwang sa pagtataguyod sa kanyang mga anak.
***
Isang araw, inalok siya ng kaibigan na dumalo sa seminar ng CARD sa kabilang lugar. Matapos ang ilang beses na pagdalo, noong 2010 ay nagmiyembro na si Aling Susan at ginamit ang unang loan na P5,000 para makapagsimula ng sariling negosyo.
Ginamit niya ang nautang na pambili ng magaganda at imported na bulaklak at iba’t iba pang halaman at nagsimula ng maliit na flower shop. Sa kanyang pagsisikap at sa gabay na rin ng mga seminar ng CARD, napalago niya ang negosyo.
Nagkaroon na rin siya ng dalawang puwesto na kumikita ng hindi bababa sa P30,000 kada linggo.
Maliban sa pagpapatayo ng sarili niyang bahay, nakapagpatayo rin siya ng paupahang apartment at nakabili na rin ng videoke na kanyang pinaparentahan sa tulong ng dagdag na loan mula sa CARD.
Ngunit ang pinakamalaking biyaya para kay Aling Susan ay ang mapag-aral ang kanyang mga anak sa magandang paaralan at maibigay ang lahat nilang pangangailangan. Nagkaayos na rin sila ng kanyang mga magulang na matagal niyang hindi nakita at nakausap.
Bilang pagtanaw ng utang na loob sa tulong ng CARD, sumasama si Aling Susan sa mga seminar kung saan ibinabahagi niya ang kanyang buhay at karanasan sa pagnenegosyo.
***
Itinuturing na pinakamalaking microfinance institution sa bansa, nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at sa mababang interes.
Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.
***
Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahan kong batas bilang senador noong 16th Congress. Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad, at lalawigan sa buong bansa.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments