Mga bida, ilang beses ko nang nabanggit sa kolum na malapit sa akin ang mga kababayan nating micro, small at medium entrepreneurs.
Bago pa man ako naging mambabatas, matagal ko silang nakakatrabaho sa aking social enterprise na tumutulong sa mga kababaihan na may maliit na negosyo.
Dahil napalapit ako sa ating mga kababayang negosyante, alam ko ang kanilang mga pangangailangan at kung anong akmang tulong ang maaaring ibigay sa kanila para lumago at magtagumpay.
Kaya sa unang taon ko bilang senador, isinulong ko ang pagsasabatas ng ilang mga programa na alam kong malaki ang maitutulong sa kanila, tulad ng Go Negosyo Act, Microfinance NGOs Act, Youth Entrepreneurship Act at Credit Surety Fund Cooperative Act.
Natutuwa naman tayo at kamakailan, pinirmahan na ang pinakahihintay na implementing rules and regulations (IRR) ng Credit Surety Fund (CSF) Cooperative Act o Republic Act 10744.
***
Ano nga ba ang tulong na hatid ng Republic Act 10744 sa mga kababayan nating nais magsimula o magpalago ng negosyo?
Ilang beses na nating natalakay na isang malaking hadlang na kinakaharap ng mga kababayan nating nais magnegosyo ang kawalan ng pagkukunan ng pautang para gamiting puhunan.
Sa ngayon, maaaring lumapit ang mga may-ari ng maliliit na negosyo, gaya ng sari-sari store, sa microfinance institutions (MFIs) para makautang ng P5,000 hanggang P150,000.
Para naman sa mga medium at malalaking negosyo, naririyan ang mga bangko na nagpapautang ng higit sa limang milyong piso.
Ang malaking problema, walang nagpapautang sa tinatawag na small entrepreneurs, o iyong mga nangangailangan ng puhunang naglalaro mula P200,000 hanggang P5 milyon.
Masyadong malaki ang nasabing halaga para sa MFIs habang kailangan naman nila ng kolateral kapag lumapit sa bangko upang makakuha ng pautang. Madalas, ang kolateral na hinihingi ng mga bangko ay titulo ng lupa na hindi maibigay ng ating mga maliliit na negosyante.
Ang malala rito, minsan kumakapit sa patalim ang mga negosyanteng nangangailangan ng puhunan sa paglapit sa 5/6 kung saan napakataas ng interes.
***
Ang tawag natin dito ay ‘missing middle.’ Ito ang nais tugunan ng Republic Act 10744, na aking isinulong sa Senado bilang sponsor at author noong panahon ko bilang chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Sa batas na ito, itinatakda na magtulungan ang lokal na pamahalaan, Bangko Sentral ng Pilipinas, Cooperative Development Authority, mga kooperatiba at mga government financing institutions (GFIs).
Magsama-sama sila para bumuo ng paunang pondo kung saan maaari itong gamitin na miyembro ng kooperatibang kasamang bumuo ng paunang pondo bilang alternatibong garantiya para sa uutanging puhunan sa bangko.
Sa tulong nito, puwede nang mangutang ang ating mga negosyanteng nangangailangan ng kapital.
Kailangan lang, kabilang ang mga negosyanteng nais gumamit nito sa kooperatibang tumulong sa pagbuo ng paunang pondo.
Bago pa ito naisabatas, pinapatupad na ito ng Bangko Sentral sa apatnapu’t anim na probinsya at siyudad at nakapagbigay na ng P3.25 bilyong pautang sa 16,360 MSMEs.
Kaya ngayong naisabatas na ito at mayroon nang IRR, inaasahan na mas marami pa itong matutulungan.
***
Napaka-espesyal ng batas na ito dahil aking yumaong tiyuhin na si dating senador Agapito ‘Butz’ Aquino ay malapit sa mga kooperatiba.
Katunayan, siya ang tinaguriang ama ng kooperatiba sa Pilipinas dahil sa mga batas na kanyang isinulong para sa kanilang kapakanan.
Ang Credit Surety Fund Cooperative Act ay katuparan ng isa sa ating mga pangakong tulungan ang mga maliliit na negosyante na mapalago ang kanilang kabuhayan at makapagbigay na dagdag na trabaho sa ating mga kababayan.
Recent Comments