BIDA KA!: Basbas mula sa Santo Papa

Mga Bida, makalipas ang ilang taong paghihintay, natuloy din ang matagal nang plano naming mag-asawa na bumisita sa Italy dalawang­ linggo na ang nakalipas.

Doon, marami kaming nakita at nakilalang mga kababayan, kabilang si Alex na nakasama namin sa hotel na dalawampu’t apat na taon na sa Italy.

Sa aming pag-uusap, naikuwento sa akin ni Alex ang kanyang buhay sa Italy, pati na ang mga importanteng tao na naging panauhin ng hotel.

Nakilala naman ng aking misis ang isa nating kababayan na si Rochelle, na nagtatrabaho sa simbahan sa Italy. Natuwa naman ako at nabanggit niya na parati niya akong isinasama sa kanilang dasal.

Sa huling araw namin sa Italy, nagpadala pa siya ng mga babasahin mga pamphlet tungkol sa kanilang Catholic ­community at sa mga nagsimula nito.

***

Siyempre, ang pinakatampok na pangyayari sa aming pagbisita sa Roma ang pagbisita namin sa Vatican para makita si Pope Francis.

Maaga pa lang ay nakapila na kami kung saan nakatabi ­namin ang ilan nating mga kababayan galing sa Bacolod, ­Estados Unidos at Naga at iba pang mga lahi, gaya ng Kastila, Australyano, Pranses, at Aleman.

Dahil sa dami ng mga bansang kasapi sa audience na iyon, talagang masasabing worldwide ang appeal ni Papa Kiko.

Bihira ang ganitong pagkakataon na nagbibigay ng mensahe ang Santo Papa na inihahatid sa pitong iba’t ibang wika upang maintindihan ng mga dumalaw.

***

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Santo Papa na sa panahon natin ngayon, kailangan kang makipagsapalaran at makipag­laban para sa iyong pananampalataya.

Pinayuhan pa ng Santo Papa ang mga nakikinig na huwag mag-aalala sa kabila ng mga pagsubok at batikos dahil mana­naig ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng bagay.

Tinamaan ako sa mensaheng iyon ng Santo Papa, lalo pa ngayong miyembro tayo ng oposisyon.

Sa kabila ng mara­ming batikos, maraming puna at kabi-kabilang paghihirap at mga kritiko, ang mahalaga, dapat nating panindigan ang ating paniniwala at ipaglaban ang tama.

***

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nag-ikot ang Santo Papa upang basbasan ang mga dumalo. Tiniis namin ang init ng araw sa paghihintay sa kanyang pagdaan sa aming puwesto.

Nang dumating na ang pinakahihintay naming sandali, agad kong kinamayan ang Santo Papa, hinalikan ang kanyang kamay sabay sabi ng “Holy Father, I’m a senator from the Philippines, please pray for my country”.

Natuwa naman ang Santo Papa sa aking sinabi at sinagot ako ng isang matamis na ngiti. Pagkatapos, binasbasan ­kaming mag-asawa ng Santo Papa.

Pakiramdam naming mag-asawa, kami na ang pinakamasuwerteng tao sa mundo dahil nabigyan kami ng pagkakataong makadaupang-palad at mabigyan ng basbas ng Santo Papa.

Higit sa lahat, napakapalad naming mabigyan ng pagkakataon upang hilingin sa Santo Papa na ipagdasal ang ating pinakamamahal na Pilipinas.

Scroll to top