Mga Bida, kilala ang Internal Revenue Service (IRS) ng Estados Unidos na walang sinasanto pagdating sa singilan ng buwis.
Para sa impormasyon ng lahat ng mambabasa, ang IRS ay katumbas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dito sa atin.
Sa pagtupad sa tungkulin ng IRS, wala itong sinasanto. Kahit malaking pangalan ka pa sa Estados Unidos, basta hindi ka nagbayad ng buwis, tiyak na malalagot ka sa IRS.
***
Kaya sobrang takot ang naramdaman ng kaibigan kong nag-working student sa Estados Unidos noong dekada otsenta nang makatanggap siya ng sulat mula sa IRS.
Nakalagay sa sulat na bibisitahin siya ng isang ahente ng IRS sa tinitirhan niyang bahay para sa isang interview.
Nag-isip tuloy ang aking kaibigan kung ano ba ang mga hindi niya nabayarang buwis. Muli niyang binalikan ang kanyang mga isinumiteng form sa IRS kung tama ba ang kuwenta ng kanyang binayaran.
Wala mang nakitang problema sa kanyang binayaran, hindi pa rin mawala sa aking kaibigan ang pagkabalisa hanggang sa dumating ang takdang araw ng pagdalaw ng ahente ng IRS.
Nagsuot pa ng coat at tie ang kaibigan ko nang pagbuksan niya ng pinto ang IRS agent. Napakaseryoso at napakahigpit ng itsura nito, parang istriktong teacher na hindi man lang mangiti.
Muntik nang malaglag sa upuan ang kaibigan ko nang sabihin ng IRS agent na, “as a single man, you’re paying too much taxes.”
Nagulat ang kaibigan ko sa narinig. Hindi niya inaasahan na ang napakahigpit na ahensiya ng pamahalaan gaya ng IRS ay mayroon palang puso sa gaya niyang nagbayad ng sobrang buwis.
Ipinaliwanag ng IRS agent sa kaibigan ko ang tamang proseso upang maitama ang sobra niyang binabayarang buwis. Nang matapos ang kanilang pag-uusap, halos 25 porsiyento ang ibinaba ng tax na kanyang babayaran.
Kaya tinapos niya ang aming kuwentuhan sa tanong na, “kailan kaya ‘yon mangyayari dito sa atin?”
***
Alam nating mahalaga ang buwis dahil dito nagmumula ang ginagastos ng pamahalaan sa paghahatid nito ng serbisyo sa publiko.
Ito ang dahilan kung bakit seryoso ang BIR sa tungkulin nito na tiyaking tama ang binabayarang buwis ng mamamayan at mga negosyante sa bansa.
Subalit sa pagtupad ng tungkulin ng BIR, nakakalimutan nito na lubhang naaapektuhan sa mataas na buwis ang mga mamamayan.
Dagdag pa rito, napakakumplikado ng mga patakaran natin sa pagbabayad ng buwis. Sabi nga ng ibang negosyante, “para gumawa ng tama dito sa atin, kailangan pang kumuha ng CPA at abogado”.
***
Naghain ako ng panukala na layong pababain ang buwis na binabayaran ng karaniwang Pilipino.
Ang umiiral na tax bracket ngayon ay batay sa National Internal Revenue Code, na naipasa noon pang 1997 o halos dalawampung taon na ang nakalipas.
Napag-iwanan na ng panahon ang nasabing batas kaya dapat lang na maiakma o maibagay ito sa kasalukuyang antas ng kinikita ng mga Pilipino.
Layon ng aking panukala na i-adjust ang tax bracket ng net taxable income ng mga mamamayan.
Ibalik natin ang nakalahad sa Saligang Batas na progressive dapat ang taxation – kung mababa ang kinikita mo, dapat maliit din o wala kang tax. At kung malaki naman ang kinikita mo, dapat malaki ang iyong tax.
Sa pamamagitan ng batas na ito, madadagdagan ang take-home pay ng mga karaniwang Pilipino at magkakaroon tayo ng dagdag na panggastos sa ating mga pang-araw-araw na pangangailangan.
First Published on Abante Online
Recent Comments