Mga bida, pito sa sampung Pilipino ang tutol sa muling pagbalik ng Martial Law para labanan ang kriminalidad sa bansa
Ito ang napag-alaman ginawang survey ng Pulse Asia mula Dec. 4 hanggang 11 sa harap ng paulit-ulit na pagbanggit ni Pangulong Duterte ukol sa Martial Law sa mga nakalipas na speech.
Sa nasabing survey, 74 porsiyento ng 1,200 lumahok sa survey ang tutol sa Martial Law, 14 porsiyento ang pabor habang 14 porsiyento naman ang nagsabing maaari silang pumayag o tumutol.
Ngayong nagsalita na ang mga Pilipino, panahon na siguro upang itigil ng Pangulo ang anumang pahapyaw tungkol sa Martial Law dahil hindi ito ang tugon sa mga problemang kinakaharap ng bansa.
Kamakailan, nagsalita ang Pangulo sa isang panayam na hindi siya magdedeklara ng Martial Law ngunit ilang araw ang nakalipas, nagpahapyaw ang Pangulo na dapat tanggalin ang congressional approval sa Saligang Batas sa deklarasyon ng Batas Militar.
Noong Sabado lang, nagpahiwatig din ang Pangulo na walang makapipigil sa kanyang magdeklara ng Martial Law upang labanan ang iligal na droga sa bansa.
***
Sa survey na ito, ipinarinig ng mga Pilipino ang pagbasura sa isang uri ng liderato na masyadong nakakiling sa karahasan o pabor sa martial rule.
Bakit pa tayo babalik at gagamit ng lumang solusyon na alam nating pumalpak, nakasama at lalo pang nakapagpalugmok sa bayan sa kahirapan.
Dapat nang wakasan ang paulit-ulit na pagbanggit sa Martial Law tuwing may problema na parang ito lang ang susi para maresolba ang isyu.
Ipinakikita lang ng survey na naghahanap ang taumbayan ng mga bagong solusyon mula sa pamahalaan para resolbahin ang problema sa droga at terorismo.
***
Isa sa mga pagbabagong dapat tingnan ng pamahalaan at gawing modelo sa laban kontra droga ay ang mga komunidad ng Gawad Kalinga (GK) sa buong bansa.
Kamakailan, nakasama ko ang mga taong nasa likod ng Gawad Kalinga at tumindig ang mga balahibo ko nang malaman ko na siyamnapung porsiyento o 1,800 ng halos 2,000 komunidad ng GK sa buong Pilipinas ay drug free.
Ayon sa aking mga nakausap, mahalaga ang pagkakaroon ng pananagutan ng komunidad sa kanilang mga nasasaklawan. Palaging nagpupulong, nag-uusap at kumikilos ang mga lider kasama ang kani-kanilang mga kapitbahay.
Para sa kanila, napakahalaga ng komunidad kaya hindi sila tumigitil upang ito’y maprotektahan laban sa pagpasok ng iligal na droga.
Kung kaya itong ipatupad ng GK sa kanilang mga komunidad sa kabila ng limitadong pondo at kakayahan, siguro ay kaya ito ng pamahalaan sa tulong ng napakalaking budget at maraming mga tauhan.
Walang karahasan. Walang dugong dumadanak. Walang shortcut. Mga bida, ganito ang solusyon na hinahanap ng taumbayan mula sa pamahalaan.
Recent Comments