Author: teambam

BIDA KA!: Rehas na bakal para sa nambabakal!

Mga Bida, bumisita ako sa Bohol kamakailan upang tingnan ang ginagawang rehabilitasyon ng lalawigan mula sa pinsalang dulot ng malakas na lindol noong nakaraang taon.

Malaking perhuwisyo ang iniwan ng nasabing lindol sa lalawigan at kalapit-probinsiya na Cebu.

Maliban sa mahigit dalawandaang buhay na nawala, at nasira rin ang ilang tourist spots ng probinsiya.

Kung sa ibang lugar ay nagsisikap na mag-reclamation, doon sa isang lugar sa Bohol ay may bagong baybayin ang uma­ngat dahil sa lindol.

Pati mga simbahan sa Baclayon, Loboc at Loon na ilang daang taon na ang edad ay nadurog sa malakas na pagyanig.

Sa pag-ikot ko sa probinsya kasama ang gobernador na si Edgar Chatto, pinakita niya ang mga ginagawang rehabilitas­yon sa mga daan, gusali at iba pang imprastraktura.

Hindi nagpapatalo ang mga Boholano sa nangyaring sakuna sa kanila.

Ang mga pribadong kumpanya, NGO at gobyerno ay sama-samang nagtatrabaho para muling ibalik ang dating sigla ng kanilang probinsya.

***

Sa aming pag-iikot, naagaw ang aking pansin ng dalawan­g magkalapit na bahay na gawa sa semento. Ang isa, talagang sira-sira na habang ang kalapit na bahay ay nakatayo pa rin.

Nakakapagtaka dahil halos magkatabi lang ang dalawang bahay at parehong sementado pa. Paano nangyari na ang isa ay nagiba at habang ang isa ay kinaya ang malakas na lindol?

Napag-usapan namin na siguro, ang ginamit sa nagibang bahay at iba pang nasirang istruktura ay mahinang klase ng bakal at hindi sumunod sa umiiral na panuntunan.

Hindi dapat ganito ang sitwasyon. Sa bansang gaya ng Pilipinas na madalas bisitahin ng kalamidad tulad ng lindol at bagyo, mahalaga na mayroong matibay na istruktura.

Kung ginamit lang ang tamang klase ng bakal, siguro ‘di ganoong kagrabe ang napinsala at hindi sana umabot sa mahi­git dalawandaang katao ang nagbuwis ng buhay.

Sabi nga ni Gov. Chatto sa aming pag-uusap, “Walang namamatay sa lindol. Marami ang namamatay dahil nababagsakan ng mga nagibang gusali”.

***

Napapanahon pala ang pagdalaw kong ito sa Bohol. Ti­yempo kasi na ilang araw bago ako nagtungo roon, naghain ako ng resolusyon para imbestigahan ang talamak na pagbebenta ng mahinang klase at puslit na produktong bakal sa merkado.

Ito’y bahagi ng aking tungkulin bilang chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, ang tiyakin na lahat ng binebenta sa merkado ay nasa tamang kalidad.

Hiningi ko ang imbestigasyon kasunod ng paglapit sa akin ng ilang grupo gaya ng Philippine Iron and Steel Institute (PIS­I) at Steel Angles, Shapes and Sections Manufacturers Association of the Philippines, Inc. (SASSMAPI) at ng Department of Trade and Industry (DTI).

Talamak ang bentahan ng mahinang klase at puslit na produktong bakal gaya ng reinforcing steel bars.

***

Sa kalakaran ng mga walang pusong nagbebenta ng mahinang uri ng bakal, ang produktong may nakatatak na tamang bigat ay mas magaan pala.

Buhay ang katumbas na kinikita nilang ekstra sa maru­ming paraan.

Masahol pa sila sa mga kriminal na halang ang kaluluwa dahil maraming buhay ang kanilang inilalagay sa panganib at kapahamakan.

Kaya sa gagawin nating imbestigasyon, mananagot ang dapat managot. Malamig na rehas na bakal ang dapat katapat ng mga nambabakal.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Wala nang ‘Bakwits’

Mga Bida, nagdiriwang nga­yon ang buong bansa, lalo na ang mga taga-Mindanao, kasunod ng pagpirma ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Ang pagpirma sa kasunduan ay hudyat ng simula ng bagong panahon ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao, na lubhang nalumpo ng ilang dekadang bakbakan sa pagitan ng dalawang panig.

Sa mga nakalipas na panahon, karaniwan nang larawan ng karahasan ang Mindanao. Libu-libong katao ang nagbuwis ng buhay habang milyun-milyon naman ang nawalan ng tirahan at ikabubuhay dahil sa kaguluhan.

