Mga Bida, kamakailan ay nakipagpulong tayo sa ilang mga grupo ng senior citizens sa bansa kung saan inilabas nila ang mga problema at hamon na kinakaharap ng kanilang sektor.
Sa nasabing pulong, sinabi ni Oscar Ricafuerte, secretary general ng Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines (FSCAP) na hindi ganap na natutugunan ng kasalukuyang National Coordinating and Monitoring Board (NCMB) ang pangangailangan ng senior citizens.
Ayon kay Ginoong Ricafuerte, isang senior citizen lang ang miyembro ng nasabing board kaya madalas, hindi akma ang mga programang inilalatag nito para sa kanila.
Maliban pa rito, hindi rin sila nakokonsulta sa mahahalagang isyu at mga panukalang batas, tulad na lang ng Centenarians Act.
Aniya, kung nabigyan lang sila ng pagkakataong sumali sa pagbalangkas nito, ipinanukala nila na dapat pagsapit pa lang ng 80-anyos ay binibigyan na ng cash incentive upang mapakinabangan nang husto ng mga senior citizen.
Sa isyu naman ng senior citizen’s ID, iginiit ni Ginoong Ricafuerte na dapat mabigyan ito ng seryosong pansin upang maiwasan ang pamemeke, bagay na hindi matututukan ng karaniwang board lang gaya ng NCMB.
***
Para naman kay Nanay Salve Basiano ng Pederasyon ng mga Maralitang Nakakatanda, natutuwa sila sa pagsisikap ng NCMB upang matugunan ang pangangailangan at problema ng mga nakatatanda.
Subalit para kay Nanay Salve, mas maganda kung mayroong isang komisyon na tututok sa mga totoong pangangailangan ng senior citizens sa bansa.
***
Tama ang puntong ito ni Nanay Salve dahil may iba’t ibang komisyon sa pamahalaan na tumututok sa partikular na sektor ng lipunan.
Para sa kabataan, mayroon tayong National Youth Commission (NYC). Pagdating naman sa kababaihan, naririyan ang National Commission on the Role of Filipino Women.
Tumututok naman sa kapakanan ng mga kapatid nating Muslim ang National Commission on Muslim Filipinos habang sa katutubo naman, mayroon tayong National Commission on Indigenous Peoples.
Bilang isang sektor na kinabibilangan ng 7.6 milyong senior citizens, nararapat lang na may tumutok na isang komisyon, lalo pa’t inaasahang dodoble ang kanilang bilang sa 14.2 milyon pagsapit ng 2030 at 22.5 million sa 2045.
***
Kaya inihain natin ang Senate Bill No. 674 na layong lumikha ng National Commission for Senior Citizens (NCSC) upang matiyak na protektado ang karapatan at naibibigay ang mga benepisyong nakalaan para sa ating senior citizens.
Kapag naisabatas, bubuwagin na ang NCMB at papalitan na ito ng NCSC, na ang pangunahing tungkulin ay tiyaking naipatutupad nang tama ang Republic Act 7432 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2015.
Bilang isang pambansang ahensiya, magbabalangkas ang NCSC ng mga polisiya, plano at programa para maitaguyod ang kapakanan ng senior citizen. Sila rin ang tutugon sa mga isyung nakakaapekto sa sektor.
Ang nasabing komisyon ay pamumunuan ng isang chairperson at commissioners mula sa listahang isusumite ng iba’t ibang grupo ng senior citizens.
Magkakaroon din ito ng sangay sa iba’t ibang local government units na pamumunuan ng regional commissioners upang mabantayan ang kapakanan ng senior citizens sa mga lalawigan.
***
Kilala ang mga Pilipino bilang mapag-alaga sa ating mga matatanda. Sa panukalang ito, maipapakita natin na kung gaano kahalaga ang mga senior citizen.
Ito’y pagkilala sa kanilang napakalaking sakripisyo at kontribusyon sa lipunan at sa pagpapalago ng ating bansa.
Recent Comments