Mga Bida, noong nakaraang linggo, natupad na ang sinasabi nilang imposibleng mangyari – ito ay ang pagsasabatas ng libreng edukasyon sa kolehiyo na matagal nang inaasam ng maraming Pilipino.
Pinirmahan ni Pangulong Duterte bilang batas ang Universal Access to Quality Tertiary Act o kilala na ngayon bilang Republic Act 10931.
Lubos tayong nagpapasalamat sa Pangulo sa pagpirma niya sa napakahalagang panukalang ito bilang batas.
Sa batas na ito, libre na ang pag-aaral sa state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs) at vocational schools sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Bukod pa rito, sagot na rin ng pamahalaan ang miscellaneous at iba pang bayarin, maliban pa sa scholarship grants at loan program para sa mga estudyante.
Ito na po ang ating ika-19 na batas sa apat na taon ko bilang senador.
Ngunit hindi ito maituturing na personal na tagumpay lang kundi ito’y tagumpay ng milyun-milyong Pilipino na siyang tunay na bida ng libreng edukasyon.
***
Mga Bida, madaling mapako sa istatistika at numero, tulad ng 1.6 milyong estudyante ng mga SUCs, at kaligtaang alamin ang mga kuwento ng mga makikinabang sa mga batas na aming tinatrabaho.
Kaya sa pagbisita sa state universities and colleges sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang dating chairman ng Committee on Education, inaalam namin ang mga talambuhay ng mga estudyanteng matagal nang nag-aasam ng libreng kolehiyo.
Kabilang na rito si Janice, 1st year college student sa Pangasinan State University. Umaasa lang si Janice sa kanyang ate para sa allowance habang tinutulungan naman siya ng mga guro sa iba pang gastusin tulad ng libro at tuition fee.
Dahil isang Person with Disability o PWD si Janice, kinakailangan pa niyang mag-tricycle mula main gate hanggang classroom.
Sa kabila ng kanyang kalagayan, hindi pa rin nagpapaawat si Janice sa pangarap na maging kauna-unahang miyembro ng kanyang pamilya na nakapagtapos ng kolehiyo. Nais niyang magtrabaho sa pamahalaan kapag nakatapos ng kolehiyo.
Nakikitira naman si Rowee sa kanyang tiyahin sa Tacloban para makapag-aral sa Eastern Visayas State University.
Bilang pantustos sa pag-aaral, maraming raket na pinasok si Rowee, tulad ng pagiging emcee, stand-up comedian at minsan ay nagfo-footspa pa siya para may pagkakitaan.
Si Manuel naman ay 2nd year student sa Pangasinan State University. Bata pa lang silang magkakapatid nang iwan ng ama.
Dahil sa hirap, pinaampon ng kanyang ina ang dalawa niyang kapatid at kumayod upang buhayin ang mga natirang anak.
Upang makatulong sa gastos, si Manuel ay may maliit na pasa-load business at online business habang nag-aaral ng BS Education.
Tatlo lang sila sa milyun-milyong Pilipino na mababago ang buhay dahil sa pagsasabatas ng libreng edukasyon.
***
Ngunit hindi pa rito natatapos ang laban para sa aming mga mambabatas. Naririyan pa ang hamon na mapondohan ang batas upang epektibo itong maipatupad at matugunan ang pangangailangan.
Sa pagtaya, nasa P25 bilyon ang kailangan upang ito’y buong mapondohan.
Gaya ng aming sama-samang pagkilos upang ito’y maipasa, natitiyak ko na magkakaisa ring kikilos ang mga mambabatas upang ito’y mapondohan sa mga darating na taunang budget ng pamahalaan at masigurong makikinabang sa libreng edukasyon sina Janice, Rowee, Manuel, at ang iba pang mga estudyanteng Pilipino, ang ating bida sa batas na ito.
Recent Comments