Dahil sa digmaang ito, maraming pagkakataon ang nasayang upang magamit ang masaganang likas na yaman ng Mindanao, na naging daan sana ng kaunlaran ng rehiyon.

Imbes na maging paboritong destinasyon ng mga negosyante’t mamumuhunan, ang Mindanao ay parang isang taong may malalang sakit na nilalayuan ng lahat.

Lahat ito ay nakatakdang magbago, ngayong nagkasundo na ang pamahalaan at MILF na magkasamang kikilos para sa kaunlaran at pangmatagalang kapaya­paan ng Mindanao.

Sa pangakong kapayapaan at seguridad ng kasunduan, mabubura na ang masamang imahe ng Mindanao at masisimulan na ang matagal na inaasam na pag-unlad nito.

Ngayong plantsado na ang kasunduan, magiging madali na ang pagpasok ng negosyo na magbibigay ng trabaho at iba pang uri ng kabuhayan sa ating mga kapatid sa Mindanao.

Naniniwala ako na ang Mindanao ay susi sa mabilis na pag-abot ng pag-asenso na hinahangad ng lahat.

***

Dahil sa digmaan, sumikat ang katagang “bakwit”, o tawag sa mga residente na lumilikas sa evacuation centers para hindi maipit sa kaguluhan.

Sa kasunduang ito, tapos na ang araw ng pagtakbo ng mga pamilya mula sa kaguluhan at pag-iwas sa mga bombang pinapakawalan ng magkabilang panig.

Babalik na sa normal ang pamumuhay ng milyun-mil­yong mga taga-Mindanao. Makakatulog na sila nang payapa tuwing gabi. Makakagala na sila sa iba’t ibang tanawin sa Mindanao nang hindi tumitingin sa kanilang mga likuran.

Wala nang mararamdamang pangamba ang mga magulang kapag naglalaro ang mga anak sa mga kalsada at hindi sa maruming paligid ng evacuation centers na ilang taon ding naging tahanan.

Sa darating na pasukan, maipagpapatuloy ng mga bata ang kanilang pag-aaral. Wala nang kaguluhang pipigil sa kanilang hangarin na makakuha ng diploma at magkaroon ng magandang buhay.

Muli na ring mabubuhay ang nawasak na pangarap ng mga taga-Mindanao ngayong may mas malinaw nang kinabukasan para sa kanila.

Mga Bida, ang kapayapaang dumating sa Mindanao ay para sa lahat ng Pilipino tungo sa malawakang kaunlaran.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Si Nanay Coring at si Injap

Mga Bida, ngayong nasa ­huling bahagi na tayo ng buwan ng Marso, maraming estudyante ang magtatapos, bilang tagumpay nila sa hamon ng silid-aralan nang ilang taon.


Tutuloy na sila sa kanilang paglalakbay upang matupad ang kanilang mga pangarap.

May mga kuwento ako tungkol sa mga Pilipinong nagpun­yagi na maaari nilang gamiting gabay tungo sa magandang kinabukasan.

***

Ilang dekada na ang nakakaraan, mahirap lang ang ­pamilya ni Nanay Coring at kaya sa murang edad pa lang, tumulong na siya sa kanyang pamilya sa pagbebenta ng suka, saging at bakya sa isang palengke sa Sta. Cruz, Laguna.

Nang nakapagtapos ng high school, pumasok siya bilang tindera sa isang bookstore sa Escolta.

Doon niya nakilala ang kanyang magiging asawa at partner sa negosyo.

Sa puhunang P120 lang, itinayo nina Nanay Coring at ng kanyang asawa ang sariling tindahan ng school supplies at ­libro sa isang maliit na puwesto.

Sa pagdating ng mga Hapon, napilitan silang mag-iba ng paninda tulad ng sabon, kendi at tsinelas upang hindi pagdudahan ng mga dayuhan ang ibinebenta nilang libro.

Nang bombahin ng mga Amerikano ang buong Escolta, kasamang nasunog ang tindahan nina Nanay Coring. Subalit hindi siya nasiraan ng loob at muling binuhay ang negosyong bookstore sa kanto ng Avenida at Soler.

Dahil sa pagsisikap ni Nanay Coring o Socorro Cancio ­Ramos, nagtuluy-tuloy ang paglago ng kanilang negosyo. Ngayon, mayroon nang 85 na sangay sa buong bansa ang bookstore na kilala ng lahat bilang National Bookstore.

***

Ibabahagi ko rin ang kuwento ng isang batang entrepreneur mula Iloilo City.

Noong 2003, nangarap si Injap na magbukas ng negosyo kaya nagpasya siyang magtayo ng restaurant na nagbebenta ng inasal – isang uri ng barbeque na kilala sa Visayas – sa isang mall.

