BIDA KA!: Accomplishments ng Senado

Mga Bida, noong ako’y tumakbo bilang senador, nais kong isulong ang mga polisiya at mga panukalang ­tutulong sa mga Pilipino na maka­ahon mula sa kahirapan.

Tumakbo ako dala ang platapormang “trabaho, negosyo at edukasyon” sa paniniwalang ito ang mga epektibong sandata kontra kahirapan.

Sa unang tatlong taon ko bilang senador, tumutok tayo sa aspetong negosyo bilang chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.

Nakapagpasa tayo ng ilang mga batas na sumusuporta sa micro, small at medium enterprises at nagbibigay ng trabaho at kabuhayan sa mas maraming Pilipino.

Sa pamamagitan ng ating Go Negosyo Act  ang una kong naipasang batas  nakapagpatayo na ng mahigit 500 Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas na nakatulong sa mahigit 800,000 entrepreneurs.

Naipasa rin natin ang MFI NGOs Act, Philippine Competition Act, Youth Entrepreneurship Act at Credit Surety Fund Act, na kabilang sa 17 batas ko noong 16th Congress.

***

Sa bilis ng panahon, hindi natin namalayan na isang taon na pala ang bagong administrasyon at ang 17th Congress.

Sa panahong ito, natutukan natin ang edukasyon, na aking pangarap noong ako’y isang student leader at youth advocate.

Masaya po ako na naipasa na natin ang Senate Bill No. 1304 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act at Senate Bill 1277 o Free Internet Access in Public Places Act.

 

Naghihintay na lang ng pirma ni Pangulong Duterte ang dalawang ito at kapag naisabatas, ito na ang aking ika-18 at ika-19 na batas sa apat na taon ko bilang senador.

Nagpapasalamat tayo sa mga kapwa natin senador na sumuporta sa pagpasa ng mga panukalang ito. Mula sa mayorya, naririyan sina Senate President Koko Pimentel at Sens. Ralph G. Recto, Tito Sotto, Sonny Angara, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Loren Legarda, Grace Poe, Nancy Binay, Cynthia Villar, JV Ejercito, Chiz Escudero, Juan Miguel Zubiri, Richard Gordon, Gringo Honasan, Ping Lacson at Manny Pacquiao.

Sa minorya naman, kasama ko sina Minority Leader Franklin Drilon at Sens. Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, Leila de Lima at Antonio Trillanes.

***

Maliban sa dalawang panukala, nakapasa rin sa Senado at naghihintay na lang ng pirma ni Pangulong Duterte ang ­Senate Bill No. 14 o amyenda sa Revised Penal Code, Senate Bill No. 1353 o Anti-Hospital Deposit Law, Senate Bill No. 1365 o Philippine Passport Act, Senate Bill No. 1449 o ang pagpapalawig ng validity period ng driver’s license, Senate Bill 1468 o amyenda sa Anti-Money Laundering Law.

Tumayong sponsor ng apat sa mga panukalang ito ay mga senador mula sa Minority Bloc. Si Sen.  Drilon ang tumayong sponsor ng Senate Bill No. 14 habang si Sen. Hontiveros naman ang nagsulong sa Senate Bill No. 1353.

Sa pagpapatuloy naman ng sesyon sa Hulyo, isusulong pa rin natin ang pagsasabatas ng Pagkaing Pinoy Para Sa Batang Pinoy Act, na layong maglagay ng feeding program sa ating mga paaralan, at ang paglalagay ng Trabaho Centers sa mga paaralan.

Bilang chairman naman ng Committee on Science and Technology, tututukan natin ang ang Senate Bill No. 1183 o ang Balik Scientist Bill, Senate Bill No. 175 o ang Innovative Startup Act at Senate Bill No. 679 o Magna Carta for Scientists.

Ang mga panukalang batas na ito ang maglalatag ng matibay na pundasyon sa paglago ng agham at teknolohiya sa bansa.

Kailangan nating tutukan ang larangang ito dahil napag-iiwanan na tayo ng ating mga kalapit-bansa sa Asya.

Sa Balik Scientist Bill, layon nitong hikayatin ang mga Pinoy scientist na bumalik sa bansa at tumulong sa pagpapalago ng research and development ng bansa.

Layon naman ng Innovative Startup Act na bigyan ng karampatang suporta ang tinatawag na business startups upang mabigyan ng pagkakataong makipagsabayan sa merkado. 

Aamyendahan naman ang Magna Carta for Scientists na pabilisin ang proseso ng pagbibigay ng benepisyo at insentibo sa S&T government personnel.

Pagdating naman sa iba pang isyu, sisimulan na rin ang pagdinig sa death penalty at sa panukalang tax reform program ng pamahalaan.

*** 

Sa nakalipas na mga buwan, napatunayan ng Senado, lalo na ng minorya, na maraming magagawa kung isasantabi muna ang pulitika at uunahin ang kapakanan ng taumbayan.

Inaasahan natin na sa pagpapatuloy ng sesyon sa Hulyo, tatawirin natin ang tinatawag na party lines at tututukan ang pagpasa ng mahahalagang batas na may positibong epekto sa mamamayang Pilipino.

Scroll to top