BIDA KA!: Business Virgin

Mga Bida, hayaan ninyong simulan ko ang ating talakayan sa isang mahalagang isyu ng lipunan sa kuwentuhan ng dalawang negosyante na nabasa ko sa isang social media site.

Sabi ng isang banyagang negosyante: “It’s difficult to do business here in the Philippines”.

“Why?” sagot ng kanyang kausap na isang negosyanteng Pinoy.

“Every move and everyone have a FEE. There’s a Mayor’s FEE, a Governor’s FEE, a Congressman’s FEE, and a BIR FEE. You have to change your system,” gigil na sagot ng dayuhang negosyante.

“Maybe you can call your nation FEE-lippines and call yourselves FEE-lipinos,” dagdag pa ng dayuhan.

Imbes na mainis, naisip ng negosyanteng Pinoy na FEE-kon ang talo!

***

Nakakainis mang pakinggan, ang sinabi ng dayuhang negosyante ang umiiral na katotohanan sa sistema ng pagnenegosyo sa bansa.

Imbes na padaliin ang proseso, kailangan pang dumaan sa butas ng karayom para lang makapagpatayo ng maliit na negosyo, mula sa pagpaparehistro hanggang sa pagsisimula ng operasyon.

Maraming oras na nga ang kakainin, dagdag-gastos pa para sa negosyante ang pagkuha ng iba’t ibang permit at mga dokumento.

Hindi pa kasama rito ang tinatawag na ‘padulas’ sa mga tiwaling tauhan ng pamahalaan para mapadali ang paglalabas ng papeles na kailangan para masimulan ang operasyon.

Isa sa ating mga isinusulong na adbokasiya ay ang ease of doing business, na layong pagaanin ang proseso ng pagpaparehistro, sa pamamagitan ng Go Negosyo Act.

Sa Go Negosyo Act, ilalagay na lang sa isang lugar ang pagpoproseso ng mga kailangang dokumento. Mas madali na, mas matipid pa sa oras at pera.

***

Maliban pa rito, naghain din ako ng panukala para matulungan ang tinatawag na start-up business o “business virgin”.

Sa aking Senate Bill 2217 o ang Start-Up Business Bill, hindi pagbabayarin ng buwis ang mga bagong tatag na negosyo ng buwis sa unang dalawang taon ng operasyon.

Sa paraang ito, mabibigyan natin ang mga bagong tatag na negosyo ng sapat na panahon para makatayo sa sariling paa at gumawa ng sariling pangalan sa merkado.

Sa ilalim ng panukala, hindi muna bubuwisan ang kanilang operasyon sa loob ng dalawang taon, basta’t ang mga nasabing negosyo ay walang kaugnayan sa anumang kasaluku­yang kumpanya.

Kapag sole proprietorship naman, ang mga bagong negosyo ay dapat walang iba pang kumpanyang nakarehistro.

Ang panukalang ito ay para sa mga totoong mga start-up para ‘di maabuso ang probisyon at talagang masuportahan ang mga unang beses na magnenegosyo.

At naniniwala ako na kapag naisabatas ito, mas darami ang mga bagong negosyo sa bansa na magreresulta sa dagdag na trabaho.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top