Mula sa maliit na espasyo, maraming tumangkilik nang kanyang inasal at nakapagbukas siya ng halos 400 sangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ngayon, si Edgar “Injap” Sia ang isa sa pinakabatang ­bilyonaryo sa bansa matapos bilhin ng Jollibee ang “Mang Inasal” sa halagang tatlong bilyong piso.

Ilang dekada man ang pagitan sa kuwento nina Nanay ­Coring at Injap, pareho ang naging susi sa kanilang tagumpay – kasipagan, pagpupunyagi at pagiging malikhain.

***

Mga Bida, maraming kabataan na naman ang madadagdag sa hanay ng mga naghahanap ng trabaho.

Sa mga kuwento natin, natuklasan nating may mga alternatibong hakbang para kumita.

Kaysa magkaroon ng boss, mas maganda nga naman kung ikaw ang boss sa iyong sariling negosyo. Basta maganda ang ideya mo at pairalin ang kasipagan, mas malaki ang inyong pagkakataong umasenso.

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Kuwentong snatcher

Mga Bida, habang tuluy-­tuloy ang ating pagtatrabaho ukol sa mga adbokasiya at mga panukalang batas sa Senado, diretso pa rin ang pagtutok ng Blue Ribbon Committee sa PDAF scam.

Gaya ng parating sinasabi ng isang sikat na broadcaster, ‘di natin tatantanan ang isyu hanggang lumabas ang buong katotohanan. Ito ang pangako natin sa taumbayan na siyang biktima sa katiwaliang ito.

Kamakailan, sa kasagsagan ng pagdinig ay nakipag­kuwentuhan sa akin ang isang youth leader.

Sabi niya, “Kuya, ang mga snatcher, madudungis, madudumi at mukhang palabuy-laboy sa lansangan. At ang nanakawin sa iyo, siguro cellphone o wallet mo lang.”

“Pero ang mga sangkot sa iskandalo sa PDAF, ang aayos tingnan, malilinis, mababango at nakatira sa mga mansyon. Iyon pala ay bilyun-bilyon ang ninakaw sa kaban ng bayan,” dagdag pa ng youth leader.

Nakuha ko agad ang punto ng youth leader. Dapat tayong maging mapanuri sa lahat ng tao, lalo na iyong mga tini­tingala sa lipunan.

Gaya na lang ng sinasabing utak sa PDAF scam na si Janet Lim Napoles. Isa siyang iginagalang na miyembro ng alta-­sosyedad. Iyon pala, ang perang winaldas niya ay mula pala sa pinaghirapan ng taumbayan.

Nariyan din si Delfin Lee, ang may-ari ng ilang mala­laking condominium units at subdivisions sa Kamaynilaan at ­kalapit-lalawigan.

Sa estado niya sa buhay, hindi mo maiisip na sangkot pala siya sa pagkawala ng halos pitong bilyong pisong pondo ng Pag-IBIG.

Kaya mga Bida, maging mapagbantay tayo sa lahat ng ating nakakasalamuha.

***

May isa pa akong kuwento tungkol sa mga snatcher.

Ang grupo ni Rustie Quintana ay notoryus na mga ­snatcher at gangster sa Cagayan de Oro.

Dahil sa kanilang mga kalokohan, ilang beses nang nag­labas-masok si Rustie at ang mga kasama niya sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga juvenile delinquent.

Nangangarap na magbago, minsang umakyat si Rustie ng puno at tinanaw ang Xavier University-Ateneo de Cagayan, sabay malakas na sinabing “balang araw ay mag-aaral ako ­diyan.”

Malakas na tawanan lang ang tinanggap ni Rustie mula sa kapwa batang kalye, ngunit hindi nasira ang kanyang loob at ipinangako sa sarili na gagawing katuparan ang kanyang ­pangarap.

Nabigyan ng pagkakataong mabago ang buhay ni Rustie at ng kanyang mga kasama nang tulungan sila ng youth organization sa Cagayan de Oro na may pangalang Dire Husi.

Sa ilalim ng programang “Arts Ville,” tinitipon ang mga batang kalye at tinuturuan sila ng sining upang mailayo sila sa bisyo at kriminalidad patungo sa kanilang pagbabago.

Nanalo sina Rustie at ang Dire Husi ng Ten Outstanding Youth Organization (TAYO) Awards dahil sa kanilang misyon noong 2012.

Nang parangalan sila sa Malacañang, lumapit sa akin si Rustie at sinabing, “Kuya hindi ko akalain na makakaabot ako dito sa Malacañang at makakamayan ang Presidente.”

