Mga kanegosyo, kung naalala niyo, binigyan ng mandato ang Negosyo Center na magbigay ng mentorship, training, at kaalaman sa mga Pilipinong nais magnegosyo.
Noong ako’y nagsisimula bilang social entrepreneur, lagi kong sinasabi at iniisip na “sana may mapupuntahan ako tuwing may tanong o problema sa negosyo”.
Ngayon, mabuti na lang at mayroon nang Negosyo Center na matatakbuhan ng lahat, tulad ni Windel ng Windel Woodcraft na makikita sa Silang, Cavite.
***
Masuwerte naman si Windel dahil halos kasabay ng pagsisimula ng kanyang negosyo ay ang pagbubukas ng Negosyo Center sa Silang.
Kuwento ni Windel, napakalaking tulong ang ibinigay ng Negosyo Center nang iparehistro niya ang negosyo. Inalalayan siya ng mga tauhan ng Negosyo Center, mula sa simula hanggang matapos ang proseso.
Maliban dito, sinabi ni Windel na Negosyo Center rin ang nakikipag-coordinate sa iba’t ibang local government units kaugnay ng kanyang negosyo.
Katunayan, ilang linggo matapos iparehistro ni Windel ang negosyo, kinontak siya ng Department of Trade and Industry (DTI) at inimbitahang sumali sa iba’t ibang trade fairs at bazaar.
Madalas din siyang iniimbitahan ng Negosyo Center na sumali sa iba’t ibang training na may kaugnayan sa finance, marketing, and management.
Regular din ang pagbisita at paghingi ng update ng Negosyo Center ukol sa estado ng Windel Woodcraft kaya mabilis niyang nareresolba ang maliliit na problema ng negosyo.
Sa pamamagitan ng Negosyo Center, nakadalo rin si Windel sa Kapatid Mentor Me program kung saan natutuhan niya ang mga kailangang malaman sa pagnenegosyo mula sa mismong eksperto at mga matagumpay na entrepreneurs.
Sa pagdalo niya sa Mentor Me Program, sinabi ni Windel na para na rin siyang nag-masteral dahil lahat ng kaalaman na kailangan ng isang matagumpay na negosyante ay doon niya natutuhan.
***
Sa tulong ng Negosyo Center, sinabi ni Windel na “mula zero knowledge sa pagnenegosyo” ay nagkaroon siya ng kompiyansa sa pagpapatakbo ng Windel Woodcraft. Pansamantala muna niyang itinigil ang pag-aaral ng medisina upang mabantayang maigi ang negosyo.
Sa kasalukuyan, isa sa mga pangarap ni Windel ay mapalago at mapalawak pa ang merkado ng kanyang negosyo sa buong bansa. Tiwala naman si Windel na ito’y mangyayari sa tulong ng walang patid na suporta mula sa Negosyo Center.
Para naman sa mga gaya niyang walang alam sa negosyo na gustong magkaroon ng sariling kabuhayan, payo ni Windel ay “huwag matakot at harapin ang lahat ng posibilidad”.
Aniya, naririyan ang Negosyo Center na magsisilbing gabay sa bawat hakbang na kailangan upang maging matibay at matagumpay na negosyante.
***
Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad, at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sahttps://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
***
Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.
Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-dos hanggang alas-tres ng hapon sa DZRH 666 sa programang “Go Negosyo sa Radyo” kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.
Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!
Recent Comments