Mga Bida, isa sa mga batas na nagsusulong ng kapakanan ng maliliit na negosyante ay ang Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) Act of 2002.
Sa ilalim ng BMBE Act of 2002, maraming benepisyo ang nakalinya para sa tinatawag na micro entrepreneurs, o iyong mga negosyong may ari-ariang ‘di lalampas sa P3 milyon ang halaga, upang matulungan silang umasenso.
Kabilang dito ang exemption sa income tax mula sa kita ng operasyon ng negosyo. Hindi rin sila saklaw ng Minimum Wage Law at mabibigyan pa ng tulong sa pautang para sa dagdag na puhunan.
Pero sa huling tala, kakaunti lang ang bilang ng micro enterprises sa bansa ang nakarehistro bilang BMBEs.
Ito’y dahil sa kakulangan ng impormasyon sa lokal na antas at sa mahigpit na requirements na hinihingi ng local government units at ilang ahensiya ng pamahalaan, lalo na sa aspeto ng pagbubuwis.
***
Ito ang isa sa mga nais nating baguhin nang isulong natin ang pagsasabatas ng Republic Act 10644 o Go Negosyo Act, ang una sa aking 17 batas sa panahon ko bilang chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship noong 16th Congress.
Inamyendahan ng RA 10644 ang BMBE Act of 2002 kung saan inilagay ang Negosyo Centers bilang tanging may kapangyarihan na mag-isyu ng BMBE certification.
Ngayon, mas madali nang kumuha ng BMBE certification ang mga kababayan nating micro entrepreneurs sa mahigit 470 Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Malaking tulong din ang inilabas na memorandum ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kamakailan upang mapabilis ang proseso para sa ating micro enterprises.
Sa memo ni BIR Commissioner Caesar Dulay, binibigyan ng pahintulot ang mga nasasaklawan ng BMBE na magsumite ng income tax returns (ITR) sa mga Revenue District Offices (RDO) kahit walang buwis na babayaran.
Sa tulong ng bagong panuntunang ito, mas mabilis na para sa micro enterprises na maghain ng ITR sa lahat ng tanggapan ng BIR.
***
Ngayong 17th Congress, tuluy-tuloy pa rin ang pagbabantay natin sa kapakanan ng maliliit na negosyante bilang bahagi ng ating adbokasiya na tulungan ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa bansa.
Kamakailan lang, inihain ko ang Senate Bill No. 169 o ang Small Business Tax Reform Act, na layong patawan ng mas mababang buwis at iba pang benepisyo ang mga maliliit na negosyo, maliban pa sa pagpapadali ng proseso sa iba pa nilang pangangailangan para makatayo sa sariling paa at tuluyang umasenso.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng maliliit na negosyo ay hindi muna pagbabayarin ng income tax sa loob ng unang tatlong taon ng operasyon mula sa petsa ng pagkakatayo. Pagkatapos, sisingilin na sila ng mas mababang buwis sa mga susunod na taon.
Hindi sisingilin ng income tax ang mga maliliit na negosyo na kumikita ng mababa sa P300,000 habang sampung porsiyentong income tax naman ang kukunin sa kumikita ng P300,000 hanggang P10,000,000.
Kapag naisabatas, magiging simple ang proseso ng bookkeeping at magkakaroon na ng special lane at assistance desk para sa MSEs, maliban pa sa exemption sa tax audit, taunang paghahain ng tax returns at pagbabayad nang hulugan.
Maliban sa pagtulong sa ating micro enterprises, kailangan din nating pabilisin ang proseso sa pagbubuwis dahil napag-iiwanan na ang Pilipinas sa aspetong ito.
Sa pag-aaral ng PWC at World Bank, ang Pilipinas ay pang-126 sa 189 ekonomiya pagdating sa tinatawag na Ease of Paying Taxes. Kung gagawing simple ang sistema ng pagbubuwis sa bansa, mas malaki ang tsansa ng ating mga maliliit na negosyo na umasenso.
Ang pag-asensong ito ay magreresulta sa pag-angat ng buhay at dagdag na kabuhayan para sa mas maraming Pilipino.
Recent Comments