BIDA KA!: Ipaglaban ang SK

Mga bida, isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon ay ang pagpapaliban ng halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakda sa Oktubre.

Argumento ng iba, katatapos lang ng pambansang eleksiyon noong Mayo masyadong maikli ang panahon ng paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa barangay at SK elections.

Nais naman ng ilang mambabatas na ipagpaliban ang halalan ng dalawang taon at gawin na lang sa 2018 upang mapaghandaan ito nang husto.

May lumitaw ring panukala na tuluyan nang i-abolish ang barangay council at SK dahil wala raw itong pakinabang at walang naitutulong sa mga komunidad.

***

Bilang isa sa mga nagsulong ng Republic Act No. 10742 o SK Reform Act bilang co-author at co-sponsor noong 16th Congress sa Senado, hindi ko matatanggap ang panukalang ipagpaliban ng dalawang taon ang halalan o buwagin nang tuluyan ang SK.

Kaya nga natin isinulong ang mga reporma sa SK upang mailayo ito sa dating sistema na puno ng katiwalian at walang nagawa para sa kapakanan ng mga kabataan.

Sayang naman ang mga ikinasang reporma kung hindi natin agad ito maipatutupad sa lalong madaling panahon o kung wala nang SK para magpatupad nito.

Huwag tayong magpadalus-dalos sa ating desisyon. Bakit hindi natin bigyan ng pagkakataong maikasatuparan ang mga repormang ito at tingnan kung ito’y magiging epektibo para sa kasalukuyang henerasyon.

***

Bilang kauna-unahang batas na mayroong anti-dynasty provision, malaking panghihinayang kung hindi natin makikitang naipatupad ang SK Reform Act.

Sa ilalim ng batas, bawal nang tumakbo bilang SK officials ang mga kamag-anak ng halal na opisyal, hanggang sa tinatawag na second level of consanguinity.

Itinaas na rin natin ang edad ng SK officials patungong 18 hanggang 24 taong gulang, upang magkaroon sila ng legal na pananagutan sa kanilang mga aksiyon.

Upang mahasa ang kanilang kaalaman sa pagganap ng tungkulin, obligado na ang mga SK official na dumaan sa leadership training programs.

Makatutulong na rin ang tinatawag na Local Youth Deve­lopment Council (LYDC) sa pagbalangkas ng mga programa’t proyekto para sa mga kabataan.

Sa pamamagitan ng LYDC, mabibigyan ang mas mara­ming grupo ng kabataan na lumahok, makialam at bantayan ang kanilang kapakanan.

Walang dapat ipangamba dahil sa mga repormang ipinasok natin sa bagong SK, ibang-iba na ito sa ating nakasanayan noon na madalas ay paliga ng basketball at beauty contest ang proyekto para sa mga kabataan.

***

Noong Martes, lumabas na ang committee report ng Senado na nagpapaliban sa SK elections sa Oktubre 2017.

Sa una, nanghihinayang tayo sa pagpapaliban na ito ngunit mas maganda na ito kaysa sa panukalang gawin ang halalan sa 2018.

Isa pa, tiniyak din sa atin ni Sen. Sonny Angara na tututulan ng Senado ang anumang pagkilos na buwagin ang SK.

Maaaring gamitin ng COMELEC ang dagdag na panahon upang mapaghandaan nang husto ang SK, gaya ng pagpapalawig ng registration at paghikayat sa ating mga kabataan na tumakbo.

Bigyan natin ng pagkakataon ang SK na humubog ng mga bagong bayani mula sa ating mga kabataan na tutulong sa pagpapalakas ng ating mga komunidad.

Article first published on Abante Online

Scroll to top