BIDA KA!: Iwaksi ang kultura ng karahasan

Mga Bida, parang hango sa eksena ng isang action ­movie ang paglalarawan ng mga pulis sa nangyaring engkuwento na ikina­sawi ng dalawang kabataan sa Caloocan City kamakailan.

Sa kaso ng 17-anyos na si Kian Delos Santos, sinabi ng mga pulis na pinaputukan daw sila ng ­biktima habang nagsasagawa sila ng “one time, big time operation” sa siyudad kaya napilitan silang gumanti ng putok na siyang ikinamatay ng Grade 12 student.

Subalit iba ang nakita ng CCTV camera ng barangay. Nakita na bitbit ng mga pulis si Kian patungo sa lugar kung saan siya nakitang patay matapos ang umano’y engkuwentro.

Natuklasan din sa forensic examination na nakaluhod at ­nakasubsob sa lupa ang biktima nang barilin ito nang ­malapitan. Ibig sabihin, malabo ang pahayag ng mga pulis na lumaban ang biktima kaya nila ito pinaputukan.

Noong una, ibinida rin ng mga pulis na kilalang runner si Kian ng illegal na droga ng kanyang ama at tiyuhin. ­Patunay ng kanilang alegasyon ang sinasabing dalawang sachet ng shabu na natagpuang nakaipit sa kanyang shorts.

Ngunit nang ungkatin ito sa Senado, napag-alamang ­social media lang pala ang pinagbatayan ng Caloocan Police ng ­sinasabi nilang ulat ukol sa pagkakasangkot ni Kian sa ­ilegal na droga.

***

Hindi pa humuhupa ang isyu ni Kian nang mapatay naman ng dalawang miyembro ng Caloocan police si Carl Arnaiz, na nangholdap umano ng isang taxi driver.

Sa kuwento nina PO1 Jeffrey Perez and PO1 Ricky Arquilita, nilapitan sila ng taxi driver na si Tomas Bagcal at hiningan ng tulong para mahuli ang nangholdap sa kanya.

Tulad ni Kian, sinabi ng mga pulis na nakipagpalitan din ng putok itong si Carl kaya napilitan silang gumanti na nagresulta sa pagkamatay ng 19-anyos na binata.

Pero lumitaw sa pagsusuri ng forensic expert na binaril si Carl nang malapitan, kaya malabo ang kuwento ng mga pulis na may nangyaring engkuwentro. Idinagdag din ng forensic expert na mukhang sa ibang lugar pinatay si Carl at inilagay lang sa lugar kung saan siya natagpuang patay.

Lumutang kamakailan ang driver ng taxi at nagsabing ­buhay pa si Carl nang isuko niya sa mga pulis. Para sa driver, mukhang scripted ang pagkamatay ng binata.

Nadagdagan pa ang galit ng taumbayan nang ­makitang ­tadtad ng saksak ang 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, ang sinasabing kasama ni Carl nang ito’y huling makitang ­buhay, sa Nueva Ecija. Sinabi naman ng PNP na hindi si ­Reynaldo ang bangkay na natagpuan sa Nueva Ecija, batay sa ­isinagawa nilang DNA testing ngunit kinukuwestiyon naman ito ng ­Public Attorney’s Office (PAO).

Ang mga ganitong pangyayari ang nakasisira sa imahe at reputasyon ng Philippine National Police (PNP) bilang institusyon na siyang nagpapatupad ng batas at nagtatanggol sa mga inaapi at mga inosente.

***

Pati ang Simbahan ay naalarma na rin sa sunud-sunod na pagpatay sa ating mga kabataan.

Naglabas na ng magkahiwalay na pahayag sina Cardinal Tagle ng Arsobispo ng Maynila at Obispo ng Cabanatuan City na si Sofronio Bancud na kumokondena sa pagkamatay nina Kian, Carl at Reynaldo.

Hiniling naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa taumbayan na ihinto na ang pagsang-ayon sa mga nangyayaring patayan at magalit sa kasamaang nangyayari sa lipunan.

Kaisa tayo ng dalawang alagad ng Simbahan sa kanilang panawagan na itigil na ang pagpatay sa mga inosenteng biktima na nadadamay sa giyera ng pamahalaan kontra ilegal na droga.

Hindi pagpatay ng kapwa ang solusyon sa ilegal na ­droga. Walang maidudulot na mabuti ang kultura ng kalupitan at karahasan.

Huwag nating hayaang maging normal na kalakaran na lang sa ating lipunan ang kabi-kabilang patayan.

Panahon na upang pag-aralan ang istratehiya ng pamahalaan kontra ilegal na droga. Hindi natin dapat isakripisyo ang buhay ng mahihirap at walang kalaban-laban nating kababayan.

Scroll to top