BIDA KA!: Kababaang-loob

Kung tutuusin, hindi Niya kailangang maranasan ang hirap sa kamay ng mga Hudyo. Ngunit buong pagpapakumbaba Niyang ibinigay ang buhay upang tayo’y iligtas at ilayo sa kapahamakan.

***

Ito rin ang kaugaliang ipinamamalas ni Pope Francis sa pagtupad ng tungkuling pamunuan ang Simbahang Katolika at lahat ng Kristiyano sa buong mundo.

Sa unang mga araw niya bilang Santo Papa, ipinakita na ni Lolo Kiko ang kanyang kababaang-loob nang hugasan niya ang paa ng mga kabataan, babae at Muslim na bilanggo sa isang juvenile detention center noong 2013.

May ilan ang bumatikos sa pagkilos na iyon ng Santo Papa dahil ito’y kontra sa tradisyon ng Vatican na puro lalaking pari lang ang dapat hugasan ng paa dahil pawang mga lalaki ang mga alagad ni Kristo.

Ngunit hindi pa rin natinag ang Santo Papa. Noong nakaraang taon, nagtungo siya sa isang home for the aged at PWDs para hugasan ang paa ng ilang napiling matatanda at may kapansanan.

Ngayong taon, nakatakda siyang dumalaw sa Rebibbia prison sa Rome sa gabi ng Holy Thursday.

Pagkatapos ng misa, nakatakdang hugasan ng Santo Papa ang paa ng ilang piling bilanggong lalaki at maging babae.

Ayon kay Pope Francis, ang paghuhugas ng paa ay simbolo ng kanyang pagmamahal sa lahat, hanggang sa pinakaordinaryong miyembro ng lipunan.

***

Ang halimbawang ito ni Pope Francis ay pagpapakita lang ng katangian ng isang servant leader, na handang magsilbi sa lahat nang may kababaang-loob.

Ito ay isang mahalagang imbitasyon na katangiang kailangang isabuhay, lalo na sa aming mga halal na opisyal ng bayan.

Sa simula pa lang ng administrasyong ito, sa hindi paggamit ng wangwang ng mga pinuno natin, nais ipakita na walang special treatment kahit kanino sa daan.

Kahit kung minsan late na sa appointment, hindi pa rin inalis ng Pangulo ang patakarang ito, na isang magandang halimbawang sinusunod ng iba pang opisyal ng pamahalaan.

May iba’t ibang paraan din upang maipakita ng mga lingkod-bayan na sila’y karapat-dapat na mga servant-leader ng bansa.

Una rito ay ang pagbibigay ng tapat at malinis na paglilingkod sa taumbayan na naglagay sa kanila sa puwesto.

Ang ikalawa ay ang pagsisikap na matupad ang kanilang ipinangako noong panahon ng halalan ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga nagtiwala sa kanila.

Ikatlo, ang pagiging mapagkumbaba sa lahat ng panahon, gaya ng ipinakitang halimbawa ni Hesus at patuloy na ipinamamalas ni Pope Francis.

Ito ang mga aral na hatid ng Semana Santa para sa ating lahat. Sana’y maitanim ito sa ating puso’t isipan.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top