Mga bida, maliban sa mahihirap na nais makatapos sa kolehiyo, isa pang nais suportahan ng Affordable Higher Education for All Act ay ang mga magulang na hindi sapat ang kinikita upang maitawid ang pag-aaral ng mga anak.
Sa botong 18-0, nakapasa sa Senado ang Affordable Higher Education for All Act na ang isa sa mga pangunahing layunin ay magbigay ng libreng tuition sa state colleges at universities (SUCs).
Ang inyong lingkod ang tumayong sponsor at co-author ng nasabing panukala, na layon ding palakasin ang scholarship programs ng pamahalaan sa mga nais namang magtapos sa pribadong educational institutions.
Inaasahan naming maipapasa ito sa House of Representatives at maisasabatas bago magsimula ang susunod na school year.
***
Mga bida, kadalasan, marami sa mga estudyante sa SUCs ay mga anak ng karaniwang empleyado na pinagkakasya lang ang buwanang kita para makatapos sa pag-aaral sa kolehiyo.
Kabilang na rito sina Carolyn Dale Castaneda ng Mountain Province Polytechnic State College, Cristina Jane Rentino ng Aklan State University at Clodith Silvosa ng Davao del Norte State College.
Iba’t iba man ang pinanggalingang lugar sa Pilipinas, iisa lang ang sitwasyon ng tatlong estudyante na sumasalamin din sa kalagayan ng marami pang estudyante sa ating SUCs.
Nasa 4th year na ng kursong BS Teacher Education si Carolyn. Noong nagtatrabaho ang kanyang ina bilang teller, nag-aaral siya sa St. Louis University sa Baguio.
Nang pumanaw ang ina sa liver sclerosis, naiwan ang kanilang ama bilang tanging bumubuhay sa pamilya bilang geodetic engineer na may P30,000 suweldo kada buwan.
Dalawa sa mga kapatid ni Carolyn ay nasa kolehiyo na at ang isa ay nasa junior high school. Dahil kapos sa pera, napilitan si Carolyn na lumipat sa Mountain Province Polytechnic State College, kung saan ang tuition ay P4,000.
Mura man ang tuition ni Carolyn, kailangan namang maglaan ng kanyang ama ng P10,000 para sa tuition ng dalawa pa niyang kapatid. Kung susumahin, kalahati ng kita ng ama ay napunta na sa tuition pa lang. Paano pa ang kanilang pagkain at iba pang gastusin sa araw-araw?
***
Tulad ni Carolyn, si Cristina ay nasa ikaapat na taon na sa kursong BS Education.
Ang kanyang ina ay accountant sa Aklan State University at ang kanyang ama ay technician sa Agricultural Training Institute. Sumusuweldo sila ng kabuuang P45,000 kada buwan.
Nasa P4,000 lang ang tuition si Cristina ngunit umaabot naman sa P50,000 ang bayarin sa eskuwela ng iba pa niyang kapatid.
Kaya napilitang mangutang sa kooperatiba, bangko at maging sa mga kaibigan at katrabaho ang kanyang mga magulang upang matustusan ang kanilang pag-aaral.
Sa dami ng utang, kinailangang maghigpit ng sinturon ang pamilya. Naapektuhan ang panggastos sa kanilang tahanan, pati na sa mga pangangailangan sa eskuwelahan.
***
Sa sitwasyon ni Clodith, nanay lang niya ang nagtatrabaho sa pamilya dahil may prostate cancer ang ama. Sa suweldong P35,000 ng ina bilang Senior Aquaculturist sa Provincial Agriculturist Office nabubuhay ang pamilya.
Nasa P10,000 ang tuition ni Clodith habang P1,000 naman ang gastos ng kanyang kapatid sa pag-aaral.
Nauubos ang suweldo ng kanyang ina sa pagpapagamot sa amang maysakit at sa iba pang gastusin sa bahay.
Para makatulong, nagtatrabaho si Clodith bilang student assistant para matustusan ang kanyang pang-araw-araw na allowance.
***
Naniniwala ang tatlo na napakalaking tulong ang Affordable Higher Education for All Act sa pagpapagaan ng kanilang kalagayan sa buhay.
Sa halip nga naman na ibayad sa tuition, magagamit ng pamilya ang pera sa iba pang mahalagang gastusin at pangangailangan sa bahay.
Ito ang ginhawang hatid ng Affordable Higher Education for All Act sa mga magulang na hindi sapat ang kita upang mapagtapos sa kolehiyo ang mga anak.
Kaya siguraduhin po natin na mapirmahan ito ng pangulo at maisabatas and libreng tuition sa ating mga state universities and colleges (SUCs).
Recent Comments