Mga bida, panibagong drama na naman ang natunghayan ng sambayanang Pilipino noong Huwebes sa pagbubukas ng pagdinig ukol sa “tokhang for ransom” kung saan ang biktima ay isang negosyanteng South Korean.
Kalunus-lunos ang sinapit ni Jee Ick Joo sa mga kamay ng dumukot sa kanya noong Oktubre ng nakaraang taon.
Matapos patayin sa sakal sa loob mismo ng Camp Crame, ang headquarters ng Philippine National Police, dinala sa isang punerarya sa Caloocan ang kanyang mga labi at pina-cremate. Ang kanyang mga abo ay itinapon sa isang inidoro.
Ang masakit pa nito, humingi pa ang mga suspect ng limang milyong piso sa asawa ng negosyante para sa kanyang kalayaan.
Nang lumapit sa media si Choi Kyung-jin upang humingi ng tulong sa pagkawala ng asawa, ilang pangalan ang lumutang — sina SPO3 Ricky Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas at Supt. Rafael Dumlao.
***
Noong Huwebes, nagharap sina Sta. Isabel at Dumlao sa imbestigasyon ng committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson.
Tulad nang inaasahan, nagpalitan lang ng akusasyon at nagturuan lang itong sina Sta. Isabel at Dumlao.
Ayon kay Sta. Isabel, si Dumlao ang mastermind at siyang pumatay sa negosyanteng South Korean. Katwiran pa niya, nasa ibang lugar siya nang mangyari ang pagdukot kay Joo at pineke lang ang plaka ng kanyang sasakyan na sinasabing ginamit sa operasyon.
Pagtatanggol naman ni Dumlao, si Sta. Isabel ang may gawa ng lahat at idinawit lang siya sa krimen.
Si SPO4 Villegas naman, itinuro si Sta. Isabel na siyang pumatay sa Koreano sa pamamagitan ng pagsakal.
***
Sa harap ng palitan ng akusasyon, isa lang ang napatunayan sa kasong ito. Mayroong mga pulis na nagsasamantala sa giyera ng pamahalaan kontra ilegal na droga para sa pansariling pakinabang.
Kahit ano pa ang gawing turuan at pagtanggi nina Sta. Isabel at Dumlao, hindi maitatanggi na ang nangyaring pagpatay sa Koreano ay isang pagsasamantala ng ilang tiwaling pulis sa kampanya laban sa droga.
Sa ulat, may 11 iba pang kahalintulad na kaso ang nangyari sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo na sa Angeles City at Bulacan, kung saan ang mga biktima ay pawang mga dayuhan.
Lalo pang nabigyang diin ang pag-abuso ng mga pulis sa ipinakitang video ni Sen. Ping kung saan makikita ang ilang nakasibilyan na nagtatanim ng shabu sa isang tanggapan bago ito pinasok ng mga pulis.
***
Nang mabigyan tayo ng pagkakataong makapagtanong, pinayuhan natin si PNP Chief Ronald Dela Rosa na kasabay ng pinaigting na laban kontra droga, dapat ding bigyang pansin ang paglilinis sa hanay ng kapulisan.
Maliban sa ito’y nakababahala, ang mga ulat ng pag-abuso ng kapulisan ay nakakahina sa pundasyong itinayo ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Hindi rin sapat ang pagsibak sa posisyon. Dapat tiyakin ng PNP na maaalis sa serbisyo at masasampahan ng kaukulang kasong kriminal ang mga mapatutunayang sabit sa nasabing krimen.
Sa ganitong paraan, magdadalawang-isip ang mga masasamang damo sa PNP na gumawa ng ilegal habang makatutulong ito para muling magtiwala ang taumbayan sa ating kapulisan.
***
Kaya naman isa tayo sa mga natuwa nang ihayag ni PNP Chief Dela Rosa na pansamantalang ititigil ng organisasyon ang giyera kontra droga at tututok muna sa paglilinis sa kanilang hanay.
Naniniwala tayo na sa pamamagitan nito, mawawala na ang mga masasamang elemento sa PNP na nagsasamantala sa giyera kontra droga at muling babalik ang tiwala ng taumbayan sa ating mga alagad ng batas.
Recent Comments