NEGOSYO, NOW NA!: Mula pagdo-doktor patungong negosyante (Part 1)

Mga kanegosyo, bilang isang dating social entrepreneur, nakita ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na kaa­laman sa pagnenegosyo.

Madalas kasi sa hindi, nauuwi sa pagkalugi ang isang negosyo kung hindi naturuan ang may-ari nito sa mga tamang diskarte at desisyon.

Kaya nang isulong natin ang Go Negosyo Act, isinama natin bilang isa sa mga tungkulin nito ang mentorship, training at iba pang mga seminar na makapagbibigay ng kaalaman at gabay sa mga papausbong na negosyante.

***

Isa sa mga nakinabang sa mga seminar, mentoring at training ay si Windel Quidato, may-ari ng Windel Woodcraft na nakabase sa Silang, Cavite.

Pangarap ni Windel na maging isang doctor. Habang kumukuha ng kursong medisina, nagdu-duty na siya bilang junior medical intern sa isang ospital.

Noong 2014, naisip ni Windel na maghanap ng mga bagay na maaari niyang mapagkakitaan habang nag-aaral siya ng pagkadoktor.

Aniya, matagal-tagal pa bago siya makatapos ng medisina kaya mas mainam kung maghahanap siya ng ibang gagawin na puwedeng pagkunan ng dagdag na panggastos sa pag-aaral.

Hindi na kinailangan ni Windel na lumayo para makita ang kanyang hinahanap. Sa kanyang kuwento, mahilig ang kanyang mga magulang sa DIY or Do It Yourself.

Salaysay ni Windel, paggawa ng furniture ang libangan ng kanyang mga magulang at mayroon silang gamit para dito. Nag-praktis si Windel ng isang taon bago niya sinimulan ang Windel Woodcraft noong 2015.

Ayon kay Windel, nagpursige siyang magsimula ng sariling negosyo upang maging boss ng sariling kumpanya sa halip na mamasukan bilang ordinaryong empleyado.

***

Noong una, dahil excited sa sinimulang negosyo, hindi pa niya ramdam ang mga hamon at pagsubok.

Aniya, kuntento na siya noon na kumita ng kaunti para may maipantustos lang sa mga materyales.

Noong una, kumukuha si Windel ng materyales sa Mindanao ngunit para makatipid, naghanap siya ng mga bagong supplier ng mahogany at iba pang piling uri ng kahoy sa Maynila at Pampanga.

Naramdaman ni Windel ang mga pagsubok sa negosyo sa kalagitnaan na ng kanyang operasyon.

Karaniwang pagsubok ang problema sa kalidad ng produkto at naaapektuhan din ang kanyang pag­lago dahil sa kabiguang mapanatili sa merkado ang kanyang negosyo.

Ngunit nang tumagal, nalampasan din ni Windel ang ganitong mga problema dahil sa paggamit niya ng laser technology at sensing machines sa paggawa ng mga kasangkapan at iba pang produktong kahoy.

Dahil din sa teknolohiya, mas mabilis na ang kanilang mass production ng mga order nang hindi naapektuhan ang kalidad.

Sa susunod na linggo, itutuloy natin ang kuwento ni Windel at kung paano nakatulong ang Negosyo Center sa kanyang matagumpay na negosyo.

***

Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.

Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.

Scroll to top