Mga kanegosyo, pamilyar ba kayo sa kasabihang ‘may pera sa basura’?
Nagkatotoo ang kasabihang ito kay Aling Pamfila Menor Mariquina, na tubong Boac, Marinduque.
Ang pagbili ng mga babasagin at plastic na bote at iba pang kalat ng mga kapitbahay ang naging tulay ni Aling Pamfila tungo sa tagumpay.
***
Isinilang si Aling Pamfila sa Boac noong Hunyo 29, 1955. Sa batang edad, natuto na si Aling Pamfila na maghanap-buhay.
Sinasabayan ni Aling Pamfila ang pag-aaral ng pagtitinda ng kakanin sa kanilang lugar upang may maipambaon at makatulong sa gastusin sa bahay.
Dahil sa hirap, elementarya lang ang natapos ni Aling Pamfila at napilitan nang tumigil sa pag-aaral. Nanatili na lang siya sa bahay upang tumulong sa mga gawain. Kung minsan, naglalako siya ng kakanin para may maidagdag sa kanilang pangangailangan.
Nang tumuntong siya sa edad na 15, lumuwas si Aling Pamfila sa Maynila upang mamasukan bilang katulong. Kahit sanay sa gawaing bahay, nahirapan pa rin si Aling Pamfila dahil malayo sa pamilya.
Matapos ang ilang buwan, lumipat si Aling Pamfila sa Tanay at doon namasukan bilang alalay ng dentista.
Nang makaipon, nagbalik si Aling Pamfila sa Marinduque at nagtayo ng maliit na sari-sari store sa kanilang lugar.
Ngunit nagkaproblema si Aling Pamfila dahil sa halip na makabenta, puro utang ang ginawa ng kanyang mga kapitbahay. Dahil walang maibayad ang mga nangutang, agad ding nagsara ang kanyang munting negosyo.
***
Noong 1987, muling nagpasya si Aling Pamfila na subukang muli ang pagnenegosyo upang makatulong sa asawa sa gastos sa bahay at apat nilang anak.
Gamit ang isandaang pisong puhunan, nagsimula siyang magbenta ng sigarilyo, palamig, at biskwit. Unti-unti niyang inipon ang kinita hanggang sa makapagtayo muli ng sari-sari store.
Noong 1998, nakilala ni Aling Pamfila ang CARD. Noong una’y ayaw siyang pasalihin ng asawa ngunit nang ipaliwanag niya ang mga benepisyo at oportunidad na maaaring ibigay ng CARD, naintindihan ito ng mister at pinayagan na siyang sumali.
Naging masaya at makabuluhan para kay Aling Pamfila ang pagsali sa CARD dahil hindi lamang pinansiyal na tulong ang naibigay sa kanya nito kundi pati determinasyon na mapaunlad pa ang negosyo.
Ginamit ni Aling Pamfila ang nautang na P3,000 sa CARD bilang pandagdag sa kanyang tindahan. Inipon niya ang kita ng tindahan at ipinambili ng ilang baboy.
Noong 2006, naisipan ni Aling Pamfila na magsimula ng isang junk shop sa kanilang lugar dahil nakita niya na madali itong pagkakitaan at maraming kapitbahay niya ang makikinabang.
Ginamit niya ang perang ipinahiram ng CARD bilang pambili ng kalakal. Kasabay ng paglago ng kanyang negosyo, tumaas din ang pangangailangan ni Aling Pamfila sa kapital, na agad namang ipinagkaloob sa kanya ng CARD nang walang anumang kolateral.
Sa tulong ng kanyang negosyo, nakapagpagawa rin si Aling Pamfila ng dalawang boarding house at nakapagpundar ng rental business kung saan nagpapaupa siya ng videoke, upuan, at mesa para sa mahahalagang okasyon.
Nakabili siya ng maraming lupa sa kanilang lugar na may mga tanim na niyog at napatapos ang apat niyang anak sa kolehiyo.
Sa kasalukuyan, hinuhubog ni Aling Pamfila ang kanyang mga anak sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo, sa tulong na rin ng mga seminar na ibinibigay ng CARD.
***
Itinuturing na pinakamalaking microfinance institution sa bansa, nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at sa mababang interes.
Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.
***
Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahang kong batas bilang senador noong 16th Congress. Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments