Mga Bida, isinabatas ang Clean Air Act noong 1999 upang protektahan ang publiko sa panganib ng polusyon.
Nakapaloob sa nasabing batas ang mga hakbang para mapaganda ang kalidad ng hangin, para na rin sa kalusugan ng lahat.
Ngunit labinlimang taon na ang nakalilipas mula nang ito’y ipatupad, wala pa rin tayong nakikitang pagbabago sa kalagayan ng hangin.
Sa halip na gumanda, lumalala pa ang polusyon sa hangin sa bansa, lalo na sa Metro Manila.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship na aking pinamumunuan, nabatid na naglalaro sa 136 micrograms kada normal cubic meter (ug/Ncm) ang polusyon sa hangin sa Metro Manila.
Ayon pa sa kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang nasabing numero ay malayo sa normal na nibel na 90 ug/Ncm.
Subalit laking gulat ko nang sabihin ng DENR na walumpung porsiyento ng pinagmumulan ng polusyon sa hangin ay mga sasakyan.
Naitanong ko tuloy kung ano pa ang silbi ng mga private emission testing center (PETC) na siyang inatasan ng batas upang suriin kung ligtas ang ibinubugang hangin ng mga sasakyan.
Sa tagal nang mayroong mga PETCs, dapat ay mayroon nang magandang pagbabago sa kalagayan ng hangin at nibel ng polusyon sa bansa. Hindi yata tama ito.
***
Ilang buwan na ang nakalipas, mga Bida, naghain ako ng resolusyon upang silipin ang kalagayan ng mga PETCs sa bansa.
Nais nating malaman kung sila ba’y nakasusunod sa kanilang tungkulin o kung epektibo pa ang sistemang ito sa pagsugpo sa polusyon.
Sa Senate Resolution 734 na aking ipinasa, hiniling ko sa kaukulang komite na imbestigahan ang mga ulat na ilang PETCs ang gumagawa ng ilegal na mga gawain.
Kabilang sa mga ilegal na gawain nila ay ang non-appearance scheme o ghost testing ng mga sasakyan kapalit ng mas malaking bayad.
Dahil sa ginagawang kabalbalan ng mga tiwaling PETC, nawawalan tuloy ng saysay ang Clean Air Act. Sa halip na luminis ang hangin, lalo tuloy itong napapasama dahil nakakalabas sa lansangan ang mga sasakyang nagbubuga ng maruming hangin.
***
Sa pagdinig kamakailan, napatotohanan ang mga ulat na ipinaabot sa akin dahil ayon mismo sa Land Transportation Office (LTO), ilang PETCs na ang kanilang pinagmulta at sinuspinde dahil sa ilegal na gawain.
Binanggit mismo ng LTO na ilang emission centers ang nagpapadala ng mga pekeng fake emission result at larawan sa ahensiya para palitawing sumailalim na sa pagsusuri ang isang sasakyan.
Gamit ang makabagong teknolohiya sa photo editing gaya ng Photoshop, pinapalitan ng tiwaling emission centers ang plate number ng mga sasakyan para masabing dumaan na ito sa pagsusuri.
Ang masakit nito, napakagaan lang ng parusang itinatakda ng batas sa mga tiwaling center. Pinagmumulta lang sila ng P30,000 maliban pa sa 30 araw na suspensiyon.
Magaan lang ang parusang ito kung titimbangin ang bigat ng ginagawa nilang kabulastugan. Nilalagay na nila sa alanganin ang kalusugan ng maraming Pilipino, napapasama pa ang ating kalikasan.
Kaya hiniling natin sa LTO na patawan ng mabigat na parusa ang mga corrupt na emission center at sampahan pa ng kasong kriminal gaya ng falsification of public document para sila’y madala.
Kailangan nating itama ang sistemang ito dahil lalo lang mapapariwara ang kalikasan kung hahayaan natin silang mamayagpag.
Sabi nga ng tauhan ng DENR, kung lahat ng sasakyan ay susunod lang sa itinatakdang pamantayan ng Clean Air Act, magiging normal sana ang hangin sa Metro Manila.
Maliban pa rito, malalayo pa ang publiko sa sakit na dulot ng polusyon. Sa ngayon kasi, mga Bida, nangunguna sa sakit na pumapatay sa maraming Pilipino ay may kinalaman sa respiratory system.
First Published on Abante Online
Recent Comments