BIDA KA!: Ikalawang SONA

Mga Bida, narinig natin noong Lunes ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangu­long Duterte sa joint session ng Kongreso.

Sa dami ng tinalakay ng Pangulo, may mga bagay tayong nagustuhan at may mga nabanggit ang Pa­ngulo na ating hindi sinang-ayunan.

***

Ilan sa mga nagustuhan natin ay ang pangako ng Pangulo na tututukan ang kapakanan ng mga sundalo na nagbubuwis ng buhay upang mapanatiling ligtas ang ating bansa laban sa anumang banta.

Sa talumpati ng Pangulo, nangako siyang maglalaan ng pondo para sa kapakanan ng mga sundalo.

Nangako rin ang Pangulo na pagagandahin ang serbisyo ng mga ospital ng pamahalaan para sa mga sundalo.

Nagustuhan natin ang pangako ng Pangulo na dadagdagan ang assistance fund ng overseas Filipino workers (OFWs) mula P400 milyon patungong isang bilyong piso para maprotektahan ang kanilang karapatan habang naghahanapbuhay para sa kapakanan ng kanilang mahal sa buhay.

Pabor tayo sa binanggit ng Pangulo na bagong panuntunan pagdating sa pagmimina sa bansa, tulad ng mas mataas na buwis sa mining companies para sa kapakinabangan ng mga ­komunidad na naaapektuhan ng pinsalang dulot ng kanilang negosyo.

Suportado rin natin ang planong pagbabago sa mahigpit na sistema ng procurement sa pamahalaan na nakakahadlang sa mabilis na paglalatag ng mga mahalagang proyekto para sa ­taumbayan.

Muli ring iginiit ng Pangulo ang kautusan niyang bilisan at pagandahin ang serbisyong ibinibigay ng mga tanggapan ng pamahalaan sa taumbayan na nakikipagtransaksiyon sa kanila.

***

Hindi naman tayo sumang-ayon sa ilang isyung binanggit ng Pangulo, tulad ng death penalty, na mariing tinututulan hindi lang ng mga miyembro ng minorya, kundi pati ilang ­miyembro ng mayorya sa Senado.

Hindi rin tayo pabor sa kahilingan ng Pangulo na aprubahan ng Senado nang walang anumang pagbabago ang tax ­reform package na inaprubahan ng Kamara dahil tataas ang presyo ng bilihin kapag ito’y ipinatupad.

Hindi ito maaari dahil utang namin sa taumbayan na busisiin ang nilalaman nito at baguhin o alisin ang mga probisyong makakaapekto sa taumbayan.

Tutol din tayo sa tila pagbalewala ng Pangulo sa kahalagahan ng karapatang pantao sa harap ng pinaigting na laban ­kontra ilegal na droga at Martial Law sa Mindanao.

***

Ngunit mas magandang pag-usapan ang mga bagay na hindi nabanggit ng Pangulo sa kanyang mahigit dalawang oras na talumpati.

Ito ay ang libreng edukasyon sa kolehiyo na inaasahan kong magiging tampok sa SONA ng Pangulo.

Nakakapanghinayang dahil sa SONA ang pinakamagandang pagkakataon kung saan magandang ibalita sa taumbayan na ito’y naisabatas na.

Hindi man niya ito nabanggit sa SONA, tiwala ako na ito’y pipirmahan ng Pangulo sa mga susunod na araw dahil magbibigay ito ng pagkakataon sa mas maraming Pilipino na makatapos ng kolehiyo at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Wala ring nabanggit ang Pangulo na malinaw na plano at direksiyon para sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.

Tahimik din ang Pangulo ukol sa mga hakbang para sa pag­likha ng mga bagong trabaho para sa ating mga kababayan.

Ito ang mga bagay na ating inabangan sa SONA ng ­Pangulo. Hindi man niya ito nabanggit, kailangan natin itong tutukan upang mapalakas ang ekonomiya ng bansa at maparami­ ang trabaho at benepisyo sa ating bansa.

Scroll to top