Kamakailan lang, napag-alaman kong si Rustie ay kumukuha ng kursong business management sa paaralang pina­ngarap niyang pasukan — ang Xavier University-Ateneo de Cagayan.

Mga Bida, patunay lang ito na walang imposible sa mundo basta’t determinadong magbago ang isang tao.

Kaya hindi tayo dapat maging mabilis sa paghusga. Hindi porke’t marumi, masama na. Hindi dahil malinis manamit, matino na.

May kasabihan nga, hindi lahat ng kumikinang ay ginto. Mayroon din namang nakakatanso.

 

First Published on Abante Online

BIDA KA!: Rags to Riches

Mga Bida, naaalala ko pa noong 2006, ipinatawag kaming magkakaibigan ni Fr. Javy Alpasa at ipinakilala sa mga nanay ng Payatas, Quezon City.

Nang kami’y bumisita sa lugar, naikuwento ng mga nanay ang kanilang gawain sa isang araw.  Wala silang trabaho noon kaya sila’y nag-aalaga lamang ng kanilang mga anak.  At nauuwi ang kanilang araw sa tsismisan.

Ang tanging pinagkukunan nila ng kita noon ay ang pananahi nila ng mga retaso at gawing mga basahan.

Sa bawat basahang nagagawa nila, piso ang kanilang kita; sa isang araw, walong basahan ang kanilang nagagawa.  Kaya naman walong piso lamang ang kinikita ng isang nanay sa isang araw.

***

Naisip naming palakihin ang kanilang merkado.  Nagpasya kaming tulungan sila sa pamamagitan ng backward at forward integration.

Sa forward integration, tinulungan namin ang mga nanay na maibenta ang kanilang produkto sa mga supermarket at bazaar upang madagdagan ang kanilang kita.

Sa ilalim naman ng backward integration, kinonekta namin sila sa mga pabrika na pinagkukunan ng retaso para sa paggawa nila ng produkto.  Dahil dito ay mas marami nang suplay ng retaso, kaya’t mas marami rin ang nagagawa nilang basahan.

Mula piso, kumikita na sila ng 17 piso kada basahan; sa isang araw, 136 na piso na ang kanilang naiuuwi. ‘Di hamak na mas malaki na iyon kaysa sa 8 piso bawat araw, ‘di ba, mga Bida?

Ngunit ginusto pa naming maging mas malaki at mas regular ang kita ng mga nanay sa Payatas.

***

Isa sa mga kaibigan namin ang nagbigay ng suhestiyon na ipa­kilala si Rajo Laurel sa mga nanay.  Isa si Rajo sa mga pinakasikat na fashion designer sa bansa.

‘Di namin akalain na magiging interesado si Rajo sa mga nanay ng Payatas at sa kanilang basahan.

***

Nang makita ni Rajo ang mga retaso, sinabi niyang hindi basahan ang kanyang nakikita rito kundi magagandang bag na puwedeng gamitin ng mga sosyal.

Dito na nagsimula ang Rags2Riches.

Ngayon, ang mga ginagawang bag ng mga nanay sa Payatas ay ibinebenta na sa mga sikat na tindahan, ‘di lang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi rin ng mundo tulad ng New York, UK at Japan.

Dahil sa tagumpay na ito, nagkaroon na ng regular na kita ang mga nanay. Kinailangan na nilang magbukas ng bank account at mayroon na silang savings program para sa kanilang kinabukasan.

Maliban pa rito, nagwagi rin ang Rags2Riches ng mga parangal sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Kahanga-hanga, ‘di ba mga Bida?

***

Ang nangyari sa Rags2Riches ang isa sa ating mga inspirasyon sa paghahain ng Social Enterprise Bill, isang panukalang nagtutulak ng tunay na pag-asenso para sa lahat, sa pamamagitan ng dagdag na suporta para sa mga social enterprises.

Ang “social enterprise” ay tumutukoy sa isang negosyo na direktang tumutulong sa mahihirap.

Kapag naaprubahan ang panukalang ito, maglalatag ng suporta ang pamahalaan para makapagpatayo ng mas marami pang social enterprise tulad ng Rags2Riches na magbibigay ng mas malaking kita para sa mahihirap.

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Consistency

Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, tinalakay natin ang micro­financing bilang isang alter­natibo sa pagkakaroon ng kapital. Mas mababa ang interes nito sa 5-6, kaya mas may pag-asang kumita ang ating negosyo kapag sa microfinancing tayo nangutang.

Ngayong linggo naman, talakayin natin ang pagiging consistent sa ating pagnenegosyo para mapanatili natin ang ating mga mamimili.

