BIDA KA!: Go K to 12!

Mga Bida, kasabay ng muling pagbabalik-eskuwela ng milyun-mil­yong kabataang Pinoy, mainit din ang usapin ukol sa K to 12 Basic Education Program na naisabatas noong 2013.

Layon ng batas na ito na maisabay ang Pilipinas sa modernong sistema ng edukasyon sa ginagamit na sistema ng mundo. Bago kasi ang K to 12, tayo na lang ang bansa sa Asya na gumagamit ng 10-year pre-university cycle.

Sa buong mundo, isa tayo sa tatlong bansa  kasama ang Angola at Djibouti – na gumagamit pa ng 10-year basic education system.

Sa programang ito, magkakaroon ng dagdag na Grades 11 at 12 na magbibigay ng sapat na kaalaman sa mga estudyante kung nais na nilang magtrabaho agad o ‘di kaya’y magtayo ng sari­ling negosyo.

***

Subalit malaking hamon ang kinakaharap ng programa dahil ilang sektor ang kumukuwestiyon sa kahandaan ng pamahalaan na ipatupad ito.

Bago naging batas, masusing pinag-aralan ang K to 12 Education Program ng mga pribado at pampublikong sektor, batay na rin sa pagsasaliksik at karanasan sa edukasyon.

Kaya hindi na kailangang pagdebatehan ang kahalagahan ng K to 12 sa kaunlaran ng edukasyon sa Pilipinas at sa paghubog ng mas magaling at mas handang mga mag-aaral sa kinabukasan.

Mga Bida, ang mas nararapat na tanong ay kung kaya ba na­ting maipatupad ang repormang ito sa buong bansa.

***

Mga Bida, kung pag-uusapan natin ang mga naabot ng DepEd sa nakalipas na limang taon, masasabing marami na ang kanilang nagawa sa pagpaangat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.

Noong 2010, may backlog na 66,000 classrooms ang bansa. Sa nakalipas na limang taon, nakapagpatayo ang DepEd ng 142,149 na silid-aralan.

Sa limang taon ding iyon, kumuha ang DepEd ng 167,121 guro dahil na rin sa lumalaking populasyon ng mga mag-aaral.

Kung pondo naman ang pag-uusapan, itinaas ng Senado ang budget ng DepEd sa P364.66 bilyon ngayong taon, na mahigit doble sa pondo ng ahensiya noong 2010 na P174 bilyon.

Sa mga datos na ito, marami nang nagawa ang DepEd at malaki na ang ikinaganda ng edukasyon sa bansa sa nakalipas na limang taon.
Mga Bida, makikita ang kakayahan ng DepEd at ng iba pang stakeholders na ilatag ang kailangang paghahanda at pagpapaganda upang maipatupad nang husto ang programa.

Aminado tayong marami pang dapat ayusin sa pagpapatupad ng K-12 system, kabilang ang pagkuha ng mga bagong guro at mga tauhan sa iba’t ibang posisyon, training sa transition, paglalathala ng mga libro at pagdaragdag pa ng mga imprastruktura.

Sa kabila ng mga hamong ito, mayroon pa tayong isang taon bago ang tuluyang pagpapatupad ng K-12 Program.

May isang taon pa upang makahanap ng mga solusyon sa mga nakaambang isyu at para matugunan ang mga pangamba ng ating publiko sa bagong programa.

Ang mahalaga rito, huwag tayong mag-iwanan at huwag bumitiw habang papalapit na tayo sa buong katuparan ng programang K to 12.

Ituloy natin ang pag-aalalay, paghahanda, at pagbibigay suporta sa DepEd, sa ating mga paaralan at mga guro.
Ngunit ang pinakamahalaga, ito’y para sa mas magandang kinabukasan ng ating kabataang Pinoy at ng buong bansa!

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top