NEGOSYO, NOW NA!: Pampalipas oras naging negosyo

Mga kanegosyo, walang pinipiling edad ang pagiging negos­yante. Gaya na lang ni Aling Milagros­ Hipolito ng San Jose City, Nueva Ecija na nagbigyan ng pagkakataong makapagpatayo at magpaunlad ng negosyo.

Sa halos 12 taon, nagtrabaho si Aling Milagros bilang guro. Nagturo siya ng ilang subjects gaya ng Mathematics, Physics, Computer at Technology Livelihood Education.

Noong 2009, nagpasya si Aling Mila na iwan ang pagiging guro at samahan ang asawa’t mga anak sa Cabiao, Nueva Ecija.

Dahil sanay na nagtatrabaho, nainip si Aling Mila sa araw-araw na panonood ng TV, paggawa ng gawaing bahay at paghihintay sa asawa at anak na umuwi galing sa opisina at paaralan.

Bilang libangan at pampalipas-oras, naisip ni Aling Mila na gumawa ng mga maliliit na damit mula sa panggagantsilyo.

Upang malaman ang mga bagong istilo sa paggagantsilyo at mga produkto na maaaring gawin sa pamamagitan nito, tumi­ngin siya sa Internet at doon niya nakita ang paraan ng paggawa ng cellphone cases, coin purse, baby booties at swim suits. Tinawag ni Aling Mila ang kanyang mga produkto na ­Gawang Kabyawenyo.

Nakita naman ng kanyang mister ang potensiyal ng mga produktong gawa ng misis kaya nagpasya silang i-display ito sa Kabyawan Festival noong Pebrero 2015. Nagulat ang mag-asawa dahil naging paborito ng mga dumalo ang kanilang mga produkto. Halos lahat ng kanilang paninda ay nabili at uma­bot sa P5,000 ang kanilang kinita sa loob lang ng isang araw.

Nang i-post naman ng kanyang anak sa Facebook ang mga produktong gawa ni Aling Mila, hindi nito intensiyon na maghanap ng customer kundi ipakita lang ang libangan ng pamilya.

Ngunit dinagsa sila ng order mula sa mga kaibigan at ­kamag-anak para sa kanilang koleksiyon at souvenir tuwing may birthday o binyagan.

*** 

 

Nang magbukas ang Negosyo Center sa Cabiao, isa si Aling Mila sa mga naimbitahan upang bigyan ng payo ang iba pang entrepreneurs na nais magsimula ng negosyo.

Dahil hindi pa sapat ang kaalaman sa pagnenegosyo, dumalo­ rin si Aling Mila sa ilang seminar at training na bigay ng Negosyo Center.

Kabilang sa mga seminar na ito ang Design Mission, How to Start a Small Business, Go Negosyo Act, Barangay Micro Business Enterprise Law, Developing Mindset of Successful Entrepreneurs at Product Labeling and Packaging.

Ginawa na ring pormal ni Aling Mila ang kanyang negosyo­ sa pamamagitan ng pagpaparehistro nito sa tulong ng Negosyo Center. Ngayon, kilala na ang kanyang negosyo bilang Gawang­ Kabyaweño-Handicrafts.

Naka-display na rin sa Negosyo Center ang ilang produkto na gawa ni Aling Mila para makita ng mga bumibisita rito.

Kahit malapit nang maging senior citizen, natutuwa si Aling Mila at nabigyan siya ng panibagong pagkakataong kumita at makatulong sa pamilya.

Nagpapasalamat din si Aling Mila sa Negosyo Center sa pagbibigay sa kanya ng lakas ng loob na harapin ang hamon ng pagnenegosyo.

***

Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.

Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.

Scroll to top