Sa dami ng mga nagsulputang negosyo nga­yon, kailangan magkaroon tayo ng consistency pagdating sa bilis, kali­dad o ganda ng produkto at serbisyo sa anumang panahon.

Marami mang negosyo ang dumating at mawala, nag-iiwan pa rin ng magandang impresyon sa mami­mili ang negosyong consistent sa pagkakaroon ng magandang kalidad kahit na lumaki pa ang kumpanya.

May ilang kaso kasi na nagbabago ang kalidad ng serbisyo o produkto ng isang kum­panya habang ito’y luma­laki. Sabi nga ng iba, maganda lang iyan sa una.

Ngunit batay sa aking nakausap na mga mami­mili, gusto nila ng seguridad sa kanilang binibi­ling produkto o serbisyo.

Handang ­magbayad nang mas malaki ang ilan basta’t matiyak lang na maaasahan at hindi papalpak ang kinuha nilang produkto o serbisyo.

Kaya sa pagsisimula ng negosyo, kailangang patibayin ang kalidad ng ating serbisyo at ­tiyakin na ito’y magtutuluy-­tuloy sa pag­lipas ng mga taon o dekada.

Kapag nangako ta­yong maihahatid ang produkto sa loob lang ng isang oras o di kaya’y isang araw, kailangang gawin ang lahat para ito’y matupad.

Kung nakalagay sa pro­dukto na tatagal ito ng isang buwan, kaila­ngang tiyakin ang kalidad nito upang masunod ang ipinangako.

Sa paraang ito, mata­ta­tak sa mamimili ang ipi­nangako at babalik-­balikan tayo.

Noong 1945, itinatag ni Carlos Linggoy Araneta ang Luzon Brokerage Company o LBC ­bilang brokerage at air cargo firm.

Pagkatapos ng ilang taon, pinalawig ng LBC ang serbisyo at pumasok sa forwarding service provider.

Dito unang ipinakilala ng LBC ang bagong paraan ng paghahatid ng shipment o package, na 24-hour or overnight delivery service.

Pumatok sa mga Pili­pino ang nasabing uri ng delivery service, lalo na sa mga may-ari ng negosyong may sangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Mula noon, ang 24-hour delivery service ng LBC ay naging maaa­sahang katulong ng mga Pilipino sa pagpapadala ng mga pakete, bagahe, dokumento at maging produkto sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Sa tulong din ng serbisyong ito ng LBC, nakapaglagay na sila ng sangay sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Binuksan ang unang sangay ng LBC sa labas ng bansa sa San Francisco, California noong 1985.

Kasabay ng pagbu­bukas nito, inilunsad din ng LBC ang sikat na “Balikbayan Box” at ang ­money remittance service nito na para sa Overseas Filipino Workers (OFW). Sa kasalukuyan, mayroon nang 60 sa­ngay ang LBC sa United States and Canada.

Naglagay na rin ng branch ang LBC sa Hong Kong, Brunei, ­Malaysia, Singapore at Taiwan upang maabot ang mara­ming bilang ng OFWs doon.

Marami nang nagdaang courier at remittance company sa bansa ngunit nana­natiling matibay ang LBC dahil pinanatili nila ang ipi­nangakong overnight service sa walong dekada.

Kumbaga, ang mga customer ng LBC ay lumaki na kasama nila. Sila ang unang iniisip tuwing mayroon silang kailangang ipadala dahil maaasahan ang kanilang serbisyo.

Kaya naman noong 1990, nakuha ng LBC ang bansag na “Hari ng Padala.”

Tayo man ay magi­ging hari sa pinasok na negosyo, basta’t tuloy-tuloy ang magandang produkto’t serbisyo.

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Kapital sa Pagnenegosyo 1

Mga Kanegosyo, hindi ba kakulangan sa kapital o puhunan ang isa sa malalaking hadlang para makapagsimula tayo ng negosyo?

Bago ako naging senador, adbokasiya ko na talaga ang pagtulong sa maliliit na negosyante. At sa araw-araw kong pakikisalamuha sa ating mga kababayan na nais magnegosyo, pare-pareho ang kanilang mga tanong.

“Saan po ba kami makakahanap ng kapital para makapagpatayo ng maliit na tindahan?”

“Saan po kami puwedeng humiram na mababa lang ang interes para mapalago ko ang aming munting negosyo?”

Mga Kanegosyo, iba’t ibang uri ang kapital, mayroong mura at mayroon ding mahal na kapital.

Isa sa sa mga kata­ngian ng magaling na negosyante ay ang kakayahang makahanap ng murang kapital na naaayon para sa ating negosyo.

