Taos-puso akong nagpapasalamat sa pamunuan ng Abante sa pagbibigay-daan na mailathala ang aking mga opinyon at pananaw sa mga mahalagang isyu ng ating bayan.
Nagpapasalamat din ako kina Fitzgerald Cecilio at Nicco Atos na kasama ko linggu-linggo sa pagtatalakay ng mga isyu at paksa para sa kolum na ito.
Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa inyo, mga Bida, sa inyong pag-aabang at pagsubaybay sa ating kolum sa nakalipas na isang taon.
Sana’y ipagpatuloy ninyo ang walang sawang pagtangkilik sa ating kolum sa mga susunod pang taon, dahil dito, kayo ang Bida!
***
Isa pang patunay na napakabilis ng panahon ay ang katatapos na pagdiriwang ng ika-29 na anibersaryo ng EDSA People Power revolution.
Halos tatlong dekada mula nang ito’y mangyari ngunit buhay na buhay pa rin ito sa aking alaala.
Siyam na taong gulang lang ako nang mangyari ang tinaguriang “bloodless revolution” ngunit hanggang ngayon, damang-dama ko pa ang nagkakaisang pagkilos ng dalawang milyong Pilipino para mapatalsik ang diktadurya.
Tandang-tanda ko pa pati ang pagkain ng ice buko at pakikipagsalu-salo sa pagkain kasama ang iba pang mga nagra-rally sa apat na araw naming pamamalagi sa kanto ng Annapolis at EDSA.
Hindi natin namalayan na dalawampu’t siyam na taon na pala ang nakalipas mula nang mangyari ang People Power. Malayung-malayo na tayo ngayon sa dekada otsenta.
Ang postcard ay napalitan na ng photo at video messaging at karaniwan na lang ang cellular phone. Ang pagsali sa mga rally ay napalitan na ng pagpirma sa online petitions at madalas na tayong naglalagay ng hashtags (#) kung may isinusulong na kapakanan o adbokasiya.
***
Kasabay ng mga pagbabagong ito, nag-iba na rin ang paraan ng pagpapahayag sa People Power. Ito’y dahil nakakita ang mga Pilipino ng iba’t ibang paraan para magsama-samang tumulong na itayo at palakasin ang ating bansa.
Naaalala ninyo pa ba ang matinding pagbaha nang tumama ang bagyong Ondoy sa Mega Manila? O di kaya ang mas sariwang lungkot na naranasan ng Pilipinas noong tumama ang bagyong Yolanda sa Eastern Visayas?
Sa mga nasabing delubyo, maraming nawalan ng tahanan at kagamitan. Maraming nawalan ng bahay at buhay.
Subalit kakaibang People Power ang ipinakita ng taumbayan para agad makapaghatid ng tulong. Napuno ng donasyon at umapaw sa volunteers ang mga unibersidad, mga basketball court at iba’t ibang mga headquarters.
Ngayon, tuwing may lindol, bagyo, storm surge o anumang trahedya, lumalabas ang diwa ng bayanihan ng bawat isa.
Sa programa nitong Milk Matters, layon ng Phi Lambda Delta Sorority na tiyakin ang ligtas at tuluy-tuloy na supply ng breastmilk para sa high-risk neonates of the UP-Philippine General Hospital Neonatal Intensive Care Unit (PGH-NICU).
Hangad din ng grupo na hikayatin ang mga nanay na gumamit ng breastmilk para sa kanilang sanggol at pagtatatag ng community-based milk banks sa local government units.
Maituturing din na People Power ang pagsusulong ng Kanlungan Pilipinas Movement Inc. ng Balay Kanlungan ng Karunungan, isang nipa hut na naglalaman ng Android-based mini personal computer na may e-books, educational games at videos, and a 16-inch light-emitting diode o LED television – na pawang pinatatakbo ng solar power system.
Layon nito na magbigay ng impormasyon at learning sa malalayong komunidad sa pamamagitan ng paglalagay ng E-Learning Centers kung saan maaaring bumisita at makakuha ng educational materials ng libre.
Sinolusyunan naman ng Katipunan ng mga Kabataang Santiagueño ang lumalalang problema sa basura ng Santiago City sa Isabela sa pamamagitan ng paggawa ng bio-organic fertilizer.
Isa sa mga proyekto ng grupo ay ang paggawa ng charcoal briquettes mula sa dahon, sanga at iba pang basura mula sa halaman na kanila ring ibinebenta para makadagdag sa pondo.
Ang huling tatlong youth groups na ito ay mga nanalo sa Ten Accomplished Youth Organization Awards ngayong taon. Nasa ikalabindalawang taon, nais ng TAYO Awards na kilalanin ang mga kabataang gumagawa ng makabuluhang mga proyekto’t programa sa kanilang mga komunidad.
Ito na ang bagong mukha ng People Power – nagkakapit-bisig ang iba’t ibang sektor ng lipunan para makatulong sa kapwa at bumuo ng mas matibay at maunlad na bansa.
Hanggang may mga Pilipinong nagsasama-sama upang isulong ang kapakanan ng mga komunidad sa Pilipinas, mananatiling buhay ang diwa ng People Power sa bawat isa sa atin!
First Published on Abante Online
Recent Comments