Mga Bida, sa gitna ng matinding giyera ng pamahalaan kontra ilegal na droga, nasangkot sa kontrobersiya ang Bureau of Customs (BOC) sa balitang nakalusot sa kanilang pagbabantay ang P6.4 bilyong halaga ng shabu.
Nakapasok ang napakalaking bulto ng droga sa kabila ng bagong sistemang ipinatutupad ng pamumuan ng BOC sa ilalim ni Commissioner Nicanor Faeldon, kasama ang kapwa niya dating sundalo na nag-aklas kontra katiwalian ilang taon na ang nakalipas.
Maraming personalidad ang nadawit nang pangalanan ni Mark Taguba, ang broker ng shipment na pumasok sa bansa, ang mga binigyan niya ng “tara” na umaabot ng P40,000 para maipasok ang kontrabandong naglalaman ng droga.
Malinaw na ginagamit ng mga sindikato ng droga ang kahinaan ng mga tao sa katiwalian at sistema sa Customs para makapagpasok ng droga sa bansa.
***
Napakabigat ng kontrobersiyang ito dahil kung hindi nasabat ng mga awtoridad ang droga, maraming buhay at pamilyang sisirain ang 600 kilo ng shabu kapag ito’y nakapasok sa merkado.
Ngunit magugulat ka sa kilos ng mga tauhan ng BOC sa mga naunang pagdinig ng Senado sa kontrobersiya.
Kung titingnan ang reaksiyon ng ibang taga-Customs, parang hindi naiisip ang bigat ng epekto ng kanilang kapabayaan sa lipunan.
Hindi mo man lang sila makitaan ng bakas ng pagsisisi at kagustuhang malaman ang puno’t dulo ng pangyayari upang mapapanagot sa batas ang mga nasa likod nito.
Nakapagtataka ito, lalo pa’t pangunahing programa ng pamahalaan ang pagsugpo sa ilegal na droga.
***
Kung ginawa lang ng mga taga-Customs ang kanilang trabaho, hindi makalulusot sa kanilang pagbabantay ang kontrabando ng ilegal na droga.
Ang shipment na pinasok ng EMT Trading, na isang baguhang broker, ay hindi dapat idinaan sa green lane nang basta-basta.
Iyon pala, madali lang magpasok sa green lane kung may pambayad ka, batay sa testimonya ni Taguba.
Kaya dalawa ang tinitingnan natin sa sitwasyong ito. Una, nagkaroon ng kapabayaan sa pagganap ng tungkulin ang mga tauhan ng Customs na nakatalaga sa pagbabantay ng mga kargamentong pumapasok sa bansa.
Ang mas malala rito, kung mayroong sabwatan sa pagitan ng mga tauhan ng BOC, gaya ng sinasabi ni Taguba, para sadyang palusutin ang ilegal na droga sa bansa.
Ito ang tinatawag kong “negligence with corruption” kung saan tumanggap ng lagay ang ilang tauhan ng Customs upang sadyang ipikit ang kanilang mga mata at huwag kumilos upang walang hirap na makalusot ang ilegal na droga.
***
Sa aking pagtatanong kay Commissioner Faeldon kung ano ang solusyon para matuldukan na ang katiwaliang ito sa Customs, sinabi niya na kailangang magkaroon ng malawakang revamp upang malinis ang hanay.
Subalit hindi tayo kumbinsido sa solusyong ito ni Faeldon. Wala ring kuwentang magpalit ng tao sa Customs kung mananatili ang lumang sistema na madaling mapasukan ng katiwalian.
Araw-araw ka mang magpalit ng tauhan, kung ang susundin nilang sistema at mga patakaran ay marupok sa katiwalian, mananatili ang kultura ng lagayan at tara.
Recent Comments