Mga Kanegosyo, may­roon tayong tinatawag na microfinance industry na handang magpautang para masimulan natin ang pinapangarap na negosyo o mapalaki ang ating kabuhayan.

Palagi kong ipinagmamalaki na ang ating MFI industry ay isa sa pinakamagaling sa mundo. Katunayan, marami nang nakuhang award sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang mga MFI sa ating bansa.

Sa huling tala noong 2013, ang 23 microfinance NGO members ng Microfinance Council of the Philippines, Inc. (MCPI) ay nakapagbigay na ng pautang na P15.26 billion sa mahigit 2.7 million micro-entrepreneurs.

Subalit, karamihan pa rin sa mga negosyanteng Pinoy ay lumalapit sa 5-6 para makakuha ng puhunan. Laking sayang nito, mga Kanegosyo, dahil dehado talaga tayo sa 5-6.

Sa 5-6, nagbabayad tayo ng dagdag na isanlibong piso sa bawat limang libong pisong inutang mo kada araw. Kung susumahin natin, ang buwanang interes ng five-six ay 600 percent! Hindi ba parang ginisa tayo sa sarili nating mantika?

Kung ihahalintulad kasi sa MFI, mga Kanegosyo, nakapadaling makakuha ng pautang sa 5-6. Sa MFI, kailangang dumaan pa sa seminar at maghanda ng mga dokumento bago makakuha ng pautang.

Pero napakalayo naman ng 600 percent kada buwan sa 2.5 percent kada buwan. Hindi ko maisip ang negosyong papatok na kayang malampa­san ang 600% na interes. Sa madaling salita, mga Kanegosyo, sa 5-6, talo talaga ang ating negosyo at mababaon tayo sa utang.

Mabuti na lang at mayroon tayong alterna­tibo sa mga microfinance institutions na hindi lang nagbibigay ng pautang, kundi pati rin training, marketing, at iba pa.

Sa ating Bida Ka co­lumn sa Huwebes, ipagpapatuloy natin ang talakayan ukol sa microfinance NGOs.

Aalamin natin ang mga posibleng tulong para mapalago pa ang ang sektor na ito at ang mga kuwento ng tagumpay sa tulong ng MFIs, lalo na ang mga microfinance NGOs!

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Integridad

Mga Kanegosyo, sa­lamat sa muli ninyong pagsubaybay sa kolum na ito.

Sana ay nakakapag­bigay kami ng mga kaala­man na inyong magagamit para makapagsimula ng negosyo o palakihin pa ang kasalukuyan ninyong kabuhayan.

Tatalakayin natin nga­yon ang mahalagang papel ng integridad sa tagumpay o kabiguan ng isang negosyo.

Sa negosyo man o kahit sa iba pang bagay, isa sa pinapahalagahan natin ay ang integridad natin. Hindi ito mabibili at kailangang ­pagsumikapan upang makita ng iba ito sa atin.

Mahalaga sa isang negosyo ang pagiging ta­pat sa pagpapatakbo nito at ang hindi panlo­loko ng mga mamimili at ­suppliers.

Isa na rito ang pagtupad sa pangako sa mamimili. Kapag ipina­ngako natin sa mami­mili na matibay ang ating produkto, kailangan na­ting tiyakin na ito nga’y tatagal.

Dahil kung ito’y masisira agad, kasama nitong nasira ang ating pangalan sa mata ng mamimili.

Kapag sinabi ­nating isang taon ang ­warranty ng isang produkto, kailangan itong sundin. Kapag nangako na ka­yang ayusin ang isang ba­gay, kailangang ­tupdin.

Magiging sulit ang lahat ng pagsisikap kung mapapatibay natin ang ating integridad sa mga mamimili.

Mag-iiwan ito ng ma­laking tatak sa kanilang mga isipan na tangkili­kin ang isang produkto o serbisyo, batay na rin sa maasahang reputasyon ng isang negosyo.

Ito ang susi sa pagkakaroon ng maraming kliyente o ‘di kaya’y posibleng ikabagsak ng ating negosyo kung hindi gagawin.

***

Malinis na ­reputasyon at tapat na serbiyso ang naging puhunan ni Consuelo Farochilen para mabitbit sa tagumpay ang kanyang Farochilen Group of Companies.

Kabilang sa mga negosyo niya ay may kina­laman sa freight, forwar­ding, remittance, ­travel agency at real estate at nagsisilbi sa Pinoy community sa United Kingdom.

Nagtungo siya sa London noong 1977 upang magtrabaho bilang domestic helper. Makalipas ang ilang taon, inalok siya ng trabaho sa isang freight shipping com­pany.

