BIDA KA!: Agham, teknolohiya at edukasyon para sa pag-unlad ng pamilyang Pilipino

Mga Bida, sobrang tuwa ko nang ako’y italaga bilang chairman ng Committee on Science and Technology at Committee on Education sa Senado ­ngayong 17th Congress.

Nakita ko ang napakara­ming posibilidad sa larangan ng agham, teknolohiya at edukasyon upang mapaunlad ang ating ­bayan at mapabuti ang ­buhay ng pamilyang Pilipino.

Bagaman tinanggal na tayo sa komite ng edukasyon, natutuwa tayo na naipasa natin sa ­Senado at pirma na lang ng Presidente ang hinihintay para maisabatas ang Universal Access to Quality­ Tertiary Act na magbibigay ng libreng edukasyon sa mga mag-aaral ng State Universities and Colleges, Local Universities and Colleges at mga Tech-Voc Institutions ng TESDA.

Dahil isang kumite na lang ang naiwan sa atin, todo ang pagtutok at trabaho natin para sa larangan ng agham at teknolohiya sa bansa. Nitong mga nagdaang araw, puno ng aktibidad ang Committee on Science and Technology.

***

Noong Martes, nagsagawa tayo ng pagdinig ukol sa epekto ng tinatawag na Artificial Intelligence (AI) sa mga trabaho sa bansa, lalo na sa business process outsourcing o tinatawag na call centers.

Nagbigay din tayo ng sponsorship speech para sa ating ­panukala na nagbibigay ng karampatang suporta sa tinatawag na innovative start-up businesses o mga papasimulang negosyong na may kinalaman sa makabagong teknolohiya na naka­tutulong para mapagaaan ang buhay ng mga Pilipino.

Kinabukasan, nagbigay din tayo ng sponsorship speech ­para sa Balik-Scientist Act at Magna Carta for Science and Technology Workers.

***

Nagsagawa tayo ng hearing ukol sa AI matapos tayong makatanggap ng balita na lubhang maaapektuhan nito ang mga trabaho sa bansa, lalo na ang call center industry kung saan ­humigit-kumulang 1.2 milyong Pilipino ang nagtatrabaho.

Dahil sa AI, ang ibang trabaho sa call center industry ay maaari nang palitan ng computer na may kaalaman at kakayahan din tulad ng karaniwang tao.

Ayon sa isang resource person, tinatayang maaapektuhan ang 60 porsiyento ng mga trabaho sa nasabing industriya kapag itinodo na ng ilang kumpanya ang pagpapatupad ng AI sa kanilang sistema.

Batay naman sa numero ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines (ITBPAP), nasa 40,000 ang bilang ng maaapektuhang trabaho dahil sa AI.

Napag-alaman din sa hearing na hindi lang negatibong epek-to ang hatid ng AI kundi may positibong bagay din itong ­hatid, lalo pagdating sa paglikha ng bagong trabaho para sa mas maraming Pilipino.

Ayon sa mga resource persons, nasa 250,000 hanggang 300,000 bagong trabaho ang malilikha dahil sa AI, basta’t maiangat lang ang kakayahan ng mga manggagawang Pilipino­ upang maging akma para sa tinatawag na mid-level at high-­level jobs, tulad ng data analyst at data programming.

***

Mahalaga ang papel na gagampanan ng mga paaralan at ­educational institutions sa bansa upang matiyak na aangat ang kakayahan ng mga manggagawa sa nasabing sektor.

Dapat nilang tingnan at tiyakin na ang kanilang mga itinuturo ay siyang kailangan ng mga manggagawang naghahanapbuhay sa nasabing sektor.

Sa pamamagitan nito, maaaring mawalan ng trabaho ang ibang bansa dahil sa AI ay mapupunta pa sa Pilipinas kung madadagdagan ang bilang ng ating mid-level at high-level workers.

Mangyayari lang ito kung magkakaroon ng sapat at akmang kaalaman at kakayanin ang ating mga manggagawa.

***

Kaya ngayon pa lang, hinikayat na natin ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor na magtulungan para mapaghandaan na ang problemang ito nang mas maaga.

Importante ang papel ng Department of Education (DepEd), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Commission on Higher Education (CHED) upang mailatag ang mga kailangang hakbang upang matiyak na hindi tayo tatamaan ng negatibong epekto ng AI sa mga susunod na taon.

***

Malaki ang oportu­nidad na idinudulot ng teknolohiya sa mga Pilipino, hindi lang sa paggawa ng bagong trabaho ngunit pati sa pagbibigay ng solusyon sa mga problema ng bayan sa larangan ng agrikultura, kalusugan, serbisyong kalusugan at kahirapan.

Ngunit upang masunggaban ang mga oportunidad na ito at upang umasenso ang bawat pamil­yang Pilipino, importante ang training at de-kalidad na edukasyon.

Scroll to top