BIDA KA!: Alaala ng Bagyong Yolanda

Aabot naman sa halos P100 bil­yon ang halaga ng ari-ariang sinira ni ‘Yolanda’, kabilang na ang mga mahalagang imprastruktura at kabuhayan ng libu-libong katao.

Nag-iwan man ng malaking pinsala ang Yolanda, hindi nito nagiba ang tapang, pag-asa at pananalig sa Diyos ng mga Pilipino.

Katunayan, sampung araw lang pagkatapos ng hagupit ni Yolanda, nagsagawa agad ang daan-daang residente ng Tolosa, Leyte ng isang prusisyon.

Bitbit ang iba’t ibang imahen ng Sto. Niño, nagpakita ang mga residente ng matibay na pananampalataya at bagong pag-asa sa harap ng matinding pagsubok na kanilang nararanasan.

Kinilala ang larawang ito ng Time Magazine bilang isa sa pinakamagandang kuha noong nakaraang taon at nagwagi rin ito bilang ‘photo of the year’ sa iba’t ibang kumpetisyon.

Ngunit higit pa rito, ang larawang iyon ay tumatak at nagsilbing magandang inspirasyon sa mga Pilipino para magtulung-tulong at muling tumayo.

***

Sa paghagupit ng bagyong Yolanda, muling umusbong ang diwa ng pagtutulungan at bayanihan na likas sa ating mga Pili­pino.

Maliban sa pamahalaan, kabi-kabilang korporasyon at non-government organization ang nagpaabot ng tulong upang maibalik sa normal ang kalagayan ng mga nasalanta ng Yolanda.

Halimbawa na rito ang Project Bagong Araw, sa pamumuno ng programang Hapinoy, na aking itinayo ilang taon na ang nakalipas.

Dalawa sa mga natulungan ng programang ito ay sina Aling Weni ng Palo, Leyte at Aling Rena ng Tacloban, na parehong nawalan ng kabuhayan sa pagtama ng bagyo.

Noong una, parang pinagsakluban ng langit at lupa ang dalawa. Nag-aalala kung paano bubuhayin ang kani-kanilang pamilya ngayong nawala na ang kanilang pagkukunan ng ikabubuhay.

Sa tulong ng Project Bagong Araw, nabigyan ng pagkakataon sina Aling Weni at Aling Rena na maitayo ang kani-kanilang kabuhayan.

Maliban sa puhunan, nagkaroon pa sila ng dagdag na kaa­la­man sa tamang pagpapatakbo ng negosyo na kanilang nagamit para mapalago ang kanilang mga tindahan.

Sa kasalukuyan, nabayaran na ni Aling Weni ang lahat ng kanyang utang at ngayo’y nagsisimula na ng e-loading business. Gamit ang kanyang natutunan, si Aling Rena naman ay unti-unti nang nakakapag-ipon para sa planong Internet café.

Sina Aling Weni at Aling Rena ay dalawa lang sa magandang halimbawa ng pagiging matatag sa harap ng matinding pagsubok. Napatunayan lang na kaya ng sinuman na makatayo sa sariling paa sa pamamagitan ng tamang suporta at pagkakataon.

***

Matinding pagsubok man ang tumama sa bansa, hindi pa rin nagiba ang mala-pader na dibdib ng mga Pilipino.

Sa katunayan, humanga ang maraming dayuhan at international organization sa katatagan ng mga nasalanta ng Yolanda.

‘Ika nga ni CNN reporter Anderson Cooper: “Can you imagine the strength it takes living in a shack, to be sleeping on the streets next to the body of your dead children? Can you imagine that strength? I can’t. And I’ve seen that strength day in and day out here in the Philippines.”

Marami pang kailangang gawin para maibalik sa normal ang buhay sa mga lugar na binayo ni Yolanda.

Kailangang magtulungan at magsama-sama ang lahat ng mga sektor – pambansa at lokal na mga pamahalaan, mga negos­yante, mga simbahan at mga socio-civic organizations – upang mas mapabilis pa ang rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan.

Ang pag-asa na mangyayari ang mga ito ay maaaninag natin sa puso ng mga Pilipinong nasalanta na patuloy sa paglaban at pagkayod para sa kanilang mga pamilya.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top