Nang magsimula na siya sa trabaho, nalaman niya ang mapait na kapalaran ng mga kapwa OFW sa pagpapadala ng pera at package patu­ngong Pilipinas sa ibang forwarding companies.

Delayed ang karamihan sa mga package na kanilang ipinadala ­habang ang perang pina­daan sa remittance ay hindi nakarating sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Ito ang nagtulak sa kanya na simulan ang isang forwarding business para sa mga OFW, dala ang pangako na hindi nila sasapitin ang naranasan sa ibang kom­pan­ya.

Alam niya na mabigat ang pangako na kanyang binitiwan at nakataya ang kanyang inte­gri­dad sa kapwa OFWs sa sitwasyong ito.

Tinutukan niyang ma­igi at ng kanyang mga tauhan ang lahat ng padala at tinitiyak na darating ito sa destinasyon sa oras o mas maaga pa.

Hindi nagtagal, ku­ma­lat na ang magandang performance ng kumpanya sa iba pang mga OFW sa United Kingdom kaya nadagdagan pa ang kanyang kliyente.

Maliban sa de-kalidad na serbisyo, may bonus pa siya para sa mga kliyente dahil ipinagluluto niya ang mga ito tuwing weekend sa kanyang bahay.

Ngayon, ang forwar­ding business at remittance center na ito ay isa sa pinakamalaking negosyo sa Earls-Court sa UK.

Ang tapat na pagne­negosyo, pagtupad sa serbisyo at mapagkakatiwalaang reputasyon ang siyang bubuo sa matibay na integridad ng isang negosyo!

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Katuwang sa tagumpay

Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, nata­lakay natin ang pagkakaroon ng bagong ideya sa pagnenegosyo, na maaaring ilabas natin sa merkado. Naikuwento nga natin na kahit sa basura, may makukuhang ideya na bagong produkto o serbisyo, na ating mapagkakakitaan.

Ngayong linggo naman, mga Kanegosyo, pag-uusapan natin ang kasama sa pagnenegosyo. Pamilyar ba kayo sa kasabihang, “no man is an island?”

Sa buhay, mas madalas, hindi natin kakayaning mag-isa at kailangan natin ng mga katuwang upang ito’y magtagumpay.

Ganito rin sa pagnenegosyo. Maaaring ito’y kapamilya, malapit na kaibigan, mahal sa buhay, empleyado at maging investors. Sila ay mahahalagang bahagi na makatutulong upang magtagumpay ang isang negosyo.

Batay kay Rebecca Smith, isang negosyante at may-akda ng aklat na “Winning Without Losing Your Way: Courage and Honor in Leadership”, nakasaad na “isolation extinguishes the entrepreneurial spirit”.

Ayon sa kanya, isa sa mahirap na bahagi ng pagkakaroon ng negosyo ay ang kawalan ng katuwang na maaari mong hingahan ng sama ng loob tuwing may kabiguan.

Makatutulong din ang pagkakaroon ng katuwang na makakapalitan ng mga bagong ideya para sa bagong produkto, programa o ‘di kaya’y bagong serbisyo na puwedeng ialok sa mamimili.

Maaari ring makahati ang partner sa negosyo sa pang-araw-araw na trabaho, pati na rin sa pagod at stress na dulot ng pagpapatakbo nito.

Kailangan din daw na maging mapili sa pagkuha ng katuwang sa pagnenegosyo upang hindi magkaroon ng problema sa hinahanap.

Ayon sa kanya, mas mainam kung asawa o ‘di kaya’y pinagkakatiwalaang kaibigan ang kuning katuwang sa negosyo. Maliban sa kabisado na ang ugali ng isa’t isa, mas magaan pang katrabaho dahil may pinagsamahan.

***

Ganito ang karanasan ni Maricel Evangelista, may-ari ng Princess Joy Enterprises Palochina na kanyang itinatag noong 2002.

Nag-asawa siya sa edad na 18 kaya hindi na niya naituloy ang pangarap na makatapos ng kolehiyo.

Ngunit hindi lang pala personal blessing ang hatid ng kanyang asawa na si Henry Evangelista, Sr. kay Maricel. Ito rin ang nakita niyang maasahang katuwang sa negosyo.

Gamit ang kapital na dalawang libong piso, nagsimula ang mag-asawa ng maliit na junk shop. Pag­lipas ng panahon, napalaki ng mag-asawa ang negosyo patungong buy-and-sell ng scrap materials.

Kapag may libre pang oras, nagtatrabaho si Henry bilang tricycle driver habang si Maricel naman ay nagtayo ng isa pang maliit na tindahan.

Kahit maliit o malaki ang kita, hindi nakakalimutan ng mag-asawa ang mag-ipon. Nang lumaki na ang kanilang ipon, sini­mulan nila ang negosyong paggawa ng furniture.

Sa una, natakot si Maricel dahil wala siyang sapat na kaalaman sa nasabing linya ng negosyo ngunit sa tulong ng paggabay ng kanyang asawa, nawala rin ang kanyang pangamba.

Si Maricel ang tuma­yong manager habang ang kanyang asawa naman ang namahala sa pagkuha ng mga tauhan na gagawa ng muwebles.

Anim na taon ang nakalipas, kilala na ang Princess Joy Enterprises Palochina bilang isa sa mga dekalidad na gumagawa ng kasangkapan, hindi lang sa Pilipinas kundi sa Thailand at Japan.

Kamakailan lang, binigyang-pagkilala ang pagsisikap ng mag-asawa nang mapanalunan nila ang Citi Microentrepreneur Award Maunlad Luzon Category.

Nang tanungin ukol sa susi ng kanyang tagumpay, mariing sagot ni Maricel, “ang aking asawa.”

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Pera sa Basura

Mga Kanegosyo, kumusta ang inyong benta ngayong summer? Gaya nang natalakay natin noong nakaraang linggo, sana ay nasimulan ninyo na ang anumang plano, ideya o proyekto nang mauna sa kumpetisyon.

Ang pagkakaroon ng initiative ang isa sa mga susi upang makakuha kaagad ng malaking bahagi ng merkado at makilala kaagad ang inyong produkto o serbisyo.

Ngayong linggo naman, simulan natin ang ating talakayan sa sinabi ni Amar Bhide, isang manunulat at propesor ng entrepreneurship ng Harvard Business School at Columbia University.

Sinabi niya na 85 porsiyento ng entrepreneurs ay nagsisimula ng negosyo batay sa ideya ng iba. Ang ibig sabihin nito, 15 porsi­yento lang ng entrepreneurs ang maituturing na may bagong ideya ng negosyo.

Upang makakuha ng bagong ideya, kailangan nating tumingin sa iba’t ibang bagay na maaa­ring gamitin para sa isang produkto na tiyak papatok sa merkado.

Ang iba nga, nakakuha ng bagong ideya para sa negosyo mula sa basura.

Halimbawa nito ang Rags 2 Riches, isang social enterprise na nakitaan ng potensiyal ang basahan na ginagawa ng mga nanay sa Payatas, Quezon City.

Gamit ang galing ng kilalang Pinoy fashion designer na si Rajo Laurel, ang mga basahan ay ginawang magaganda at mamahaling bag.

Mula sa kitang dalawampung piso kada araw dati, ang isang R2R nanay ay kumikita ngayon ng higit sa sampung beses kada araw.

Sa ngayon, ang R2R bags ay hindi lang mabibili sa sikat na tindahan sa Pilipinas kundi pati na rin sa United Kingdom, Japan at New York.

Totoo talaga ang ka­sabihang may pera sa basura.

***

Isa pang magandang halimbawa ang Oryspa, na pagmamay-ari ni Sherill Quintana.

Sino nga ba naman ang makaka-isip na puwede palang gamitin ang rice bran o tinatawag na darak sa beauty at personal care products?

Ang darak ay isang produktong agricultural na nagmula sa bigas ngunit kadalasan ito’y walang pakinabang at pinapakain lang sa baboy.

Pero ito’y isang mahalagang sangkap sa mga produkto ng Oryspa, gaya ng shampoo, sabon, lotions, body scrubs at pain relief products.

Sa kanyang pag-aaral, natuklasan niya na ang darak ay mayaman sa Vitamin E at A. Mayroon din itong oryzanol, na anti-oxidant na, anti-aging pa.

Sa una, naglabas ang Oryspa ng produkto mula sa darak gaya ng meditation balm, solid perfume, massage oil, chili oil at sabon, na pawang all-natural at paraben-free.

Kabilang sa mga unang customer niya ay cancer survivors, na naghahanap ng alternatibong shampoo, conditioner at sabon na walang chemicals.

Kahit malayo ang ­unang tindahan niya sa Laguna, dinarayo pa rin ng mga customer ang kakaiba at maganda niyang produkto.

Dahil sa magandang reputasyon, unti-unting nakilala ang kanyang mga produkto.

Ngayon, mayroon na silang mga sangay sa mall kung saan mabibili ang iba’t ibang produkto ng Oryspa. Ilan din sa mga produkto ay ibinebenta na sa ibang bansa.

Kaya, mga Kanegosyo, tingin-tingin lang sa paligid kapag may time! Baka nasa basura rin ang suwerte ninyo!

First Published on Abante Online

Scroll to top